ANBNI | 34: Nahulog Ang Loob Niya Sa Prinsesa

297 26 2
                                    

Palasyong Xinn.

Binuhos ni Yura sa halamang nakatanim sa maliit na paso ang pabango hanggang maubos ito. Nakita niya kung paano nagbago ang kulay ng halaman ng tuluyan itong malunod. Natitiyak niyang ibang buhay ang malalanta kapag hinayaan niyang maiwan ito sa prinsesa.

Alam niyang ibabalik siya ni Yeho sa kahit na anong paraan ngunit hindi niya nanaiising madungisan ang kamay nito ng inosenteng buhay.

"Xuren, natanggap na po ng Punong Guro ng Guin ang inyong mensahe." pabatid ni Won at sunod na binuhusan nito ng tubig ang halaman upang mabawasan ang makapal na halimuyak na kumakalat sa silid. Alam niyang ang lubos na maaapektuhan nito ay ang sensitibong pang-amoy ng kanyang Xuren.

"Ang Prinsesa?"

"Dinalaw po siya ngayon ng Emperatris."

"Harangin mo ang pagpasok ng pabangong ito sa palasyo niya.

"Masusunod Xuren."

Tuluyang binitiwan ni Yura ang lagayan ng pabango sa kanyang kamay ng mapag-isa siyang muli sa silid. Hindi niya gustong suwayin ang kanyang kapatid ngunit...

"...Dahil sa matinding pag-aalala niya sayo, nagmakaawa siya sa Emperador na bawiin ang kautusan..."

Kung may iba pang paraan ng hindi kinakailangang malagasan ng buhay ay mas pipiliin niya ito. Manhid siya pagdating sa mga taong naghahangad na mapahamak siya. Subalit hindi niya kayang maging yelo kung kaligtasan niya ang hinahangad ng mga ito. Ito ang dahilan kung bakit mariing tinatanggihan ni Yura ang magkapatid. Alam niyang magiging malaking balakid ang mga ito sa kanya.

Lumapit si Yura sa durungawan upang tulungan siyang itaboy ng hangin ang halimuyak ng pabango. Sadyang malupit na parusa ang lason para sa mga taong hindi kayang kontrolin ang kanilang emosyon.

Napukaw ang atensiyon ni Yura sa puting ibon na lumilipad papunta sa direksyon niya. Muli itong dumapo sa halamang binabalik-balikan nito sa kanyang silid.

Matagal na tumigil ang pansin ni Yura sa puti nitong balahibo. Mistulang may alaalang humihila sa kanya sa kawalan ng may imaheng bumabalik sa kanya.

Naramdaman ni Yura ang sariling umangat mula sa mabalahibong damo. Bahagyang bumuklat ang nanlalabo niyang mata. Nahagip ng kanyang paningin ang lalaking may puting kasuotan. Bago nagsara ang kanyang talukap, naramdaman niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya...

Bahagyang sumikip ang dibdib ni Yura ng unti-unting luminaw sa kanya ang imahe nito. Pinakalma niya ang kanyang pulso bago tuluyang maging lason sa kanya ang pabango.

"Lu Ryen," Narinig niyang tawag sa kanya ni Dao bago ito pumasok sa kanyang silid. May mga hawak itong maliliit na kahon na may eleganteng disenyo na nakaukit sa mga ito. "Pinadala po ang lahat ng ito sa inyo ng Emperatris." maingat na inilapag ni Dao ang maliliit na kahon sa lamesa ng Lu Ryen. "Pinapasabi ng Emperatris na makakatulong ito sa inyong dalawa ng Prinsesa."

Isinantabi ni Yura ang imaheng bumabalik sa kanya at inukol ang pansin sa dinala ni Dao. Binuksan niya ang kahon upang mabaling dito ang atensiyon niya.

Dala ng kuryusidad, hindi namalayan ng Punong katiwala na bahagyang umangat ang kanyang tindig upang masilip ang regalong ipinadala ng Emperatris. Napapitlag si Dao ng biglang isara ng Lu Ryen ang kahon na tila napaso ito.

"Itago mo ito sa lugar na hindi ko nakikita." Si Yura na wala ng interes na buksan ang laman ng iba pang maliit na kahon.

Mariing inipit ng punong katiwala ang kanyang bibig upang pigilan ang pagsungaw ng kanyang ngiti. "Masusunod po Lu Ryen." ang regalong ipinadala ng Emperatris ay sadyang mapangahas. Hindi na kailangan ng Lu Ryen ang tulong ng pulang ugat dahil bata at malusog pa ito. Bihira lang tumubo ang ganitong klase ng ugat sa kanilang lupain kaya naman nakikita niya na hindi na makapaghintay ang Emperatris sa magiging apo nito sa Prinsesa.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon