ANBNI | 32: Anong Ibig Ipahiwatig Ng Lu Ryen?

262 25 2
                                    

Humugot ng malalim na hininga si Yura ng mapag-isa siyang muli sa kanyang silid. Marahang ibinaba niya ang sarili sa mahabang upuan. Di niya mawari kung hinihila siya ng kanyang pagod dahilan ng pagsisimulang pagkirot ng kanyang sentido, o dahil sa mga sinabi ng Pangatlong Prinsipe? Magpakaganon pa man, ipinikit ni Yura ang kanyang mga mata upang kunin ang pagkakataong ito na makapagpahinga. Hindi natapos sa paligsahan ang mga pagsubok na dumating sa kanya. Kinalas niya ang mahigpit na pagkakatali ng laso sa kanyang pulso upang hayaan ang sarili niyang makahinga.

Makalipas ang mahabang sandali, hindi na maaaring ignorahin ni Yura ang paglagitk ng mga kopa sa labas ng kanyang silid. Ang mabibigat ng mga paa na pabalik-balik sa labas ng kanyang pinto ang gumising sa kanyang kamalayan. Sumagi sa isip ni Yura ang napakatahimik na palasyong pinanggalingan niya kanina. Wala siyang narinig na ano mang kaluskos ng magising siya, at nanatili itong tahimik ng lisanin niya. Bagay na imposibleng magawa niya sa palasyong xinn na hindi nawawalan ng panauhin.

Tumuwid si Yura mula sa pagkakasandig niya sa kamay ng mahabang upuan. "Dao."

Natigilan ang Punong katiwala ng marinig ang kanyang pangalan sa loob ng silid ng Lu Ryen. Dali-dali ang mga hakbang na pinuntahan niya ito. "Lu Ryen, naghanda po ako ng tsaa--" muling natigilan ang matandang tagapaglingkod ng makatanggap ng blankong tingin mula dito. Ito ang mga sandaling wala siyang maitatago sa Lu Ryen, pakiramdam niya ay nakikita nito ang tunay niyang saloobin. Hindi na itinago ng matandang katiwala ang bumabagabag sa kanya.

"Kailangan niyo pong bisitahin ang Prinsesa. Hindi makakabuti sa inyo kung ilalayo niyo ang sarili niyo sa kanya."

Nakita ni Dao kung paano nagalit at nag-alala ang Pangatlong Prinsipe sa Lu Ryen dahil sa Prinsesa. Kung papasok ang Emperatris, malalagay sa nakakabahalang sitwasyon ang kanyang panginoon. Ang pagtalaga dito ng Emperador na kumatawan sa paligsahan ay isa ng malaking kwestiyon sa kanya. Maaaring alam ng Emperador ang tunay na kakayahan ng Lu Ryen kaya ito ang napili upang pagtibayin ang posisyon nito sa pamilya ng imperyal, at maaari rin na ituring itong isang babala sa Punong Heneral. Marami ng pinagdaanan si Dao sa ilalim ng imperyal. Sa murang edad ay namulat siya sa makamundong gawain ng mga nasa kapangyarihan. Dahilan kung bakit nababahala siya sa mga nangyayari sa Lu Ryen, kung maaari ay nais niyang ilayo ito sa mga panganib na maaaring dumating dito.

Nararamdaman ni Yura ang katapatang nilalahad sa kanya ng punong katiwala. Hindi niya mabuhat ang sariling higpitan ito gayong lumagpas na ito sa tungkulin nito bilang tagapaglingkod. Batid ni Yura na tama ito, hindi makakatulong sa mga plano niya kung magiging malamig siya sa Prinsesa. Sinabi niya sa sarili niya na hindi siya magdadalawang isip na ilubog ang kanyang kamay kung kinakailangan, ngunit sadyang may parte niya ang hindi magawang maging manhid. Hangga't kaya pang iwasan ni Yura ang Prinsesa ay gagawin niya dahil hindi niya papayagang matulad ito kay Sena. Ngunit sa pagkakataong ito ay kailangan niya itong harapin, hindi niya nanaising muling kumatok sa kanyang tarangkahan ang Pangatlong Prinsipe dahil sa kapatid nito. Bumalik sa alaala ni Yura ang nagyeyelong tingin sa kanya ng Prinsipe.

"Maghanda ka, ipaalam mo sa palasyo ng prinsesa ang pagbisita ko." ang naging tugon niya na bumawas sa malalalim na linya sa noo ng punong katiwala.

Samantala, sa palasyo ng Pang-anim na Prinsipe...

Kumakatok ang puting ibon sa isang piraso ng papel na nakabuklat sa lamesa ng kanyang panginoon. Mararamdaman ang malamig na hanging humahawi sa dulo ng roba ng Prinsipe.

"Kamahalan?" nag-aalalang tanong ni Seb, ang aninong bantay ng matagal na nanahimik ang prinsipe matapos nitong basahin ang katagang naiwan sa likod ng liham. "Anong ibig ipahiwatig ng Lu Ryen?"

"Pareho naming hawak ang dulo ng tali. Sino man sa amin ang bumitaw, magkasama kaming mahuhulog sa malalim na bangin."

Naguguluhan man ay mabilis na bumaba ang aninong bantay sa kanyang tuhod. "Ipag-utos niyo lamang kamahalan kung magiging mapanganib siya sa inyo. " hindi papayagan ni Seb ang ano mang banta sa kanyang Prinsipe.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon