ANBNI | 8: Ang Pang-anim Na Prinsipe

445 30 0
                                    

Katahimikan ang una mong maririnig pagpasok mo sa maaliwalas na palasyo ng Pang-anim na Prinsipe ng Salum. Tahimik na nagtratrabaho ang mga katiwala at makikita ang maingat na pagkilos nila sa bawat gawain. Sa unang tingin ay aakalaing walang nakatira sa palasyo dahil walang bakas ng mga tao sa mga pasilyo at patyo nito. Naroon lamang ang mga tagapaglingkod sa oras ng paglilinis at kung may kailangang ayusin ngunit kadalasan ay naiiwang bakante ang lugar. Mabigat na kaparusahan ang matatanggap ng sino mang mag-iingay ng walang dahilan. Makikitang pinahahalagahan ng Prinsipe ng palasyo ang katahimikan sa teritoryo niya ngunit sa kabila nito, mayroong isang taong may lakas ng loob na basagin ang katahimikan ng lugar.

"Hanju!" natutuwang tawag ni Jing sa pinsan hindi pa man siya nakakalapit sa silid nito. Umaalingawngaw ang ingay nito sa sulok ng palasyo. Sunod-sunod na naglabasan ang mga tagapaglingkod ng marinig ang boses ng nag-iisang Xuren ng Punong Ministro. Mabilis nilang nakilala ang tinig nito dahil ito lang naman ang nakakapasok sa palasyo ng Pang-anim na Prinsipe ng walang pahintulot ng kanilang Kamahalan.

"Xuren Jing, ipagpaumanhin niyo ngunit nagpapahinga ngayon ang mahal na Prinsipe." Mabilis na hinarang si Jing ng Punong katiwala at ng mga alipores nitong tagapaglingkod.

Bumalik kay Jing ang alaala ng nangyari sa kanya kagabi, kung paano siya hinarang ng matangkad na bantay at wala siyang nagawa kundi umatras. Sa pagkakataong ito, hindi siya papayag na harangin ng kahit na sino. "Hmph! Nakalimutan niyo bang ako ang pinakapaboritong pinsan ni Hanju? Hindi siya matutuwa kapag nalaman niyang pinagbabawalan niyo akong makita siya!"

Isa sa mga tagapaglingkod ang pinigilan ang sariling matawa sa pahayag nito. Ang Pang-anim na Prinsipe ang mahigpit na nagbilin sa kanila na huwag nilang pahihintulutan na gambalain ito ni Xuren Jing. Hindi nila alam kung anong ginawa ni Xuren Jing sa Prinsipe nila kagabi ngunit pagkagising nito kanina ay iyon agad ang inutos nito sa Punong Katiwala. Marahil malaki ang naging kasalanan ni Xuren Jing kaya ganon nalang kalamig ang ekspresyon ng kanilang Prinsipe.

"Kailangan pong magpahinga ng Prinsipe kaya ipagpaumanhin niyo kung hindi niya kayo mapauunlakan mahal na Xuren." Malumanay na paliwanag ng Punong katiwala ngunit ang mga alalay nito ay mahigpit na nakabantay sa pinto.

Gustong magtago ni Jing. Ano nalang ang sasabihin ng kanyang Ama? Maging mga alipin ay may lakas na loob na harangin siya. Sadyang mahina ba ang kanyang awtoridad at hindi man lang natatakot ang mga ito sa kanya?!

"Naiintindihan ko, kung ganon ay ipagpapaliban ko muna ang aking pagbisita." Mabilis na tumalikod si Jing na ikinabigla ng Punong Katiwala at mga kasama nito. Hindi ito ang inaasahan nilang reaksiyon mula dito. Ang inaasahan nila ay makikipagsagupaan ito sa kanila gamit ang mabulaklak nitong bibig subalit ngayon ay kalmado itong umatras. Nakahinga sila ng maluwag dahil nakaligtas sila sa maaaring parusa nila kung sakaling maabala nito ang Prinsipe.

Nang bumaba ang alerto ng mga katiwala. Mabilis na bumalik si Jing upang itulak ang mga ito at walang habas na pumasok ito sa loob ng silid. Saglit na natulala ang mga katiwala sa bilis ng pangyayari, nang matauhan ay agad nila itong sinundan. Sunod-sunod na mga yabag ng mga paa ang maririnig na pumasok sa loob ng silid ng Pang-anim na Prinsipe.

"K-Ka-Kamahalan..." namumutlang humarap at yumuko ang Punong katiwala at ibang mga tagapaglingkod sa Prinsipe na kasalukuyang nagpipinta. Sagrado ang oras ng pagpipinta para sa Pang-anim na Prinsipe, walang sino man sa kanila ang maaaring umabala dito. Lalo na si Xuren Jing nasa tuwing bubuka ang bibig ay hindi nauubusan ng sasabihin, dudugo nalang tenga mo sa pakikinig sa kanya ay hindi parin ito mapapagod na kausapin ka.

Hindi pinigilan ni Jing ang sariling tumawa ng malakas ng makita niya ang matinding takot sa mata ng mga alipin. "Hanju, huwag mo silang sisisihin kung pinapasok nila ako. Sadyang napakamasunurin lang ng iyong mga katiwala at pinayagan nila akong gambalain ka." habang kumikirot ang tiyan ni Jing sa katatawa lalo namang nagiging kulay papel ang mukha ng mga tagapaglingkod. Ilan sa kanila ay nananalangin na sana ay tamaan ito ng kidlat. Ang mga Xuren na kilala nila ay may dignidad at karespe-respeto ang asal at kilos. Ngayon palang sila nakakilala ng ganitong Xuren. Hindi ito natatakot na masira ang imahe nito kahit na anak ito ng pinakamataas na Ministro sa imperyo. Isang bagay na hindi mo alam kung hahangaan o kamumuhian mo. Ngunit ng mga sandaling iyon, pagkamuhi ang salitang nararamdaman ng mga katiwala para kay Xuren Jing.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon