ANBNI | 12: Ang Emperatris Ng Salum

352 26 0
                                    

Pumapailanlang ang malumanay na musika sa punong silid ng Palasyong Xinn. Sumasabay ang himig ng hangin sa labas ng malawak na bakuran. Ang pagpatak ng unang butil mula sa kabubukadkad na bulaklak ay lumikha ng mas matamis na umaga sa palasyo ng Lu Ryen.

Sumimsim si Yura ng maligamgam na tsaa habang pinakikinggan ang pagtugtug ni Numi ng plauta, kasama ang tatlo niyang Xienli na tahimik na nakikinig sa kanyang tabi. Ang malaking bungad na kumukonekta sa hardin ang nagsilbing liwanag sa loob ng malaking silid. Kahit natatanaw nila sa malayo ang malawak na hardin, nakakarating parin sa kanila ang halimuyak ng mga bulaklak dala ng simoy ng hangin.

Mahabang napahikab si Kaori na naghihintay sa labas ng silid kasama si Won na alertong naghihintay ng utos ni Yura. "Hanggang kaylan ang plano ng Xuren na makipaglaro sa kanila?" nababagot na tanong ni Kaori sa kanyang katabi. Nakatanggap siya ng matalim na tingin bilang sagot mula kay Won. "Nangangamba ako, dahil pakiramdam ko ginawang bihag ng Emperador ang ating Xuren. Binigyan niya ito ng malaki at magarang hawla subalit wala siyang nilaan na kaukulang tungkulin para sa kanya. Tanging titulo ng Lu Ryen na mabigat sa pandinig subalit limitado lamang ang kapangyarihan. Won, hindi ko nagugustuhan ang nangyayari." Humigpit ang pagkakariin ng mga daliri ni Kaori. "Kung may kakayahan lamang akong basahin ang iniisip ng Xuren..." hinaing ng bantay dahil magpahanggang ngayon ay hindi niya parin masundan ang mga plano ni Yura.

"Magtiwala lamang tayo sa kanya, alam ng Xuren ang ginagawa niya." Maikling tugon ni Won.

Muling nangibabaw ang payapang musika sa Palasyong Xinn. Marahang umiikot ang dulo ng mga daliri ni Yura sa labi ng Kopa habang pinapakinggan ang malamyos na himig ng kanyang Xienli.

Samantala, napuno ng tensiyon ang Palasyo ng Prinsesa ng dumating ang mga lingkod ng Emperatris upang sunduin ang Prinsesa. Namumutlang nakasunod si Chuyo sa kanyang Prinsesa, kahit alam na niyang mangyayari ito pagsapit ng umaga hindi parin nabawasan ang kanyang kaba kundi lalo lamang iyong nadagdagan. Ito na ang sumunod na beses na nagalit ang Emperatris kay Prinsesa Keya. Ang nauna ay ng tumakas ito, at ngayon na marahil ang pinakamalala dahil maging ang matatandang babae na tagapaglingkod ay pinatawag ng Emperatris. Ang mga tagapaglingkod na ito ang tumayong mga Ina ng Emperatris. Sila ang humubog sa Ina ng Salum kaya naman kahit isa lamang silang utusan, mataas ang respeto ng Emperatris sa kanila at binigyan sila ng respetadong tungkulin sa linya ng mga tagapaglingkod. Sila ang nagbibigay ng mga payo sa Emperatris pagdating sa mga bagay na nasa loob ng Palasyo.

Nagsara ang bawat pinto sa pasilyo ng Emperatris na nagpadilim sa paligid. Lumabas ang mga kawal at mahigpit na nagbantay sa labas.

Bumagsak ang mga tuhod ni Chuyo ng makita niyang dumating ang Emperatris. Kasing dilim ng paligid ang ekspresyon ng mukha nito. Bumaba din sa kanyang mga tuhod si Keya upang tanggapin ang parusa niya.

"Hubaran niyo siya!" utos ng Emperatris.

Walang pag-aalinlangan na hinubaran ng lingkod ng Emperatris ang Prinsesa. Pinigilan ni Keya na yakapin ang sarili nang mawala ang huli niyang saplot sa katawan. Dahil kung magpapakita siya ng pagsuway lalo lamang madadagdagan ang kanyang parusa.

Bumuhos ang nagyeyelong tubig mula sa ulo hanggang sa talampakan ni Keya. Sunod-sunod ang pagbuhos ng mga lingkod at hindi siya pinayagang magpahinga. Nanggigigil ang mga ngipin niyang tila madudurog dahil sa higpit ng kanyang pagkakadiin.

Walang nagawa si Chuyo kundi humagulhul sa tabi habang pinaparusahan ang Prinsesa niya.

Sa panglabing anim na buhos, bumagsak ang katawan ni Keya sa matinding panginginig. Dito lamang tumigil ang mga tagapaglingkod ng Emperatris.

Nagmamadaling lumapit si Chuyo sa Prinsesa at binalot ito ng tuyong saplot. Pinigilan ni Keya ang pag-alalay ng katiwala niya at kusa siyang bumangon at muling lumuhod sa harapan ng Emperatris. Sa mga sandaling ito, Isang Emperatris ang kanyang kaharap.

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon