ANBNI | 43: Heneral Yulo

229 21 4
                                    

"Ang dedikasyon niyong linisin ang mga nabubulok na opisyales sa lupaing ito ay tunay na kahanga-hanga, subalit pansamantalang pagbabago lamang ang epektong malilikha nito. Matagal na panahon na silang namumuno, sino sa tingin niyo ang paniniwalaan ng mga tao? Ang mga opisyal na hinahangad ang pagbuo ng bagong hukbo upang protektahan ang kaharian, o ang mga tulisan na walang mukha?" Si Yura matapos madaanan ng kanyang paningin ang nilalaman ng aklat-tuusan.

"Kung magbabago ang mga nakaupo, magbabago din ang pamamalakad na pinapatupad sa Nyebes." Namumuo ang galit na mariing wika ni Rong.

"Paano kayo nakakasigurong hindi magbabago ng anyo ang mga bagong mamumuno sa sandaling masilaw sila sa hawak nilang kapangyarihan? Kapag nangyari iyon, babalik muli kayo sa simula." Kasing lamig ng yelo na tugon ni Yura dito.

Rong, "Kailangan ng mga taong magising na ginagamit lamang silang kasangkapan! Marami ng mga batang lalaki ang nawalay sa kanilang pamilya, ginagamit pambayad utang upang maging alipin ng mga buwayang mangangalakal."

"Sa kasalukuyan nangyayari sa Nyebes, hindi pagbabago ang kailangan ng mga tao dahil karamihan sa kanila ay nakikinabang sa mga katiwaliang nakatala sa aklat na ito. Sino ang sisisihin nila kapag nawala ito sa kanila?" Binalik ni Yura ang aklat-tuusan na tila nawalan ito ng bigat sa kamay niya. "Huwag niyong kalilimutan na ang layunin niyo ay itaboy ang dayuhang barbaro na nais kamkamin ang lupaing ito."

Naguguluhan ang tinging tinitigan ni Nalu ang Lu Ryen, "Yura Zhu, sabihin mo sa'min kung ano ang nais mong mangyari?" May gusto itong iparating sa kanila subalit hindi nila makita ang buong larawan nito. Ang mga tanong na binibitawan ng Xuren ay nag-iiwan ng mas malalim na katanungan sa kanilang isipan.

"Kung magagawa niyong manahimik sa loob ng tatlong araw, mauunawaan niyo ang ibig kong sabihin." Ang huling paalala ni Yura bago niya nilisan ang madilim na silid. Kung hindi nila maproprotektahan ang sarili nila sa loob ng tatlong araw na paghahanap sa kanila ng mga armadong kawal ng Punong opisyal, mawawalan ang Nyebes ng mga tunay na nagmamahal sa lupaing ito.

Sinalubong ni Won ang paglabas ni Yura sa bahay aklatan, "Pinauna ko na si Ministro Tien at Xuren Jing." aniya matapos tawagin ang bagong karwahe. Hindi na kailangang ipaalam ni Won ang maduming bagay na naglalaro ngayon sa isipan ng mga ito matapos pumasok ni Yura sa loob ng isang silid kasama ang nakakabighaning Xirin. Ang mahalaga ay nagawa nitong itaboy ang dalawa upang walang maging sagabal sa kanyang Xuren. "Naghihintay na po si Heneral Yulo sa inyo."

Hindi nag-iwan ng sulyap si Yura ng tumuloy siya sa karwahe. Hindi niya inaasahang ang naantalang plano niya ay magdadala sa kanya sa grupong ito.

Mula sa pangalawang palapag ng aklatan, makikita ang dalawang pares ng mga mata na nakasunod sa likod ng Lu Ryen.

"Nang malaman kong isa siya sa legadong dumating, hindi ako umaasang matutulungan niya tayo. Isa man siyang Zhu, ngunit binalot siya ng proteksiyon ng kanyang pamilya. Nilayo siya sa magulong mundo ng digmaan, kaya batid kong wala siyang karanasan at damdamin na ipaglaban ang lupaing pinagtanggol ng kanyang angkan." Nangangalit ang tinig na wika ni Rong. Pinaramdam sa kanila ng Lu Ryen na hilaw pa ang kaalaman nila sa kanilang sitwasyon. Ngunit hindi rin ito nagpakita ng interes na ilahad ang kamay nito sa kanila. Humigpit ang hawak ni Rong sa aklat-tuusan. "Xirin, kailangan nating malaman kung sino ang nagbigay sa atin ng impormasyong ito." Tukoy ni Rong sa estrangherong naglabas sa kanila ng mga lihim ng Punong Opisyal, dahil dito ay natukoy nila kung saan nakatago ang aklat-talaan. Hindi ito nagpapakita sa kanila subalit nasusundan nito ang kanilang mga galaw. Mapanganib man na lantad sila sa taong ito subalit tinutulungan sila nitong butasan ang kapatid ng Reyna. Marahil ay isa rin ito sa mga angkan na nadurog sa kamay ng Punong Opisyal.

"Maghihintay tayo ng tatlong araw," kalmadong tugon ni Nalu.

"Xirin, maaaring nakapasok na ang mga barbaro sa kabisera sa sandaling dumating ang araw na 'yon! Paano kung istratehiya lamang ito ng Lu Ryen upang hindi tayo kumilos laban sa Punong opisyal?"

Ang Nakatagong Bituin Ng ImperyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon