KABANATA 47

30.5K 1.1K 178
                                    

Jasper's P.O.V.

Ito ang s'yam na kasama ko sa pagsalingit: Si Lolo Alfonso at Leanna mula sa lahi ng mga engkantong lambana, si Carlitos mula sa lahi ng mga aswang na busaw, si Mariella mula sa lahi ng mga laman-lupang tahamaling, si Apolinario mula sa lahi ng mga sswang na matruculan, si Dino mula sa lahi ng mga malignong tiyanak, si Ricardo mula sa lahi ng mga aswang na bungisngis, at ang magkapatid na Gido at Romeo mula sa lahi ng mga malignong tikbalang na kumampi sa aking panig.

Napakarami ng aming mga kalaban, kaya kahit nanggigil na kaming makapasok agad, nagtiyaga kami sa kanya-kanyang tahimik na pagpilipit sa leeg ng mga nakabantay sa palibot ng gusali.

"Pssst." Paninitsit ni Dinong tiyanak sa isa sa mga bantay. Luminga-linga ang sinitsitan nito, pero dahil wala pang tatlong talampakan ang laki ni Dino, hindi ito nakita ng sinisitsitan nito.

Sinulyapan ko si Dino at nginisian.

"Pssst." Muling paninitsit ni Dino, habang nakatago pa rin kami sa likod ng halamang-bakod. Luminga-linga ang hindi lang isa kundi tatlong nagbabantay. Nagkakatinginan pa ang mga ito at tinanong ang isa't-isa kung sino ang sumisitsit.

Pare-parehas naming inipit ang aming mga labi para pigilan ang pagtawa, habang nakasiksik pa rin kami sa likod ng makapal na hedge o pimpin na aming tinataguan.

"Pssst." Pagsitsit ni Dino sa ikatlong pagkakataon.

Sumilip ako. Nakita kong itinuturo na ng isa sa tatlo ang aming direksyon. Marahil, natunugan na nito, ang pinanggagalingan ng sitsit. Lumapit ang mga ito sa amin, para magkakasabay na yumuko para silipin ang aming kinaroro'nan.

Sabay-sabay na sinuntok naming tatlo nina Carlitos at Romeo, diretso sa panga ng tatlong bantay. Agad din naman naming sinundan 'yun ng pagpilipit sa kanilang leeg. Hinila namin ang kanilang mga bangkay, upang maitago ang mga ito sa iba pa nilang mga kasamahan.

"Kunin n'yo ang isang bungkos ng mga susing 'yon." Pabulong na sabi ni Mariella sa magkapatid na sina Gido at Romeo. Itinuturo nito ang mga susing nakasabit sa sinturon ng isa sa aming napatay.

Habang hinuhubaran ng aking mga kasamahan ang tatlong bangkay, upang magamit ng tatlo sa amin ang kanilang kasuotan para sa pinaplano naming pagsalingit, kinapa-kapa ko naman ang kanilang mga bulsa. Natagpuan ko ro'n ang kani-kanilang 'key cards' na s'ya naman naming magagamit para mabuksan ang mga nakakandong modernong pinto.

"Bagay ba sa 'kin?" nagpapatawang tanong ni Ricardo, matapos nitong maisuot ang napakabaduy na kasuotan ng isa sa mga bangkay na isa ring tulad n'yang aswang na bungisngis. "Magkamukha na ba kami?" Itinabi n'ya ang kanyang mukha, sa bangkay ng pinagkuhanan n'ya ng kanyang kasuotan.

"Bagay sa 'yo," Natatawang sagot sa kanya ni Leanna, "Pero hindi kayo magkamukha." Humagikhik muna ito bago sinabing, "Mas pangit ka."

Napailing ako sa kanilang pagbibiruan.

"Shhh...ang lakas n'yong tumawa!"Pabulong na pinagsabihan ni Apolinario, sina Ricardo at Leanna, at ang iba pang nakitawa. "H'wag kayong maingay! Mapapahamak tayo sa ingay n'yo eh!"

"Sorry po." Nakangising sagot ni Leanna kay Apolinario, "Ingkong." Dahil sa huli n'yang sinabi, muling naghagikhikan ang iba.

"Tumigil na kayo sabi!" Nakasimangot na si Apolinario

Tumahimik na sila.

"Susubukan na naming pumasok, Jasper." Sabi sa akin ni Gido, na isa sa tatlong kinuha ang pagkakakilanlan ng aming tatlong napatay. Ang dalawang makakasama n'ya ay ang kapatid n'yang si Romeo, at si Ricardo, sa kanilang an'yong tao.

Sinilip ko muna ang looban, at nang masiguro kong walang makakakita sa kanila, sinenyasan ko na silang tatlo, upang sabay-sabay na lumiban sa halamang-bakod.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon