05

57 25 4
                                    

Titig na titig pa rin ako sa librong hawak ko. Hindi ko alam kung paano nangyaring hindi ito nabasa man lang kahit kaunti.

“Solemn, ano bang mayroon sa librong iyan at grabe ka makatitig?” tanong ni Mama at sinilip din ang libro.

“Wala, Ma. Inaalala ko lang kung anong chapter na ako,” pagsisinungaling ko na ngang sabi.

“Magmeryenda ka muna ro’n at gawin ang assignment mo kung mayroon man,” sabi pa ni Mama.

“Sige po,” sagot ko habang inaayos ang mga gamit kong papatuyuin pa. Hinilera ko iyon sa lamesa namin.

“Marami pa lang nabasa sa gamit mo,” sabi ni Mama at tinulungan akong magsalansan ng mga gamit ko.

“Opo, kahit yakap ko na ang bag ko ay nababasa pa rin dahil mahangin kanina,” paliwanag ko naman.

“Iyang libro mo? Nabasa?” tanong ni Mama na nakapagpakaba sa akin.

“Hindi po,” sagot ko.

“Bakit? Nilagyan mo ba ng plastic?” tanong niya habang nakatingin sa libro ko.

“Ah, opo, kanina nanghingi ako sa canteen namin.” Ayokong magsinungaling pero kailangan.

“Sana ay pinlastic mo na rin ang mga ito.” Tinuro niya ang gamit kong nasa lamesa.

“Akala ko po kasi ay hindi mababasa,” muling pagsisinungaling ko.

“Sige na at magmeryenda ka na,” nasabi na lang ni Mama para matapos ang usapan.

Pumunta ako sa kusina para kumain ng meryenda. Dala ko ang libro at ang notebook kong may assignment namin. Inuna kong gawin ang assignment ko habang kumakain nang turon na binili yata ni Mama kay Aling Nieves.

Josaiah: Nakauwi ka ba ng maayos?

Nagsimula na akong magbasa. Nasa bahay na si Josaiah. Nakahiga at nanatiling walang emosyon ang mukha.

Sabrina: Oo, salamat.

Magkausap sila sa facebook. Buti pa sa kanila may ganito. Ako kasi ay walang cellphone kaya hindi ako nakakapagfacebook. Hindi rin naman ako marunong gumamit noon kaya puro libro ang libangan ko.

“Ikaw muna ang magsalang nang pagkain, Sol. May bibilhin lang ako,” bilin ni Mama.

“Sige po, ingat kayo!” sabi ko naman. Umalis na si Mama. Ako naman ay tinigil muna ang pagbabasa para magsalang ng pagkain namin. Wala pa si Papa dahil may trabaho pa ito.

Josaiah: Nabusog ka ba?

Muli kong tinuloy ang pagbabasa ko dahil sa rice cooker naman nakasalang ang kanin na niluluto ko.

Sabrina: Medyo, meryenda lang naman ang kinain ko.

Sakto rin pala na nagmemeryenda ako. Bawat pahina ay may litrato kaya tinitingnan ko muna ang mga iyon bago basahin ang bawat linya ng mga bida. Lalo na ang mukha ni Josaiah. Pinakakatitigan ko muna ang mga iyon. Hindi nakakasawa. Masarap pagmasdan.

Josaiah: Natapos mo na ba ang assignment mo?

Muling nakaharap sa akin ang litrato niya. Napakurap naman ako at nadako sa assignment ko ang paningin ko. Hindi pa pala ako tapos magsagot. Mabuti na lang at nabasa ko ang sinabi ni Jos.

“Sol!” Ilang minuto ang lumipas nung tinawag ako ni Papa.

“Papa, nandito ako sa kusina,” sagot ko.

“Ipagtimpla mo naman ako ng kape, ’nak!” Pumasok siya sa kusina at naupo sa tabi ko.

“Sige, Pa. Nasaan si Mama?” tanong ko at tumayo na para ipagtimpla siya ng kape. Kararating niya lang galing trabaho.

“Nasa kapit-bahay ang Mama mo. Umuulan nga kako ay nakuha pang mangapit bahay,” sabi niya. Bahagya ko s’yang nilingon at nakitang nakatingin siya sa libro ko.

“May turon d’yan, Pa. Kumain ka muna,” sabi ko habang hinahalo na ang kape niya. Dala ang tasa ay lumapit ako sa kan’ya para i-abot iyon.

“Saan galing ang librong ito?” tanong ni Papa habang inaabot ang tasa na hawak ko.

“Kay Ate Marta po.”

“Mahilig ka talaga sa mga ganiyang libro,  ano?” Humigop siya sa kape niya.

“Opo, Pa. Nalilibang ako at may mga natututunan din naman ako kahit papaano,” nakangiting sagot ko naman.

“Mabuti ’yan. Masaya akong na-e-enjoy mo ang ginagawa mo,” nakangiti ring sabi ni Papa at ginulo pa ang buhok ko.

“Magturon ka, Pa.” Inabot ko sa kaniya ang turon. Sabay kaming kumain ni Papa. Siya habang nagkakape at ako habang nagsasagot ng assignment ko.

Nang matapos ako sa assignment ko ay muli akong nagbasa. Nasa tabi ko pa rin si Papa at nagkakape.

“Nakasalang ka na ba ng sinaing, Sol?”tanong ni Mama.

“Opo,” sagot ko at muling tumayo para tingnan ang sinaing ko. Umangat na ang pindutan ng rice cooker kaya tinanggal ko na ang saksak nito.

“Anong ulam natin?” tanong ni Mama. Bumalik ako sa pwesto ko, magkatabi na sila ni Papa.

“May manok pa sa ref, i-adobo mo na lang,” sabi ni Papa. Hindi ko na pinansin ang usapan nila at nagfocus na ako sa binabasa ko.

Josiah: I love it when I saw you smiling.

Nakahiga na si Jos. Nakaunan siya sa dalawang braso at nakangiti. Ngayon ko lang yata siya nakitang nakangiti. Mas lalo siyang gumwapo tingnan.

Josaiah: I love how your eyes met mine.

Muli ay tinitigan ko ang litrato niya. Pakiramdam ko ay nakikipagtitigan talaga siya sa akin. Muli kasing nakaharap sa akin ang litrato.

Josaiah: I love everything about you.

Kinikilig ako sa bawat linyang binabasa ko. Pakiramdam ko kasi ay sa akin niya sinasabi lahat ng iyon.

“Sol, maghiwa ka raw ng sibuyas at bawang,” utos ni Papa sa akin.

“Papa, hindi pa ako nakakapag-ayos ng gamit ko,” nakangusong sabi ko naman.

“Mama mo ang nagsabi na i-utos ko sa ’yo ito.” Pinakita niya pa sa akin ang hawak na sibuyas at bawang.

“Ikaw na, Pa!” nakangusong sabi ko pa rin.

“Magbibihis pa ako, anak.” Kumamot pa siya sa ulo niya.

“Sige na, Pa. Magbihis ka na.” Kinuha ko sa kaniya ang bawang at sibuyas maging ang kutsilyo at sangkalan.

“Kayo munang bahala riyan,” bilin pa niya at iniwan na kami sa kusina.

Josaiah: Take care, always, My little S.

Napangiti akong muli. Parang hudyat kasi iyon na matutulog na si Josaiah at panibagong araw na naman ang nasa kabilang pahina.

“Anong nginingiti-ngiti mo r’yan?” tanong ni Mama. Nagsimula na akong magbalat ng sibuyas.

“Sa binasa ko po, nakakakilig kasi.” Pakiramdam ko talaga ay ako ang nasa libro.

“Sa lahat ng nagbalat ng sibuyas ikaw lang yata ang nakangiti at hindi naluha,” natatawang sabi ni Mama.

Sinulyapan ko muna muli ang libro ko at nakangiting sinara iyon. Bukas ko na ulit itutuloy ang pagbabasa ko.

To be continued. . .

OCHINAIDE (BOOK 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon