12

47 23 2
                                    

Hindi ako mapakali pag-uwi ko sa amin. Hindi naman ako naabutan ng ulan, buti na lang nga at hindi. Hinanap ko kaagad ang libro kong Ochinaide. Dinikit ko pa nga ang ibang pahina no’n dahil nga pinunit ni Joanne.

“Ma, nakita mo ba ’yung librong madalas kong binabasa?” tanong ko na kay Mama dahil nahihilo na ako kahahanap sa libro kong ’yon.

“Aba’y hindi, bakit?” tanong naman din niya.

“Hindi ko makita,” nasabi ko na lang at muli kong hinanap sa mga pwedeng mapaglagyan pero wala talaga.

“Ang burara mo naman,” sabi pa ni Mama at tinulungan na rin akong humanap nung libro ko.

“Mama, alam mong hindi nawawala sa akin ’yon, ngayon lang nawala, hindi ko alam kung paano nawala,” naiiyak nang sabi ko.

“Baka nawaglit mo lang dito, hanapin mong mabuti.” Tinulungan niya pa ako sa pag hahanap sa kung saan.

“Nasa kwarto ko lang lagi iyon, e.” Nakakapagtakang biglang nawala.

“Tingnan mong mabuti ro’n.” Umayos na siya dahil napagod na rin siguro kahahanap.

“Ilang beses ko na ngang tiningnan do’n, Ma. Wala pa rin,” gumagaralgal na ang boses ko.

Naiiyak na talaga ako. Hindi pwedeng mawala ’yung libro kong ’yon. Hindi pwedeng mawala si Josaiah.

“Mamaya ay itanong mo sa Papa mo, baka nakita niya.”

Pumasok na lang akong muli sa kwarto ko para hanapin ulit ang libro. Tumutulo na ang luha ko sa tuwing wala akong nakikitang libro sa mga hinahanapan ko.

“Nasaan na ’yon?” Naiyak na talaga ako.

Hindi kasi talaga pwedeng mawala ’yon. Ilang taon na sa akin ’yon at ingat na ingat ako ro’n, paano nawala?

“Kumain ka na, Sol.” Napadilat ako dahil sa tawag ni Mama. Nakatulugan ko pala ang pag-iyak at pag-iisip kung nasaan ang libro ko.

“Teka lang, Ma.” Tumayo na ako at inayos ang sarili ko.

Masakit ang mata ko dahil sa sobrang pag-iyak kanina. Napatingin ako sa nakabukas kong bintana, gabi na pala. Ang tagal ko ring nakatulog.

“Nandito na ang Papa mo!” sigaw pang muli ni Mama. Sinara ko na lang ang bintana at lumabas na rin ako ng kwarto.

“Pa, nakita mo ba ’yung libro ko?” Iyon agad ang bungad ko kay Papa matapos magmano.

“Anong libro?” takang tanong niya.

“Ochinaide, Pa. ’Yung madalas kong binabasa,” nag-aasam na sabi ko. Sana lang talaga ay alam ni Papa kung nasaan iyon.

“Hindi ko naman napansin, ’nak, baka naman kung saan mo lang nailagay at nakalimutan mo?” Nagsasandok na siya ng kanin niya pero kunot noo siyang nakatingin sa akin.

“Hindi, Pa. Nasa kwarto ko lang ’yon palagi kapag hindi ko binabasa. Nawala ngayon, hindi ko alam kung nasaan na,” sabi ko at nagsisimula na naman tuloy akong maiyak.

“Mahahanap mo rin ’yon,” pampalubag loob na sabi ni Papa. Nagsimula na rin akong kumuha ng pagkain ko. Wala akong gana pero kailangan kong kumain.

“Baka sign na ’yan na totoong tao na ang mahalin mo,” birong sabi pa ni Mama.

Napatingin ako sa kaniya dahil do’n. Alam kong nagbibiro lang siya dahil parehas pa silang natawa ni Papa ngayon. Biglang pumasok sa isip ko si Ryo.

Nagkataon lang bang nawala ang libro ko kasabay ng pagdating niya sa buhay ko?

“Ma, maniniwala ka ba kung sasabihin kong parang nag exist si Josaiah?” mahinang tanong ko. Natigil sila ni Papa sa pag-uusap.

“Anak, imposible naman yata ’yang sinasabi mo.”

Tiningnan ko silang dalawa. Alam nila ang mga pinagdaraanan ko, sinabi ko sa kanila simula noong magdalaga ako at unti-unti kong nararamdaman ang kakaibang pakiramdam para kay Jos.

“May isang transferee na kamukhang-kamukha ni Josaiah, Mama.”

Nagkatinginan sila ni Papa. Nag-uusap gamit ang mga mata, alam kong pati sila ay nawiwirduhan na sa inaasta ko pero iyon ang totoo, iyon ang pakiramdam ko.

“Baka naman nagkataon lang?” sabi naman ni Papa.

“Nagkataon na bigla na lang siyang lumitaw at bigla ring nawala ang libro ko?” hindi makapaniwalang sabi ko pa.

“Tinanong mo na ba siya?” tanong naman ni Mama.

“Yes. Pero sinabi niyang hindi siya si Jos. Ma, malakas pakiramdam ko na si Jos talaga siya, nag exist siya, Ma!” bakas ang excitement sa tono ko.

“Anak, sinusuportahan ka namin sa lahat ng gusto mo pero sana naman alam mo ang limitasyon mo,” seryosong sabi ni Papa. Hindi namin magawang magsimulang kumain dahil sa usapang ito.

“Papa, totoo ang sinasabi ko, kung makikita lang ninyo si Ryo ay para na rin ninyong nakita si Josaiah.” Nagpalipat-lipat pa ang tingin ko sa kanila.

“Anak, ilang taon mo nang binabasa ang librong ’yon, baka inihahalintulad mo lang ang lalaking nasa libro sa bago ninyong kaklase,” mahinahong sabi naman ni Mama.

“Ma, hindi gano’n, hindi ko kailangang ikumpara si Josaiah sa ibang tao dahil walang makakapantay sa kaniya. Si Ryo, sigurado akong siya si Josaiah, ngayon lang ako nagkaganito, Ma,” nagpapaintinding sabi ko.

Muli silang nagkatinginan ni Papa. Umiling-iling si Papa na akala mo ay hindi sang-ayon sa akin.

“Magpacheck-up ka na, Sol.”

Parehas kaming nagulat ni Mama dahil sa sinabing ’yon ni Papa. Hindi ako nakaimik ng ilang minuto habang nakatitig sa seryoso niyang mukha.

“Elmer...” mahinang sabi ni Mama sa pangalan ni Papa. Seryoso rin siyang tiningnan ni Papa.

“Hindi na maayos ang lagay ng anak mo, Solidad. Kung anu-ano na ang naiisip niyan, hindi na dapat kinukunsinti ang paggan’yan niya,” medyo mataas ang tonong sabi ni Papa.

Napalunok ako bago sumagot. “Pa, hindi ako baliw kung iyan ang iniisip mo,” mahinang sabi ko rin.

Nasasaktan ako, mukhang gano’n na rin ang iniisip ng magulang ko sa akin. Paano ko nga naman ba ipapaliwanag ang mga nararamdaman at nararanasan ko nang hindi ako iniisip na baliw?

“Ilang taon na, Sol. Ilang taon ka nang nahumaling sa lalaking hindi naman totoo, tama na, anak. Tigilan mo na kahibangan mo,” mariing sabi pa ni Papa. Gusto kong maiyak pero pinipigilan ko ang luha ko.

“Hindi ako nahihibang, Papa. Totoo lahat ng sinasabi ko,” depensa ko sa sarili ko.

Umiling siya. “Magpatingin ka na, baka depress ka na o baka may iba kang dinaramdam, nag-aalala lang ako sa ’yo,” mahinahon na niyang sabi.

Ako naman ang umiling. Tahimik lang si Mama na nakatingin at parang naaawa sa akin.

“Hindi ako depress, hindi ako baliw. Matino ako, maayos ang lagay ko, maniwala kayo sa akin. Ma, Pa, nag-exist si Josaiah.”

Mabilis akong umalis sa hapag at iniwan na sila. Tumulo ang luha ko dahil sa nangyari. Hindi ko akalaing pati magulang ko ay iniisip na baliw na ako.

To be continued. . .

OCHINAIDE (BOOK 1)Where stories live. Discover now