Chapter 5

24 1 0
                                    

KAAGAD akong naupo pagkamulat ng mga mata ko. Madilim ang paligid. Humaba ang labi ko. Hindi ko na nasaksihan ang paglubog ng araw. Hawak-hawak ko ang noo ko pagkatayo. Sa kalagitnaan ng paghanap ko ng switch button ng ilaw ay tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ako nandoon sa sahig. Hindi naman ako lasing, at lalo namang hindi ako uminom ng alak para matumba nang walang dahilan.

Kumunot nang husto ang noo ko habang inaalala kung bakit ako nandito. Inihilamos ko ang palad pagkaupo ko sa couch matapos kong i-switch on ang ilaw. Napasinghap ako, tinakpan ang bibig at mabilis na kumaliwa at kanan ang ulo ko, hinahanap ang salarin ng pagkahimatay ko.

Iyong may-ari ng paa kanina. Nasaan? Saan galing? Bakit wala rito sa loob ng bahay? Muli akong napahilamos ng palad at saka umiling-iling. Nananaginip lang ako. Imposibleng maging tao iyong hamster. Tama, panaginip lang kasi wala siya rito.

Ni hindi nga naging tao iyong dalawang alaga ko noon, tapos siya, naging tao kaya alam ko sa sarili kong panaginip lang iyon. Nasa reality ako at hindi magkakaroon ng kung anong himala sa mundong ito. Sa libro lang nag-e-exist ang ganoon na isinusulat ng mga malikhaing manunulat.

Noong mahimasmasan ako at tuluyang magising ang dugo ko ay napagpasiyahan kong lumabas ng apartment. Kinuha ko ang walis na nakasandal sa dingding at winalisan ko ang alikabok sa deck step. Pagkatapos kong malinisan ay ibinalik saka isinara ko ang lamok para hindi pumasok ang mga lamok bago ako umupo sa deck step nang hindi pa nakakapagbihis. Suot-suot ko pa rin pala ang uniporme ko.

Malakas akong bumuga ng hangin na sinabayan ng mahinang paghampas naman ng hangin noong liparin ang ilang hibla ng aking buhok. Titingala sana ako sa langit para titigan, pero naagaw ng pansin ko ang tunog ng susi malapit sa kinaroroonan ko at ang pagkusot ng plastic, ganoon din iyong usok ng sigarilyong dinala ng hangin sa aking pang-amoy.

I wrinkled my nose as well as my forehead while I gritted my teeth in disgust. "Ang sakit sa mata," I commented as I pretend that I am about to cover my eyes.

Hindi ko kayang makita ang pagmumukha niya. Sobrang kapal ng balbas niya, pati ang buhok niyang tila buhok ng taong grasang nagpapalaboy-laboy dahil parang hindi niya sinusuklayan ang kulot at mahaba niyang buhok.

"Nandito na naman iyong mukhang kabayo." Umikot ang mga mata ko nang gumawi ang tingin niya sa akin at lumabi.

"Tingnan mo. Iyong nguso niya parang labi ng pato. Akala mo naman ikiniguwapo niya," mahina kong sabi na sinigurado kong ako lang ang nakarinig.

"Yuna, mas lalo kang tumataba. Malapit ka na maging katulad ng balyena," pagpansin niya sa katawan ko matapos niya akong tapunan nang ilang minutong tingin.

Tumawa lang ako. "Kaba-Kuya Von, kumusta? Hayaan mo 'tong taba ko."

Hindi ako natutuwang makipag-plastikan sa kaniya. Akala niya tuwang-tuwa akong kausap siya. Kung alam ko lang na uuwi pala siya ng ganitong oras, hindi ako lumabas. Ayaw kong makita ang pagmumukha niya.

"Ito, katatapos lang ng trabaho ko. Ikaw, pagkain na naman ang inaatupag mo? Mag-exercise ka rin paminsan-minsan." Malakas siyang tumawa, nang-iinsulto pa ang boses.

Ano bang isyu nila sa akin? Kumakain lang naman ako. Ano ang mali sa pagkain at may ganitong katawan?

Ngumisi lang ako. Hindi nagpatalo sa pang-iinsulto niya sa akin. "Kailan ka guguwapo, kuya? Mukha ka na kasing—"

"The more you criticize others, the more you will be criticized. It is a defense mechanism to protect ourselves from negativity, but we should be selective in our criticism."

Naitikom ko ang bibig at tiningala ang nagsalita. Pinamulagatan ko ito na punong-puno nang gulat. Diretso ang pagsasalita niya, hindi man nautal.

Bago ako malunod sa pagkamangha sa nakikita ko ay agad kong inisip kung sino siya. Wala naman akong naalalang nag-uwi ako ng lalaki. Hindi kaya. . . .Teka. . . sino ito? Kumurap ako. Siya ba iyong. . . Tinakpan ko ang bibig at napatayo bigla.

You Are Home NowWhere stories live. Discover now