Chapter 6

17 1 0
                                    

INIHILAMOS ko ang palad dahil sa sinabi niya sa akin kagabi. Nagpapakuwento ako sa kaniya, pero ang tanging sinabi lang niya ay paggising niya nandoon na siya at magpunta raw ako sa shop na pinagbilhan ko sa kaniya.

Seriously? Nakakagigigil siya. Sinasabi-sabi pa niyang kakaunti lang ang alam ko pero hindi ko inaakalang napakakaunti nga talaga ang alam niya. Wala siyang maalala, pero ang galing mag-ingles. Hindi ba dapat kung walang maalala, pati pagkamatalino niya sa pagiging best in English kung saang lupalop man siya ng mundo ay makakalimutan niya.

Nakipagtitigan siya sa akin buong gabi matapos niyang sabihin iyon dahilan para mairita ako at habulin siya ng walis tambo.

Namaywang ako sa tapat ng pet shop na pinagbilhan ko. Walang nagbago mula sa unang nakita ko. Ang tamad na matandang owner ay wala talagang balak magtipid ng kuryente.

Humugot ako ng maraming lakas ng loob mula sa hanging dumaan sandali. Naubo ako bigla sa nalanghap ko galing sa imbornal sa tapat ng kinakatayuan ko.

Malalaki ang hakbang kong lumapit. Itinulak ko ang pinto subalit nauntog lang ang noo ko dahil mali ang ginawa ko. Pull pala, hindi push. Hindi sana ako nakita ng may-ari o kung sino. Kinamot ko ang sentido ko sabay hinga nang malalim. Nalilito pa rin ako sa push at pull, hindi ba puwedeng both na lang? Ang arte ng nagpauso ng salitang ganito sa pagbukas ng pinto.

Madilim ang paligid at tanging sikat ng araw galing sa butas ng bubong ang nagsisilbing ilaw. Napakatipid naman ng kuryente sa loob, pero sa labas, halos napakaliwanag kahit hindi madilim. Baligtad ang utak ng may-ari.

Hinanap ng mata ko ang matandang lalaking nakausap ko sa dilim. Huminto ako sa paghahanap, na para namang mahahanap ko siya sa napakadilim na paligid. Ano na ngang kulay ng balat n'on?

Kung maitim siya gaya ng ex-boyfriend ni Dana, lalong hindi ko siya mahahanap. Lumingon ako sa likuran ko, hinahanap ang switch on ng ilaw.

Kinapa ko ang dingding at naramdaman ko ang tila pulbos at lagkit. Humarap ako pagkababa ko ng kamay dahil sa narinig kong pagpitik ng kung sino at mukhang nasa harap ko lang siya, kanina pa nakatingin.

Sa isang iglap ay sumundi ang ilaw sa paligid lamang namin. Inaasahan niya yata ang pagdating ko rito dahil sa paraan ng ngiti nitong napakalawak. Nakasandal siya sa hindi ko makitang bagay dahil napakadilim doon sa likuran niya. Hawak-hawak niya ang baston niyang tila ngayon ko lang napansin dahil wala akong maalalang may baston siya noong nagpunta ako rito.

Naalala ko pa kung paano ako hindi makatingin nang diretso sa kaniya noong unang punta ko rito, pero maganda ang nakain ko at lakas ng loob ang idinulot sa buong katawan ko.

There’s still the weird feeling which complements the ambiance of the entire pet shop, but the tons of weird feeling I’ve felt last time became curiosity this time and he sets the whole place like a mystery.

It feels like there's something I should know and shouldn't that will make my life change in one snap.

Hinihintay niya ang pagbukas ng labi ko habang titig na titig siya sa akin. Base sa mukha niya ay mukhang lalabas sa bibig ko ang katagang inaasahan niyang marinig. Kumunot ang noo ko. Ano ba ang mayroon? Nalilito akong na-e-excite madiskubre ang sekreto niya kung mayroon man.

Pasimple akong umiling—iwinawaksi sa isip ko ang ibang naiisip. Bahagyang tumaas pa ang kaliwang kilay ko. “Ibabalik ko na iyong binili kong hamster,” walang paligoy-ligoy kong bitiw ng sadya ko.

Siya naman ang nagtaas ng dalawang kilay nang may ngisi sa labi. Tama nga ako dahil narinig niya ang inaasahan niyang marinig.

“Ano'ng mayroon at ibabalik mo?” patay-malisyang sabi niya, pati ang ngisi ay ganoon ang sinasabi.

You Are Home NowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon