Chapter 20

26 1 0
                                    

SINO ANG hindi iiyak kapag nawala iyong taong gustong-gusto mong makasama sa bawat segundo? Lahat naman siguro iiyak, 'di ba?

Binalewala ko ang ilang mga matang dumadapo sa mga mata kong halatado ang pamumugto. May awang kasama na pagtataka ang tingin ng ilan, pero karamihan sa kanila ay parang tiningnan lang ako.

Suminghot-singhot lang ako. Nagbabasakaling mabusog ako sa mga nadadaanang mga food stall na kanina pa ako inaakit sa nakakagutom na mga amoy. Gusto kong kumain pero wala akong gana.

Nanlalambot ang buong katawan kong tumayo sa harap ng pinto. Narito ako ulit para magbasakali. Baka nandito lang pala siyang nagtatago. Baka nagpanggap lang siyang babalik na siya sa katawan niya.

Hindi ko nabilang kung nakailang buntonghininga ako at kung ilang segundo ang pagpikit ko bago mapagdesisyunang dumilat. Humawak ako sa hawakan ng pinto, tinititigan ang nakasabit na pull.

Nagunot ang noo ko sa kaiisip kung ano ang ibig sabihin. Tila nawala sa isip ko kung ano ang ibig sabihin nang pull dahil parang ilang minuto akong nalunod sa pag-iisip hanggang sa may humila sa pinto kaya napaabante ako.

Nagtama ang mata namin dahilan para ipakita ko sa kaniya nang buo kung ano ang tunay kong nararamdaman. Hindi ko pa rin matanggap na wala na siya kahit sinabi ko sa kaniyang okay lang sa akin kapag hindi niya ako maalala. Sinabi ko lang naman iyon kasi ayaw ko siyang mag-alala at isipin niya lalo ang pag-alis niya.

Awang-awa ang mga mata ni Rodolph, tinapik pa nang may simpatiya ang balikat ko at sinenyasang tumuloy. Matamlay ko siyang tiningnan, ngunit punong-puno ng pag-asang may magandang balitang lalabas sa mahiwaga niyang bibig. Alam kong nababasa niya ang isip ko at kung ano ang sadya ko kung bakit nagpakita ako sa kaniya.

Mabagal siyang umiling nang may kasamang simangot. Pikit-mata akong bumuntonghininga at mas lalong nahulog ang dalawang balikat kong halos sumayad na sa sahig.

"Si-sige, alis na ako." Ngumiti ako nang pilit at tumalikod.

Balak ko pa sanang magtagal sa pet shop niya para lang makipagkuwentuhan at baka makakain ako kapag bibigyan niya ako ng pagkain, pero wala ulit akong napala sa pagpunta.

Alam kong bawal niyang sabihin kung ano na ang nangyari sa kaniya. Gusto ko lang namang makibalita kung nasaan siya. Kung nakabalik ba siya na naaalala ako o hindi niya na ako maalala?

"Magiging okay rin kayong dalawa."

Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Nagpatuloy lang ako sa pag-alis. Alam ko namang babalik ulit sa normal ang lahat, na parang walang nangyaring iyakan o iwanan, o pagpapaalam. Kailan nga ba darating ang araw na iyon?

Sa bawat oras na lumilipas, nakakapanghina. Halos gusto ko nang humiga rito sa kalsada at titigan ang langit dahil bakasakaling may babagsak na magandang balita. Kada punta ko, wala akong napapala. Masyado kaya akong hindi makapaghintay?

Excited lang naman akong makasama siya. Dinadamayan ako ng may kalamigang simoy ng hangin at maya't maya ang pagguhit ko nang ngiti sa tuwing susulpot siya sa alaala ko.

Nami-miss ko na iyong boses niya, iyong mahina niyang pagtawa kapag may nagagawa akong nakakahiya. Katulad na lang ng suminga ako sa harap niya, at hindi sinasadyang naibuga sa mukha niya mismo sumabay pa ang malakas kong pag-utot.

Ilang araw lang kaming nagkasamang lumabas, pero ibang-iba sa pakiramdam. Hinding-hindi ko makakalimutan iyong higpit ng hawak niya sa kamay ko, na para bang wala siyang balak bitiwan ako. Kaso. . . bibitiwan na nga ba niya ako nang tuluyan?

Napatingin ako sa nilalakaran ko at nilunok ang laway. Huminto ako pagkasara ko ng pinto. Ibang-iba sa nakasanayan kong bungad. Parang hindi ito ang apartment ko na dati naman akong sanay mag-isa.

You Are Home NowWhere stories live. Discover now