Ball 32

303 28 0
                                    


Ball 32

LUNES.

Iminulat ni Ricky ang kanyang mga mata at napakapa sa kanyang cellphone. Nakakaramdam siya ng kaunting sakit sa kanyang ulo, marahil ay dulot ito ng pag-iinom niya kagabi. Hindi naman ganoon karami ang nainom niya, pero nalasing pa rin siya.

"Alas-singko..."

Mas maaga siyang gumising sa oras na ito dahil nagja-jogging pa siya at nagpa-practice sa court na malapit sa kanya. Pero iba ngayon, dahil medyo tinanghali siya ng gising ay nanatili na lamang siyang nakahilata sa kama niya. Kung ganito pa rin siya bukas ay hindi na niya masabi.

Muli niyang ipinikit ang mga mata niya at napamulat na lamang siya nang makarinig siya ng katok sa kanyang kwarto.

"Ricky, gising na. Tanghali na. Baka ma-late ka sa school!" Ito ang kanyang narinig, mula ito sa kanyang nanay. Napahawak siya sa kanyang phone at nakita niyang 6:40 na ng umaga. Late na nga siya. Mabilis nga siyang bumangon kaso napaupo siya dahil parang nahihilo siya. Nagdahan-dahan na nga lang siya sa pagpunta sa banyo at nang makita siya ng kanyang nanay ay doon niya muli itong narinig.

"Kanina pa kitang ginigising... Mabuti at narinig mo na..." sabi ng kanyang nanay na seryosong pinagmamasdan ang mukha ng tila bangag na si Ricky.

Ngumiti naman si Ricky at sinabing maliligo na. Sa loob ng banyo ay mabilis na naligo ang binata at sa pagdaloy ng malamig na tubig sa buo niyang katawan ay parang ginising na nito nang tuluyan ang kanyang sarili. Umaga na nga muli at tapos na ang kahapon.

Bilisan nga si Ricky na nagpalit matapos mag-toothbrush. Tanging tatlong higop na kape at kain ng biscuit ang naging kanyang agahan.

Mabilis siyang nagbihis at kamuntikan pa nga niyang makalimutan ang kanyang ID. Agad siyang nag-abang ng masasakyan at napailing na lang siya dahil punuan ang mga tricycle at maging jeep kaya kahit anong para niya ay hindi siya tigilan ng mga ito.

Napatingin siya sa oras sa kanyang phone at nakita niyang 7:15 na. 15 minutes na lang at simula na ng una niyang klase. Kamalas-malasan pa ay maaabutan siya ng traffic mamaya at baka mas lalo siyang magtagal.

Nakailang para pa siya ng mga pampasaherong sasakyan, subalit bigo pa rin siyang makasakay. Nabigla na nga lang siya nang may humintong puting kotse sa kanyang tapat. Bumukas ang window sa likuran nito at dito ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha.

"Sakay na... Late ka na..." sambit ng lalaki. Si Larry Dizon ito nakangiti habang nakatingin sa kanya. Para namang sira si Ricky na parang ayaw pang sumakay kung hindi pa sinigawan ni Dizon.

"Ano? Hindi ka pa sasakay? Late na rin ako. Mayayare ako sa prof ko!" Sa sinabing iyon ni Larry ay napatakbo na nga si Ricky sa loob matapos buksan ang pinto sa kabila nito. Magkasama na sila sa likuran ng kanyang teamate.

"Baka nagulat ka na naka-kotse ako? Nagkataon lang na late na ako kaya nagpahatid na ako. Malayo kasi ang bahay ko. Sa Baco pa ako nakatira," wika ni Larry na kasalukuyang nagsasalamin.

"Tsaka, iilan lang ang nakakaalam nito Mendez... Ayaw kong malalaman ng mga babae na mayaman ako, baka habulin nila ako dahil sa pera... Hindi ko gusto iyon," dagdag pa ng binata at kinindatan pa si Ricky pagkatapos. Hindi nga malaman ni Mendez kung matatawa ba siya o hindi sa sinabi nito sa kanya.

"Oo nga, pangit nga kapag ganoon. Mas maganda kung mamahalin ka niya dahil sa kung ano ka," wika ni Ricky na napatingin na sa unahan, sa mga nakikita niya mula sa wind shield ng sasakyan.

"Okay ka na ba? Broken-hearted ka pala kaya ganoon ka maglaro kahapon," sabi ni Larry na biglang nagpabago sa timpla ng mukha ni Ricky.

Napangiti si Mendez. "Okay na naman. Salamat nga pala sa pagpunta ninyo sa bahay kagabi."

KINBEN III (Completed)Where stories live. Discover now