Ball 121

311 37 0
                                    


Ball 121

15-9.

Hiningi kaagad ni Tristan ang bola at ang sinabi ni Ricky sa kanya ay hindi na niya pinansin. Pinatalbog na niya kaagad sa harapan ni Mendez ito at ipinagpatuloy ang kanilang laban.

"Ano ba'ng pinagsasabi mo Mendez?"

"Hindi porket lamang ka ay babanat ka na lang," natatawang wika ni Tristan na hindi naman pinansin o sinagot ni Ricky. Isang marahang paglayo nga ang ginawa ni Agoncillo at kumpara kanina ay mas naging maingat siya ngayon. Hindi naman siya papayag na talunin siya nito nang basta-basta na lamang.

Sa paglayo ng isa niyang paa ay isang mabilisang paggalaw ang isinunod niya. Ang bola ay pinatalbog niya at sa paglapit niya kay Mendez ay sinandalan niya ito at pinasundan ng isang spin move. Gamit ang kanyang pisikal na lakas ay ipinaramdam niya sa kanyang kalaban na wala itong laban sa kanya.

Napangiwi at napaatras naman si Ricky at bago pa man siya maka-recover ay nakita na lamang niya si Tristan na tumalon papunta sa basket. Isa na namang two points ang ginawa nito at muli niyang nilingon si Mendez at inangasan.

15-11 ang naging score at nang bumalik ang bola kay Ricky ay napaseryoso siya nang walang pag-aalinlangan siyang dinikitan ni Tristan. Parang hinarangan nito ang kanyang daraanan at mukhang naka-isip ito ng gulang dahil wala nga namang referee sa laban nila.

"Delikado na si Mendez, hindi na siya papa-iskorin ni Kuya," seryosong winika ni Troy at dahil doon kaya nakaramdam ng kaba ang tatlo sa pwedeng mangyari. Oo nga at napahanga sila sa ginawa ni Mendez kanina, pero, hindi pa ito panalo.

Ginitgit ni Tristan si Mendez at kahit pa sabihing pwede na itong foul ay sino ba naman ang tatawag? Wala ngang nagawa si Mendez kundi ang ingatan ang bola kaso, nawalan siya ng balanse nang dikitan siya lalo ng kanyang defender sa gilid.

"Hindi ito maganda," sabi sa sarili ni Ricky at si Tristan ay napangisi nang pwersahin nito ng kuha ang bola mula sa kanyang kamay na sinundan ng kanyang pagtumba.

"Ito Mendez ang larong malakas!" bulalas nito at isang tres ang pinakawalan nito.

"Boom!" bulalas pa ni Tristan sa pagpasok ng bola sa ring. Tinawanan pa niya si Ricky na kakatayo lamang nang sandaling iyon.

15-14 kaagad ang naging score sa laro at si Ricky ay medyo hinihingal sa depensang ibinibigay sa kanya ni Tristan. Para kasing kalabaw kung maglaro ito, at isa pa, naglaro pa siya kanina sa CBL kaya medyo may pagod pa siyang dinadala.

"Pero ano naman?" sabi na lang ni Ricky sa sarili at nang bumalik sa kanya ang bola ay kinailangan na niyang maging mas mabilis. Susubukan muli niyang pasayawin si Tristan sa kanyang crossover, kaso nang gagalaw na siya ay nakatayo lang ito sa kanyang harapan na para bang walang balak siyang sundan. Parang lumakas ang dating nito lalo na nga nang makita niyang ang mga paa nito ay tila nakahanda para sa isang biglaang pagkilos.

"Ano na Mendez? Iniisip mo pa rin ba na matatalo mo ako?" winika ni Tristan na tumatawa pa habang inaabangan ang gagawin ni Ricky. "Kasiyahan ko ang panooring natatalo ang katapat ko."

"Kaya masaya akong maglaro nito dahil sa tulad ninyong mahina," sabi pa ni Tristan at si Mendez ay napaseryoso na lamang. Isang mabilis na pag-atras ang kanyang ginawa at bigla siyang tumalon para tumira ng malayong tres.

Agad namang lumapit si Tristan sa kanya at napaseryoso si Mendez dahil hindi na kumagat sa kanyang fake ang kanyang kalaban. Wala siyang choice kundi ang gumalaw kaso sa pagbaba ng bola na hawak niya ay siya namang pagpalo ni Tristan dito paitaas.

"Nalintikan na!" bulalas ni Baron at umangat na sa ere ang bola. Kung kanina ay inaakala nilang mananalo si Mendez, ngayon ay tila nakikita na nila kung gaano talaga kalakas ang kuya ng kambal na Agoncillo.

KINBEN III (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon