Ball 91

338 32 0
                                    


Ball 91

HINDI pwedeng mawala ang kompyansa ni Ricky sa kanyang sarili sa larong ito. Ayaw niyang isipin na matatalo sila sa CU. Wala siyang ibang iniisip kundi ang matalo ang mga ito, at magagawa niya ito kung lahat sila ay iisa ang nasa isip. Ito ay ang dungisan ang malinis na record ng kanilang kalaban.

Hindi na siya pwedeng panghinaan ng loob at lalong hindi siya pwedeng sumuko sa natitirang games na pwede nilang ilaro. "Dahil, wala ng magpapalakas ng loob ko," wika ni Ricky sa sarili at siya, bilang isang player ng CISA ay kailangan niyang hindi mawalan ng kompyansa para sa kanyang mga kakampi. Alam niya sa kanyang sarili na hindi niya kayang mag-isa ang CU, kaya ang dapat niyang gawin ay palabasin ang natutulog na galing ng mga kasamahan niya. Nang mapunta siya sa basketball team na ito ay naka-ugalian na niyang magmasid sa mga kakampi niya. Lahat ng mga kasama niya sa team ay may kanya-kanyang talento na hindi pa naiipakita. Ngayong si Ibañez nga ay nasa bench, ay mas magandang oportunidad ito para sa kanila para makahabol. Alam din niya kung bakit hindi pa pinapapasok ng kanilang coach sina Kier at Rommel, ito ay dahil may tiwala ito sa kanyang mga kasamahan.

Huminga nang malalim si Ricky. Alam niyang hindi niya ito kaya na mag-isa, walang sinumang nagwagi sa team game na tulad ng basketball na binuhat ng isang manlalaro. Kahit pa gaano siya kagaling o ka-agresibo ay hindi niya maiipanalo ang larong ito. Isang paraan lang ang naiisip niyang dapat mangyari upang layuan siya ni Jimenez. Ito ay ang magkaroon pa ng ibang malakas na manlalarong tutulong sa kanya sa loob ng court. Ngayong wala sina Rommel at Kier, kasama naman niya si Larry at si Kim. Ang kailangan lang niyang gawin ay ang palabasin ang itinatagong galing ng dalawang ito. Si Kim ang may pinakamalaking potensyal sa team, hindi lang ngayong taon kundi pati na rin sa susunod na taon para sa Flamers. Ang kailangan lang mangyari ay ang magsimula na itong mamukadkad, lalong-lalo na sa pagkakataong ito na isang malakas na team ang kanilang kalaban.

"Ikaw ang dapat tumapat kay Montemayor. Hangga't hindi ako nilalayuan ni Jimenez... Ikaw ang pag-asa ng line-up natin," wika ni Ricky sa sarili at napasulyap din siya kina Larry at Romeo na isa rin sa malakas niyang kakampi sa oras na ito.

"Ipakita natin sa marami na tayo ang dark horse sa Final 4. Gawin natin ito nang buong-puso at masaya..."

"Basketball... Maraming salamat at dinala mo ako rito..."

Matapos din ang mga winika ni Ricky sa kanyang mga kasamahan ay dito na niya hiningi ang bola mula kay Romeo. Nasa kanila na muli ang possession at si Jimenez ay mabilis siyang nilapitan para depensahan. Nakangisi nga ito habang nakaabang sa kanya. Ang dribbling naman niya ay dahan-dahang bumagal at bumaba nang bumaba habang papalapit siya sa kanyang bantay.

Ang malakas na cheer para sa CU ay patuloy sa pag-alingawngaw sa pandinig niya at ng kanyang mga kakampi.

Pinagmasdan din ni Ricky ang kanyang mga kasamahan kung ano ang gagawin ng mga ito. Nakita niya ang paglapit ni Viray at dito na nga siya napangiti. Isang biglaang pagkaliwa ang ginawa niya kasama ang bola. Si Jimenez ay mabilis na sumunod kaso sa screen ito ni Kim Viray bumangga at agad siyang binantayan ni Uy para kung sakali mang siya ay umatake.

Ang dribbling sa bola ni Mendez ay bumilis at kasabay ng paglapit sa kanya ni Uy ang biglaan niyang pagyuko at paglampas dito na sandali rin niyang ikinagulat dahil naabutan pa rin siya ni Jimenez. Isang mabilis na pagdepensa ang ginawa nito at dito na napangiti si Ricky na bumigla ng abante at nabigla na lamang din ang kanyang defender nang makitang wala na sa kanya ang bola. Isang pasa papunta sa likuran ang ginawa ni Ricky at ito ay papunta kay Viray. Sa pagdiretso ni Mendez ay siya ring pagsandal niya nang patalikod kay Jimenez. Si Uy na nakasunod sa kanya ay napahinto. Ang mga manonood ay nakita ang magandang set-up play na iyon ni Ricky at pagkasambot noon ni Kim ay siya namang pagposisyon nito para sa pagtira ng tres.

KINBEN III (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon