KABANATA IX: Ang Pagsagip

869 51 5
                                    





NAPALUNOK si Malaya. Hindi siya makagalaw dahil sa sobrang takot. Huminga siya nang malalim at nagdasal na sana ay walang masamang mangyari sa kaniya sa kamay ng guardia sibil na nakahuli sa kaniya. May mga kwento siyang naririnig na ang ibang guardia sibil ay pinagsasamantalahan ang mga babaeng kagaya niya kapag nahuhuli at ang masaklap pa ang iba ay pinapatay matapos na gawan ng kahalayan.

"Itaas mo ang mga kamay mo. Humarap ka sa akin at huwag kang kikilos ng masama!" sigaw ng lalaki sa likuran.

Sa pagkakataon na iyon ay nagsisisi na siya kung bakit pa siya lumabas ng ganoong oras. Kung natulog na lamang sana siya sa kanilang bahay ay hindi siya mapupunta sa ganoong sitwasyon.

Marahang pumihit si Malaya paharap sa lalaki habang hawak pa rin ang gasera. Nanlaki ang mga mata niya nang matanglawan niya ng ilaw ang mukha ng inakala niyang guardia sibil. "Crisanto?!" Hindi makapaniwalang bulalas niya.

Pigil ang pagtawa ng lalaki. "Tila natakot kita, irog ko!" anito habang naiiling. Ibinaba na nito ang hawak na mahabang baril at isinukbit iyon sa likod.

"Ano bang ginagawa mo?! Bakit mo ako tinakot?!" Hinampas niya sa braso ang lalaki.

"Wala lamang. Nais ko lamang na malaman kung ikaw ba ay talagang matapang. At napagtanto ko na meron ka rin palang kinatatakutan, Malaya—ang mga guardia sibil!"

"Sino ba namang hindi matatakot sa mga iyon lalo na at mag-isa ako? Kung hindi lang kita mahal ay baka inagaw ko na 'yang baril mo at pinatay na kita!" Ang nagbibiro niyang turan.

Si Crisanto ay kaniyang nobyo na isang sakristan sa simbahan. Inakala niya noon na tunay na kapanalig ng simbahan si Crisanto ngunit nagkamali siya. Isa pala itong tulisan na kumakalaban sa mga Kastila at sa simbahan. Pumasok ito sa bahay ng Diyos upang tiktikan ang ginagawa ng mga prayle at ng mga nakakataas at ito ang nagsasabi sa mga tulisan sa mga nangyayari sa loob ng simbahan. Labis siyang nag-alala para kay Crisanto dahil sa alam niya ang nangyayari sa mga kagaya nitong tulisan. Kung hindi ikinukulong ay pinapatay. Sinabi pa nga niya rito na kung maaari ay umalis na ito sa grupong iyon ngunit matindi ang pagnanais ng kaniyang nobyo na makawala ang mga kababayan nila mula sa pagkakahawak ng mga dayuhan.

Hindi lingid sa kaalaman ni Malaya na maraming kababaihan ang may pagtangi kay Crisanto. Kahit ang mayayaman ay nagpapakita ng interes dito. Hindi rin niya masisisi ang mga ito dahil matipuno at magandang lalaki ang kaniyang nobyo. Matangkad ito at moreno. Nakakabighani ang mga mata nito na may kalakihan na kapag tinititigan siya ay kumakalma siya at pakiramdam niya ay walang masamang mangyayari sa kaniya.

Isa lang din siya sa mga babaeng nagkakagusto rito at hindi siya makapaniwala nang isang gabi ay nagtungo ito sa kanilang kubo at hinarana siya. Nagsimula na itong manligaw hanggang sa opisyal na silang naging magkasintahan.

Nakita niya ang hangarin ng mga tulisan na mas mapabuti ang kanilang bayan. Kaya nakapag-desisyon siya na sumali sa grupo ng mga tulisan at makiisa sa magandang hangarin ng mga ito. Ayaw pa noon ni Crisanto sa gusto niyang mangyari ngunit sa huli ay wala na itong nagawa nang sabihin niya na makikipaghiwalay siya rito at saka siya sasali sa tulisan upang mawalan na ito ng karapatan na makialam sa desisyon niya sa buhay.

Kaya sa kasalukuyan ay kasapi na siya ng mga tulisan na palihim na nag-uusap at nagtitipon sa kagubatan at kabundukan. Ilan lamang silang babae sa mga miyembro.

Ang tatlong magkakasunod na sipol ay hudyat ni Crisanto na nasa labas na ito ng bahay nila at pupunta na sila sa pagtitipon ng mga tulisan. Hindi alam ng pamilya niya ang tungkol sa pagiging babaeng tulisan niya dahil alam niya na tututol ang mga ito. Alam niya na hindi mauunawaan ng mga ito na ang dahilan niya kaya siya sumapi sa mga kumakalaban sa mga Kastila ay upang mas maging maganda ang kanilang kinabukasan.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon