KABANATA XXI: Mapagpanggap Na Anghel

509 37 5
                                    




INILIBING nina Malaya ang katawan ni Tonyo sa likod ng bahay ni Donya Corazon. Sa kabila ng kaguluhan, sinikap pa rin nilang bigyan ng disenteng libing si Tonyo na nararapat dito. Matapos na maipagdasal nila ang katahimikan ng kaluluwa ni Tonyo ay bumalik na sila sa loob ng bahay.

Binulungan siya ni Crisanto na kailangan nilang mag-usap tungkol sa isang mahalagang bagay. Nagtungo sila sa silid ni Emmanuel at isinarado nila ang pinto na para bang ang nais ni Crisanto ay walang ibang makakarinig sa kanilang pag-uusapan.

"Ano ba ang ating pag-uusapan at kailangan pa nating magtago rito? Kung tungkol ito sa magiging sunod nating gagawin, hindi ba dapat ay lahat ay nandito?" May pagtatakang tanong ni Malaya sa nobyo.

"Dahil sa lahat ng kasama natin sa bahay na ito, ikaw lang ang aking pinagkakatiwalaan."

Mas lalong hindi niya naintindihan si Crisanto kaya napakunot-noo na lamang siya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Malakas ang aking pakiramdam na may traydor sa ating grupo." Umiling si Crisanto. "Hindi ko pala alam kung sa grupo natin o sa labas."

Nabigla siya sa kaniyang narinig. "Sigurado ka ba sa iyong hinala?"

"Sigurado ako. Noong kumukuha kami ng mga armas sa bahay ng gobernador-heneral, biglang dumating si Alvaro na tila alam niya na naroon kami. May humarang kina Hulyo habang dinadala nila sa ating kuta ang mga armas. Hindi ba't nakakapagtaka na nalaman lahat ng iyon ng mga guwardiya sibil? Kaya kinakabahan ako na baka maging ang pagpunta natin dito sa bahay ni Donya Corazon ay alam na rin nila."

"K-kung ganoon, malaki ang posibilidad na masundan tayo rito ng mga kalaban natin?" Kinakabahang tanong ni Malaya.

"Iyan ang aking iniisip. Kung alam ng traydor na iyon na nandito tayo, malamang ay nasabi na niya iyon kina Alvaro. Sa ngayon, mainit ang mata ni Alvaro sa akin dahil pinatay namin ni Tonyo ang kaniyang kabiyak. Wala kaming pagpipilian kundi gawin iyon dahil isa nang halimaw ang kaniyang asawa!"

"Ano na ang gagawin natin? Aalis na ba tayo rito?"

"Oo pero nais ko munang alamin kung sino ang traydor. Hindi ako makakapayag na patuloy siyang mag-traydor sa atin at sirain ang lahat ng mga plano natin."

"May hinala ka ba kung sino ang traydor?"

Tumiim ang bagang ni Crisanto bago ito nagsalita ng isang pangalan na labis na ikinagulat ni Malaya.


-----ooo-----


NAGULAT si Donya Corazon nang habang nagpapahinga siya sa kaniyang silid ay biglang pumasok nang walang babala si Conchita. Matalim ang mga tingin nito sa kaniya na para bang nais na naman siya nitong patayin.

"Conchita, ano ang iyong ginagawa sa aking silid? Namamahinga ako. Hindi ka man lamang kumatok," aniya at bumangon siya. Umupo siya sa gilid na higaan.

"Talagang nagagawa mo pang magpahinga sa kabila ng nangyayari sa labas?"

"Dahil hindi natin alam ang mga maaaring mangyari. Kailangan nating magpahinga dahil baka kailanganin natin ng enerhiya sa sandaling sumalakay na naman ang mga halimaw. Kahit dito mismo sa aking tahanan ay hindi ko masasabing ligtas tayong lahat. Balik tayo... Ano at naparito ka? Kung susubukan mo akong patayin, sinasabi ko sa iyo na hindi ka magtatagumpay. Isang sigaw ko lang ay darating na rito sina Crisanto."

Ngumisi si Conchita. "Sadyang napaka duwag mo naman para humingi pa ng saklolo sa iba, Corazon! Ngunit, nagkakamali ka. Hindi kita papatayin o sasaktan. Nandito ako dahil nais kong iparating sa iyo na nakumbinse na ako ni Kulasa na pinatay mo nga si Lijun dahil isa na itong halimaw. Pero hindi ibig sabihin no'n ay naglaho na at sumama sa hangin ang galit ko sa iyo. Halimaw man si Lijun nang iyong patayin, hindi no'n mababago ang katotohanan na siya ay aking esposo pa rin!" Napakadiin ng mga salita nito na akala mo ay nagtatalumpati.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon