KABANATA XXIV: Ang Wakas (Unang Bahagi)

554 48 1
                                    




LABIS ang kasiyahan na naramdaman ni Malaya nang pinaniwalaan ng lahat ng kasama nila ang mga sinabi ni Donya Corazon. Tinulungan niya itong magpaliwanag na ang felicia talaga ang lunas. Tanging ang pag-inom ng tsaa na gawa sa felicia ang ipinagkaiba nito sa mga taong nakagat ng mga halimaw. Ang hindi lang nila alam ay kung gaano karaming tsaa mula sa felicia ang kailangang inumin ng isang tao para magkaroon ito ng pangontra laban sa sakit na ipinapasa ng mga halimaw na nagkalat. Ngunit kailangan nilang sumugal.

Ang ginawa nila ay gumawa sila ng napakaraming tsaa mula sa felicia at kahit lahat sila ay hindi gusto ang lasa niyon ay ininom pa rin nila iyon.

"Dapat ay makainom din nito ang ating mga kababayan. Ang problema nga lang natin ay kapag naubos na ang halaman na felicia ay wala na tayong mapagkukunan," ani Crisanto.

"Huwag kayong mag-alala. Napakarami ko pang felicia sa likod ng aking bahay. Talagang pinaparami ko ang mga iyan dahil nakasanayan ko nang uminom niyan araw-araw. Isa pa, hindi sila mahirap alagaan at paramihin," ani Donya Corazon.

"Isa pa, paano natin mapapainom ang mga tsaa sa mga tao? Napakaraming halimaw sa labas!" tanong naman ni Gregoria.

"Marahil, kapag naisagawa na natin ang ating plano para mabawasan ang dami ng mga halimaw. Saka natin sila papainumin ng felicia. Hindi man natin tuluyang mauubos ang mga halimaw, maganda na meron na tayong proteksyon laban sa kanila," tugon ni Crisanto.

Habang gumagawa sina Malaya ng tsaa ay napansin niya na inaayos ni Crisanto ang baril nito. Nilapitan niya ang kaniyang nobyo. "Ikaw ba ay lilisan?" tanong ni Malaya.

"Oo. May kailangan akong gawin. Tumila na ang ulan. Sa sandaling ito ay kumikilos na ang ating mga kasamahan para gawin ang inutos ko sa kanila."

"Maaari ba akong sumama sa iyo? Sa tuwing umaalis ka at nawawala ka sa aking paningin ay natatakot ako na baka kung anong masamang mangyari sa iyo." Nag-init ang mga mata niya. Nagbabadya ang pagpatak ng luha.

Masuyong hinaplos ni Crisanto ang pisngi niya. "Wala kang dapat na ipag-alala sa akin, irog ko. Mag-iingat ako. Kapag isinama kita, hindi ko mabibigyan ng atensiyon ang dapat kong gawin dahil wala akong ibang iisipin kundi ang protektahan ka. Isa pa, kailangan ka rito nina Donya Corazon. Tandaan mo, hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa akin dahil alam kong hinihintay mo ako..."

Marahang tumango si Malaya. Hindi na niya ipinilit ang kaniyang gusto. Niyakap niya nang mahigpit si Crisanto upang ipadama rito ang kaniyang pagmamahal.

"Mag-iingat ka, Crisanto..."

"Pangako. Ipagdasal natin na sana ay maging matagumpay ang ating plano upang wakasan ang delubyo na ito sa ating bayan."

Bahagyang nagulat ang dalawa nang isa sa mga kasamahan nilang lalaki ang dumating. "Crisanto, natapos na namin ang aming dapat gawin. Nakausap na rin namin ang mga tao. May ilan na nais makiisa at meron ding ayaw," turan nito.

"Hindi natin masisisi ang iba kung hindi sila makikiisa. Ngunit magandang balita na may mga nais na tumulong sa atin."

"Tutulong din kami ni Gregoria, Crisanto," singit ni Malaya.

"Ngunit—"

"Gaya ng ating narinig, hindi lahat ay makikiisa. Kailangan ninyo ng dagdag na tao. Kami ni Gregoria—hayaan mo kaming tumulong." Matapang niyang sambit.

Nang malaman ni Malaya mula kay Crisanto ang plano nito kung paano mababawasan ng malaki ang mga halimaw ay alam niya na labis iyong mapanganib. Lahat ng makikiisa sa planong iyon ay ilalagay ang buhay nila sa alanganin. Ngunit, sa tingin niya ay iyon lamang ang paraan upang kahit paano ay mabawasan o maubos na ang mga halimaw sa kanilang bayan.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon