KABANATA XIX: Ang Mga Aklat Ng Kasagutan

526 39 2
                                    

NAPAKALAKI ng pasasalamat ni Malaya sa Diyos nang malaman niya na ligtas si Donya Corazon. Hindi lamang dahil sa may kailangan sila rito kundi nararapat na mabuhay ang mga taong kagaya nito dahil sa kabutihan ng puso nito. Kahit mapunta siya sa kabilang buhay ay hinding-hindi niya makakalimutan ang magagandang bagay na nagawa nito para sa kaniya at maging sa pamilya niya.

Umaasa siya na sana ay magawang isalin nito ang mga nakasulat sa dalawang aklat na dala niya. Ito lang kasi ang taong alam niya na maaaring makatulong sa kanila pagdating sa bagay na iyon.

Kinuha ni Donya Corazon ang dalawang aklat at binuklat ang isa. Tahimik nitong binasa ang nasa upang pahina.

"Project Time Machine..." Mahinang sambit ni Donya Corazon.

"Ano pong ibig sabihin niyon, senyora?" tanong ni Gregoria.

"Project... Proyekto. Ang time ay oras at ang machine naman ay makina. Kung hindi ako nagkakamali."

Napakunot ang noo ni Malaya. Proyekto, oras at makina. Ano naman kaya ang ibig sabihin ng mga salita na iyon? Kahit anong isip ang gawin niya ay wala siyang mahalukay na kasagutan sa kaniyang utak.

Patuloy sa pagbubuklat si Donya Corazon sa unang libro at ayon rito ay tila nakasulat sa aklat ang mga paraan at hakbang sa pagbuo ng isang sasakyan na may kakayahan na maglakbay sa pamamagitan ng oras. Maaari na sa hinaharap o kaya ay sa nakaraan.

Inilapat ng butihing donya ang aklat na nasa huling pahina. Isang guhit ang nakalagay roon. "Ito ang sasakyan na ginawa o ginagawa ng taong nagsulat ng aklat na ito," anito.

"Iyan ang sasakyan na kinalululanan ng taong nakita namin sa gubat!" Agad na nakilala ni Malaya ang nakaguhit sa pahina.

"Taong nakita sa gubat?" Nakakunot-noong tanong ni Gregoria.

"Bago magkaroon ng mga halimaw ay meron kaming natagpuan na kakaibang sasakyan sa gubat. Kasama ko noon si Crisanto. Stephen ang pangalan ng lalaking nakasakay doon. Dinala namin siya sa isang kuweba at inatake niya sina Ka Bayani. Kinagat ng taong iyon sina Ka Bayani na naging dahilan upang maging halimaw sila. Sa aking sapantaha, si Stephen ang pinagmulan ng sakit na kumakalat ngayon."

Sinimulan nang basahin ni Donya Corazon ang pangalawang aklat na mas manipis kumpara sa nauna. Matagal nito iyong binasa. Ayon dito ay magkahalong Ingles at Tagalog ang naroon.

"Ang aklat na ito ay isang talaarawan. Nakatala rito ang mga nangyayari sa taong nakita ninyo sa gubat, Malaya," ayon kay Donya Corazon.

"Ano po ang nakasulat riyan?" tanong niya.

"May petsa ang bawat pangyayari. Nagtataka lamang ako dahil hindi taong 1876 ang narito kundi taon na libo ang agwat sa atin. Taong 2026!"

"Kung ganoon, maaaring totoo na nakakapaglakbay ang sasakyan na aming nakita sa gubat sa nakaraan? Tama ba ang aking naiisip na mula sa hinaharap si Stephen?"

"Kung ating pagbabasehan ang nilalaman ng mga aklat ay ganoon na nga," ani Donya Corazon.

Sa abot ng kaalam ni Donya Corazon ay binasa at ipinaliwanag nito sa kanila ang nilalaman ng talaarawan.

Nakalagay sa talaarawan na taong 2026 ay nagsimulang tumuklas ang mga tao ng solusyon upang mabuhay ang mga tao ng mas mahaba at panghabangbuhay. Isang katawan ang natagpuan sa isang kuweba na kahit tila walang buhay na ay humihinga pa rin. Ang katawan na iyon ang pinagmulan ng isang zombie virus na ginagawang bayolente ang isang tao. Naipapasa ang naturang virus sa pamamagitan ng pagkagat ng tinatawag na "infected" sa taong hindi infected.

Ayon din sa talaarawan ni Stephen ay gumagawa siya ng isang "time machine" na gagamitin nito at ng pamilya nito upang makatakas sa kaguluhan sa taon na iyon.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon