KABANATA XVII: Dalawang Misyon

493 43 1
                                    




LIGTAS na nakarating sina Donya Corazon sa kaniyang tahanan. Agad nilang ikinandado ang pinto at mga bintana. Kasalukuyang nasa balkonahe si Donya Corazon habang nakatingin sa bilog na buwan sa kalangitan. Kakaiba ang gabing iyon sa mga gabing nagdaan. Noon, kapag ganoong oras ay tahimik na ang kapaligiran. Lahat ng tao ay nasa loob na ng kani-kanilang bahay. Ngunit ng gabing iyon ay maingay ang paligid. Mula sa kung saan ay nakakarinig siya ng mga taong sumisigaw at humihingi ng tulong. Mga sigaw na kalunus-lunos. Mas lalo pa iyong nagbibigay ng kilabot at takot sa kaniya dahil alam niya kung bakit may ganoong sigawan siyang naririnig.

Gusto niyang isipin na panaginip lamang ang lahat. Na isang umaga ay magigising siya at magiging normal na ang lahat. Ngunit kung panaginip iyon, bakit ang tagal naman niya yatang magising?

Isa pa sa iniisip ni Donya Corazon ay ang ginawa niyang pagpaslang kay Lijun. Napilitan lamang siyang gawin iyon dahil alam niya na isa na itong malaking panganib para sa kanila. Isa nang halimaw si Lijun. Nababahala siya sa sandaling magkaroon na ng malay si Conchita ay atakihin siya nito. Talagang galit na galit ito sa kaniya sa ginawa niya sa mahal nitong asawa.

"Sa loob ng isang araw, dalawang tao ang napatay ko. Diyos ko, patawarin Mo ako. Alam Mong hindi ko iyon magagawa kung hindi lamang hinihingi ng pagkakataon..." Piping sabi ni Donya Corazon.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang makarinig siya ng yabag sa likuran niya. Paglingon niya ay nakita niya si Marta na may dalang palangganita na may lamang tubig. May nakasampay na maliit na tela sa balikat nito.

"Donya Corazon, lilinisin ko po muna ang inyong sugat. Papalitan ko rin ng malinis na benda," ani Marta.

"Salamat, Marta. Kumusta na si Conchita? Gising na ba siya?"

Umiling si Marta. "Naroon siya sa dating silid ng inyong anak at kasama niya si Kulasa. Hanggang ngayon ay wala pa ring ulirat ang kaawa-awang donya! Marahil, sa lakas ng pagkakasampal ninyo sa kaniya ay baka bukas pa siya babalikan ng malay-tao."

"Hay! Caramba! Panigurado na magwawala si Conchita kapag bumalik na ang malay niya. Napatay ko ang kaniyang esposo, Marta!"

"Donya, katanggap-tanggap naman ang ginawa ninyong pagpaslang kay Don Lijun. Hindi ba't sinabi sa simbahan na ganoon ang dapat gawin sa mga halimaw upang hindi na makapanghawa?"

"Kahit na. Masama pa rin ang loob ko sa aking nagawa. Kung meron lang sana akong ibang kayang gawin para makaligtas tayo mula kay Lijun..." Napapailing na sambit ni Donya Corazon.

"Tama na ang paninisi ninyo sa inyong sarili, Donya Corazon! Akin na ang inyong braso at akin nang lilinisin ang inyong sugat!"

Hinatak ni Marta ang braso niya at maingat nitong inalis ang bendang nakalagay roon. Habang pinapanood niya si Marta sa ginagawa nito ay nabahala siya nang maalala ang sinabi ng pari at gobernador-heneral sa simbahan.

"Isa pa iyan sa ikinakabahala ko."

"Donya?" Tumingin nang may pagtataka sa Marta.

"Iyang sugat na nakuha ko mula doon sa halimaw na pumasok dito sa bahay. Hindi ba't ang sabi sa simbahan, kapag nakagat ka ng halimaw ay magiging ganoon ka rin? Marta, natatakot ako na baka maging halimaw din ako. Mas makakabuti yata na ikaw ay lumayo na sa akin. Itali mo ako sa upuan upang kapag ako ay naging halimaw na ay hindi na ako makakapanakit. Ipangako mo sa akin na papatayin mo ako kapag isa na akong halimaw. Ayokong makapaminsala pa sa iba."

"Donya, dapat ay naging halimaw ka na no'ng sandaling nakagat ka. Ngunit, tingnan mo, normal na tao ka pa rin hanggang ngayon. Ibig sabihin, walang talab sa iyo ang kagat na iyon."

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon