KABANATA XXIII: Ang Plano

508 40 14
                                    



"AYOKO! Ang baho-baho niyan! Kahit ipakain mo pa ako sa mga halimaw, hinding-hindi ko iinumin ang tsaa na iyan, Corazon. Lalo na at ikaw ang gumawa!" Irap ni Conchita kay Donya Corazon nang dulutan niya ito ng tsaa na gawa sa felicia habang kasalukuyan silang nasa sala. Lahat sila ay naroon. Gabi na ng sandaling iyon.

"Kung ayaw mo, hindi mo kailangang singhalan ako, Conchita. Hindi ka ba pwedeng tumanggi nang maayos?"

"Hindi! Ipinapakita ko lamang ang tunay na ako ngayon! Isa pa, inaasahan mo pa rin ba na magiging mabait ako sa iyo sa kabila ng pagkitil mo sa aking si Lijun?"

Huminga nang malalim si Donya Corazon. Sa tingin niya ay hindi na maibabalik pa ang dating samahan nila ng kaibigan.

"Senyora, ako na ang iinom ng tsaa na iyan." Boses iyon ni Malaya mula sa kaniyang likuran.

Nakangiti ito nang lingunin niya. Inabot niya rito ang tasa at napangiti siya nang ininom nito iyon nang dire-diretso. Bahagyang napangiwi si Malaya nang maubos nito iyon.

"Sa tingin mo ba ay talagang ligtas tayo sa bahay na ito?" tanong ni Donya Corazon.

"Oo, senyora. Ligtas tayo rito. Ito ang plano ni Crisanto at naniniwala ako na hindi niya tayo ipapahamak."

Ngumiti siyang muli. "Malaya, bakit mo pinipilit na inumin ang tsaa na iyan? Alam ko na hindi mo gusto ang lasa niyan. Ayaw mo ba akong magalit sa iyo kapag hindi mo ininom ang aking paboritong inumin?" tanong niya rito.

Tila nahihiyang tumango si Malaya. "Siyang tunay, senyora... Ayokong sumama ang loob mo dahil alam ko na paborito mo ang tsaa na gawa sa felicia. Ikaw nga lang ang kilala kong tao na umiinom niyan—" Biglang natigilan si Malaya at hindi na nito nagawang tapusin ang sasabihin nito.

Kapansin-pansin ang gulat sa magandang mukha ni Malaya at nag-alala siya. Sa hitsura nito, para bang may naisip ito na hindi maganda.

"Por que, Malaya? Bakit tila natigilan ka?" Kahit hindi niya alam ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Malaya ay may pag-aalala siyang naramdaman.

"S-senyora, maaari ba tayong mag-usap? Isama natin si Marta."

"Ano ang ating pag-uusapan doon?"

"Doon ko na lang sasabihin, senyora..."

"SA aking palagay ay alam ko na ang dahilan kung bakit hindi ka naging halimaw kahit nakagat ka ng isang halimaw, senyora..." Pagsisimula ni Malaya nang nasa isang silid-tulugan na sila nina Donya Corazon at Marta.

"Alam mo na? Ano ang dahilan na iyon?" Bakas ang pagtataka sa mukha ng mabuting donya.

"Ang felicia! Iyon ang pinagkaiba mo sa aming lahat. Matagal ka nang umiinom ng felicia at sa aking palagay ay may nagawa ang halaman na iyon sa iyong katawan kaya hindi ka nagiging halimaw! Aking napagtanto iyon sa pag-uusap natin kanina."

"Oo nga! Mukhang tama ka, Malaya! Napaka talino mo talaga! Ang felicia ang gamot na hinahanap natin! Ito ang sagot upang matapos na ang delubyong nangyayari sa ating bayan!" Palatak ni Marta.

Natigilan si Donya Corazon. Sa tingin niya ay naniniwala ito sa kaniyang sinabi.

Maya maya ay hinawakan nito ang kaniyang dalawang kamay. "Maraming salamat! Kung totoo ang iyong sapantaha, dapat natin itong ipaalam sa ating mga kasama at sa iba pa!" bulalas ni Donya Corazon.

Matapos nilang mag-usap ay lumabas na sila sa silid na kinaroroonan nila. Eksaktong nasa sala na silang tatlo nang may kumatok sa pinto nang malakas at sunud-sunod.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon