KABANATA XXII: Poot

518 41 10
                                    



KINAUSAP ni Crisanto sina Hulyo, Gregoria at Malaya. Kailangan kasi niyang bumalik sa mga kasamahan nila na nagtatago sa kuweba upang sabihin sa mga ito ang susunod nilang hakbang. Nagdesisyon siya na sila lamang ni Hulyo ang babalik sa kuweba habang mananatili sina Malaya at Gregoria sa bahay ni Donya Corazon nang sa ganoon ay merong magpo-protekta sa mga ito. Pinayuhan din niya na kailangan nang umalis doon nina Malaya at magtungo sa bahay ni Donya Conchita dahil malamang sa mga sandaling iyon ay patungo na roon sina Alvaro. Sinabi niya na merong traydor sa kanilang mga kasama na siyang nagbibigay ng impormasyon kay Alvaro sa mga susunod nilang gagawin.

"Sino naman ang traydor na ito?" tanong ni Gregoria.

"Sa ngayon, wala pa akong ideya kung sino ngunit sigurado ako na meron. Kaya mag-iingat na tayo ngayon sa mga pinagkakatiwalaan natin sa mga miyembro ng ating samahan. Kayong tatlo—higit sa lahat ay sa inyo ako may tiwala. Alam ko na hindi isa sa inyo ang traydor."

"Salamat sa tiwala mo, Crisanto. Hayaan mo at hindi magtatagal ay lalabas din kung sino ang traydor. Ang dapat nating gawin ay bilisan natin ang ating kilos. Baka abutin pa tayo ng dilim sa daan. Mas lalo tayong mahihirapan sa pagbalik sa kuweba," sabi ni Hulyo.

"Tama ka. Kaya, Malaya at Gregoria... kayo na muna ang bahala sa mga tao sa bahay na 'to. Umaasa ako na ligtas ninyo silang madadala sa bahay ni Donya Conchita. Nakausap ko na si Donya Conchita at pumayag naman siya."

"Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya!" Matapang na sagot ni Malaya.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras sina Crisanto at Hulyo at umalis na sila sa bahay ni Donya Corazon.


-----ooo-----


"PADRE! Anong nangyari?!" Agad na tanong ni Pedro nang pumasok ito sa silid na kinaroroonan ni Padre Salazar.

Nakasilip pa rin ang pari sa bintana. Hindi siya makagalaw dahil sa labis na pagkabigla sa nangyari. Hindi niya nais na ihulog si Salome. Aksidente ang nangyari.

Lumapit si Pedro sa kaniya at nang tumingin ito sa bintana ay napasigaw ito nang makita ang walang buhay na katawan ni Salome. "Diyos ko! Anong ginawa ninyo, padre?! Bakit mo pinatay ang kaawa-awang babae?!" Gulat nitong bulalas.

"Hindi ko siya pinatay sa aking kagustuhan, Pedro! Sa tingin ko ay isa na siyang halimaw kaya kinailangan ko siyang patayin! Masdan mo ang aking kamay at kinagat ng babaeng iyon!" Ipinakita niya ang kamay na kinagat ni Salome.

Pinili niyang magsinungaling dahil baka madulas pa si Pedro sa ibang tao na napatay niya si Salome kahit hindi ito isang halimaw.

Napatda si Pedro. Napaatras ito. "Kung isang halimaw ang babaeng iyon at k-kinagat ka niya... Ibig sabihin ay..." Hindi na nito itinuloy ang sasabihin.

Luminga-linga ito at nang makita ang kutsilyo sa sahig ay dinampot nito iyon at itinutok sa kaniya.

"Nagkakamali ka! Hindi ako magiging halimaw! Ibaba mo ang punyal dahil baka ako pa ang sumaksak niyan sa iyo!"

"N-ngunit, padre! Lahat ng nakakagat ng halimaw ay nagiging kagaya nila!"

"I-iba ako sa kanila. Madadala pa ito sa dasal at pananalig ko sa Diyos! Kunin mo ang agua bendita sa altar. Rapido!"

May pagdududa man kay Pedro ay sinunod pa rin siya nito. Kinuha nito sa altar ang pinapakuha niya at ibinigay sa kaniya. Ibinuhos niya ang benditadong tubig sa sugat niya sa kamay at dinasalan iyon. Kahit ang totoo ay hindi niya iyon kailangang gawin. Kailangan niya lang panindigan ang sinabi niya kay Pedro na pinatay niya si Salome dahil isa itong halimaw.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon