KABANATA XX: Traydor

553 41 6
                                    



"PAPATAYIN kita, Corazon! Pinatay mo ang aking esposo!"

Natigilan si Malaya nang marinig niyang magsalita ang babaeng nasa ibabaw ni Donya Corazon. Sa pagkakatanda niya ay walang kakayahan na magsalita ang mga halimaw. Kung ganoon, hindi isang halimaw ang umaatake kay Donya Corazon kundi isang tao!

Isinukbit niya sa balikat ang baril at nilapitan niya ang dalawa. Tinulungan niya si Donya Corazon na makawala mula sa babae at matagumpay naman niyang naalis ang pagkakasakal nito sa leeg ng donya.

Patuloy sa pagwawala ang babae. "Bitiwan mo ako! Huwag mo akong pigilan! Sino ka bang hampaslupa ka?!" Nagawa siyang sampalin ng babae sa pisngi.

Napakalakas ng sampal nito at kung hindi lang ito tao ay baka kanina pa niya ito napaputukan ng baril. Sana nga ay halimaw na lamang ito para nagawa na niya iyon kanina pa.

Pagkakita niya sa mukha ng babaeng nagwawala ay nakilala niya ito. Si Donya Conchita. Kilala ito sa bayan nila sapagkat kagaya ni Donya Corazon ay ubod din ito ng yaman. Ang kaibahan nga lang ay masama ang ugali nito. May usap-usapan na umiikot na inaapi at sinasaktan nito ang mga kasambahay nito.

Nang akmang susugurin ulit ni Conchita si Donya Corazon ay iniumang na niya sa una ang baril.

"Subukan ninyong saktan si Donya Corazon at hindi ako mangingiming paputukan kayo!" Pananakot ni Malaya. Wala siyang balak na paputukan si Conchita. Ginawa niya iyon upang takutin ito.

Bumakas ang takot sa mukha ni Conchita. "Estupida! Sa tingin mo ba ay natatakot ako sa iyo?! At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan na humawak ng baril? Hindi maaari sa isang babae ang gumamit ng baril! Mapaparusahan ka kagaya ng babaeng iyong pinoprotektahan!" Akala mo ay nasisiraan na ito nang ulo nang tumawa ito nang malakas at pagkatapos ay biglang sumigaw.

Sa pagkakataon na iyon ay dumating na sina Gregoria, Marta at Kulasa. Natataranta ang mga ito dahil siguro sa sigawan na maging ang mga ito ay narinig. Kaya naman pala naroon si Kulasa ay dahil naroon sa pamamahay na iyon ang amo nito.

"Diyos ko! May halimaw! May halimaw!" Naghihisterikal na sigaw ni Kulasa habang nakaturo kay Conchita.

Humarap si Conchita sa mga bagong dating. "Tonta! Ako ito, Kulasa!"

"P-paumanhin, senyora. Napagkamalan kitang halimaw dahil napakagulo ng iyong buhok! Kamukha mo po iyong isang halimaw na nakita ko sa labas—"

"Husto na ang panglalait mo sa akin, Kulasa!" Putol ni Conchita. Hinarap nitong muli si Donya Corazon. "At ikaw, Corazon, hindi ko makakalimutan ang ginawa mong pagpaslang sa aking asawa! Kung hindi kita mapapatay, sisiguruhin ko na mabubulok ka sa kulungan at bitay ang iyong kakahantungan!"

"Conchita, isa nang halimaw si Lijun kaya ko siya pinatay. Sa tingin mo ba, kikitilin ko ang buhay niya kung kagaya natin siyang normal?"

"Tama si Donya Corazon. Simbahan na mismo at ang gobernador-heneral ang nagsabi na patayin lahat ng halimaw dahil mapanganib sila," singit naman ni Marta.

"Tumigil ka, muchacha! Hindi ka kasali sa usapan!" singhal dito ni Conchita. "Lahat kayo ay nagkakampihan! Pinagkakaisahan ninyo ako. Ang mabuti pa ay umalis na ako sa pamamahay na ito ng isang mamamatay-tao! Babalik na ako sa aking casa!"

Hinawi silang lahat ni Conchita at malalaki ang hakbang na lumabas ito ng kwarto.

Inutusan naman sila ni Donya Corazon na habulin at pigilan si Conchita. Mapanganib nga naman kung lalabas ito dahil sa mga halimaw. Talagang napakabuti ng puso ni Donya Corazon sapagkat kahit pinagtangkaan na ni Conchita ang buhay nito ay nagagawa pa nitong magpakita rito ng pagmamalasakit.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon