KABANATA X: Unang Kagat Sa Nakaraan

689 48 8
                                    


PAGPUTOK ng liwanag ay muling nagkita sina Malaya at Crisanto sa gubat. Nakita nila ang ilang guwardiya sibil na tinitingnan ang tila sasakyan ng estrangherong lalaki na kanilang nakita noong nakaraang gabi. Naulinigan nila na hindi rin alam ng mga ito kung ano ang kakaibang bagay na iyon kaya nahinuha nila na hindi iyon mula sa mga Kastila. Maging ang mga ito ay walang alam.

Maya maya ay dumating na si Emil kasama si Ka Bayani. May dalang mga gamit sa panggagamot si Ka Bayani at armas na rin na nakalagay sa bayong. Magkakasama silang apat na nagtungo sa kuweba kung saan nila dinala ang lalaki. Naroon pa rin ito at kung hindi ito humihinga ay mapagkakamalan nilang wala na itong buhay. Nakapikit ang lalaki at nakahiga pa rin sa bato. Hindi man lang nabago ang puwesto nila noong iniwanan nila ito roon.

"Saan ninyo natagpuan ang estranghero na iyan?" tanong ni Ka Bayani.

"Sina Malaya at Crisanto ang nakakita sa kaniya. Ayon sa kanila ay lulan ito ng isang kakaibang bagay na noon lamang nila nakita," tugon ni Emil.

"Nasaan na ang tinutukoy ninyong kakaibang bagay?"

"Sa kasalukuyan ay natagpuan na ito ng mga guwardiya sibil at tila iniimbestigahan nila kung ano ang bagay na 'yon," tugon ni Crisanto.

Maraming sugat ang lalaki at kailangan iyong malapatan ng gamot dahil baka magkaroon iyon ng impeksiyon. Mabilis na kumilos si Ka Bayani. Nilinisan nito ang mga sugat ng lalaki at nilagyan iyon ng nginatang dahon ng bayabas. Binalutan iyon ng tela upang hindi maalis sa sugat.

"Hindi kaya isang kaaway ang lalaking iyan? Nakita ninyo ang kaniyang kutis—maputi. Tila mula siya sa ibang bansa. Sa tingin ko ay isa siyang Kastila," wika ni Crisanto.

"Iyan din ang aking naiisip kanina pa. Baka isang kaaway ang ating tinutulungan. Makakabuti siguro kung siya ay ating itatali sa batong kaniyang kinahihigaan bago siya magkaroon ng ulirat," ani Ka Bayani.

Mula sa bayong ay inilabas ni Ka Bayani ang mahabang lubid. Kahit kailan ay handa talaga ito sa lahat ng bagay. Pinagtulungan nilang itali ang lalaki sa kinahihigaan nitong bato. Siniguro nilang mahigpit ang pagkakatali nila roon upang hindi ito makawala kapag ito ay nagising na.

Kung kaaway ang hula nina Ka Bayani at Crisanto sa estranghero ay iba kay Malaya. Maamo ang mukha ng lalaki na para bang hindi ito gagawa ng masama. Sa tingin niya ay nagkakamali ang mga ito sa pag-aakala na isa itong kaaway.

Sandaling lumabas ng kuweba si Ka Bayani at Emil upang kumuha ng makakain nilang apat kaya sila lamang ni Crisanto ang naiwanan doon.

"Crisanto, sa tingin ko ay mabuting tao ang lalaki na iyan. Sana ay magising na siya upang malaman natin kung saan ba siya nagmula," wika ni Malaya.

"Hindi porket mabait tingnan ay mabuting tao na. Hayaan mo at malalaman natin kapag siya ay nagkamalay na."

Sandaling nagpaalam si Crisanto sa kaniya. Kailangan kasi nitong magbantay sa may bukana ng kuweba at baka may mga guardiya sibil na magawi sa lugar na iyon. Mas mabuti na ang nag-iingat sila.

Nang mapag-isa si Malaya ay matiim niyang tiningnan ang walang malay na lalaki. Maging ang kasuotan nito ay noon lamang niya nakita. Kakaiba talaga ito. Habang nakatingin siya sa mukha ng lalaki ay napansin niya na gumagalaw na ang talukap ng mga mata nito. Medyo kinabahan siya ngunit pinili niya na hawakan ito sa braso.

"Ginoo, gising ka na ba? Maaari mo bang imulat ang iyong mga mata?" tanong niya sa lalaki.


-----ooo-----


KADILIMAN. Iyon ang unang sumalubong kay Stephen sa pagbukas ng kaniyang mga mata. May naririnig siyang boses ng babae at inaakala niya na siya ay nananaginip. Ilang beses niyang ibinukas at sarado ang mata bago iyon bumalik sa normal. Mga bato ang nakikita niya. Hindi niya alam kung nasaan na siyang lugar. Ang huli niyang natatandaan ay sumakay siya sa time machine at pagkatapos ay sinet niya iyon upang makapunta siya sa taong 2176.

YEAR 1876: Tales of the DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon