Date Me . . . Please?

404 70 42
                                    

Facebook Profile

Dis is it pancit!Wish me luck mga par

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Dis is it pancit!
Wish me luck mga par


Like • Comment • Share


♥•♥•♥


"Ma, nasaan yung violet na jersey ko? Yung may number 5?"

"Nasa cabinet mo, a. Sa ilalim."

"Tengkyu!" Tumakbo agad ako papunta sa kuwarto.

"Kasya pa ba sa 'yo 'yan? Ang liit na niyan! May bagong laba kang sando, kunin mo na lang sa sampayan! Chael! Nakikinig ka ba?"

May mga ganitong pagkakataon na tinatanong ko ang sarili ko kung seryoso ba 'ko sa gagawin ko. Baka nagutuman lang ako. Baka nasobrahan lang ako sa puyat. Baka may nakain lang akong panis.

"Ma, alis lang ako, may puntahan lang ako saglit!"

"Napakain na ba si Cubee?"

"Nauna pang kumain 'yon kesa sa 'kin!"

"Magdala ka ng payong, baka umulan! Hoy!"

"Alis na 'ko, Ma!"

One week. Hindi nawala ang feelings. Masyado lang sigurong malakas ang loob ko para tumalon sa mga ganitong risk kahit hindi ko alam kung gaano kasakit ang kababagsakan ko.

Pero ayokong manghinayang in the near future. Ayokong magkaroon ng mga unexpected sana sa mga chance na kaya ko namang i-grab kung naging matapang lang ako.

Kung masakit ang kababagsakan, e di, masakit. Pero hindi naman sure ang sakit kung hindi naman ako susubok.

Experience is still experience. I-count na natin 'yan kahit may aray.

Isang sakay ng jeep pa-Quiapo. Kaunting lakad papuntang UST sa may Lacson. Papasok sa looban, unang kanan ang liko.

Black T-shirt, cargo pants, Converse; malinis naman ang gupit ko kaya madaling ayusin ang buhok. Mukha naman akong tao kahit paano.

Dala-dala ko ang paper bag na may lamang jersey uniform ko noon, isang tangkay ng rose na binili ko sa flower shop sa may service road, at dalawang pack ng Hersheys na bili ko pa sa 7-Eleven kasi short na ako sa budget maliban kung magwi-withdraw pa sa napakalayong bangko.

Naglalakad ako, iniisip ko kung dapat ba akong mag-memorize ng sasabihin o bahala na kung ano ang masabi 'pag kaharap ko na siya.

Hindi sincere ang memorized lines. Halatang scripted. Siguro keywords, puwede. Halos one week ko siyang hindi nakita. Hindi ko pa siya nare-reply-an sa chat kasi hindi ko alam kung paano i-e-explain na si Gelong pala dapat ang icha-chat ko at hindi siya.

Pakalabo naman kasi ng "Paps i-PM mo nga" ni Gelong! Malay ko ba?

Hinahanap ko yung kaba sa pakiramdam pero wala akong makapa. Excited, oo? Pero kaba, wala.

Pagtapat ko sa gate ng apartment niya, hindi pa man ako kumakatok pero bumukas na ang pinto, saktong palabas siya.

"Uy!" sita niya.

Makiki-uy! rin sana ako kaso natulala na ako sa kanya.

Naka-T-shirt lang siyang itim, naka-khaki shorts, walang suot na wig, walang suot na contact lens. Itim na itim ang mahabang buhok niya na kahit halatang sinuklay na lang ng mga daliri, ang lambot pa ring tingnan. Mas cute ang mga mata niya kapag walang contact lens. Brown na brown lalo ngayong nasisikatan ng araw.

Cute siya noong nakaraan pero mas maganda siya ngayon. Ni wala man lang siyang ka-makeup-makeup sa mukha kaya siguro mas nakikita kong 24 na siya at hindi 14 lang.

"Ang aga mo, a! Alas-diyes pa lang! Nag-lunch ka na?"

Hindi ako makaimik. Nakatitig lang ako sa kanya.

Ang ganda niya, shet. Gusto ko nang sikmuraan ang sarili ko para lang makapagsalita.

"Huy! Ano meron, ba't nadaan ka?" tanong niya paglapit sa gate.

"Ba't ang ganda mo ngayon?"

"E? Sabeeh?" Sabay halakhak niya. "Pero seryoso nga, ano meron?"

Binuksan niya ang gate saka nag-abang ng sagot ko.

"Dala ko yung jersey mo," sabi ko, inabot ang paper bag sa kanya.

"Hala! True ba?" Pagsilip niya sa loob, napanganga na lang siya nang kalkalin ang mga laman n'on. "Hala, may pa-rose and chocolates! Taray!"

"Taki . . ."

Nag-angat siya ng tingin. "Hmm?"

"Walang nanliligaw sa 'yo ngayon, di ba?"

"Hmm . . . wa . . . la?" mabagal niyang sagot habang sinusukat ako ng tingin. "Why?"

"Yung 20k, babayaran ko. Nag-a-accept na ulit ako ngayon ng digital commission."

"Nakita ko nga sa post mo last Wednesday. Pero kahit nga huwag mo nang bayaran. Makulit ka talaga."

"'De, babayaran ko pa rin. Sorry pala, di pa kita nare-reply-an. Nag-hi lang ako."

"Anim yung unsent, hi lang?"

"Makulit ako, alam mo naman."

"Bakit mo in-unsend?"

"Ano kasi . . ." Napakamot tuloy ako ng ulo. "Na-misinterpret ko yung comment ni Gelong. Ikaw yung na-PM ko imbes na siya."

"Tapos hi lang yung PM? Na anim?"

"Medyo magulo kasi. Basta!"

"O, pero bakit ka nga nandito? Bakit may pa-flowers saka pa-chocolates? Akin ba 'to o wala ka lang malagyan kaya nandito sa bag?"

"Ano . . ." Humugot muna ako ng malalim na hininga bago nagsalita. "Ayokong mag-thank you na babaero ang tatay ko kaya hindi niya kami masuportahan financially. Ayoko ring mag-thank you na kinailangan pa ni Mama na isangla yung singsing niya para lang magkapera kami pampaopera sa alaga ko. Ayoko ring mag-thank you na nasagasaan si Invoker kaya kinailangan ko yung 20k. Ang insensitive kasing mag-thank you na minalas ako sa buhay. Pero magpapasalamat ako sa guide na ginawa ng kamalasan ko para patulan mo yung joke ko."

"Uhm . . . okay? Meaning . . . ?"

"Na-miss kita."

"Ay, shet." Mabilis siyang tumalikod habang tumatawa. Pagharap niya, pulang-pula na ang mukha niya. "Hoy, Yeshua! Bakit may paganito? Ang aga pa!"

"Fourth year na 'ko sa June! Last year ko na sa college. Promise, meron akong time kahit ngarag ako sa research. Meron na 'kong source of income ulit ngayon! Kahit mag-buffet tayo, hindi problema, sagot kita. Isang sakay lang saka kaunting tumbling ang layo mo sa 'min, puwede kitang puntahan any time."

Hindi siya sumagot. Ang lapad lang ng ngiti niya sa 'kin.

"Di ko alam kung gaano mo 'ko ka-kilala sa social media, pero puwede kitang dalhin sa bahay kung trip mong makilala si Mama . . ."

"Wait . . ." Pinandilatan niya ako ng mata. "Manliligaw ka ba?"

Kuyom ko ang kamao nang tumango. "Yeah. At alam ko, hindi pa ganoon katagal yung one week pero . . ."

Nandito na 'ko, so paninindigan ko na.

"Tasha Kiara Cariño . . ."

"Yeah?"

"Date me . . . please?"



The End

Date Me, Please?Where stories live. Discover now