Chapter 4: Grumpy

36.5K 973 52
                                    

"Kumusta ang bisita mo?" tanong ni Lucas kay Lalkha. Nakasandal ito sa hamba ng pinto at nakasunod ang mga mata sa kanya.

Nakatatandang kapatid niya ang lalaki pero hindi sila magkadugo at walang legal na mga dokumento. Hindi rin naman sila mapagkamalang magkapatid. Kung siya ay may karaniwang mukha lang, ang kuya niya naman ay parang anak ni Bathala na ipinadala sa lupa upang pamunuan ang sansinukob.

Kinupkop lang si Lucas ng mga magulang niya noong nabubuhay pa ang mga ito. Nasa iisang bubong na sila magmula noong elementarya siya at bumukod lang ito nang makapag-asawa. Hindi nga lang ito nabiyayaan ng anak gawa ng may diperensya sa matris ang napangasawa nito.

Kuntento naman na ang mag-asawa hanggang sa dapuan ng malubhang sakit si Alora, ang asawa nito, at tuluyang sumakabilang buhay nang nakaraang taon.

Huminto siya sa pagbuhos ng inuming tubig sa malaking banga at humarap kay Lucas. "Ayun, awa ng Diyos, humihinga pa naman."

"Nakapag-usap na ba kayo nang maayos?"

"Hindi pa nga, eh. Nagsusuplado pa rin," ingos niya.

"Ibalik mo nga sa tabing-dagat."

"Lucas naman. Alam mo nang may pinagdadaanan iyong tao." Tinapunan niya ng tingin ang lalaking laman ng kanilang diskusyon ilang metro ang layo mula sa kanila. Nakatayo ito sa buhanginan hawak-hawak ang saklay na gawa sa kahoy, wala itong sapin sa paa, at nakaharap sa dagat at sa maliwanag na sikat ng araw. Nililipad ng hangin ang hibla ng buhok nito at ang tela ng puting pantalong suot nito.

Noong unang araw palang ng pagkupkop niya rito ay napansin na niyang pamilyar sa kanya ang mukha ng estranghero. Ngayon ay naalala na niya kung saan niya ito unang nakita—sa isang daanan malapit sa pampublikong parke. She remembered that day. That was the darkest day of her life. Iyon ang araw na pumanaw ang may sakit nilang ama. Matagal na silang ulila sa ina ni Lucas kaya ang ama na lang ang tanging meron sila.

Umalis siya ng isla na hindi tiyak ang paroroonan. Wala siyang makitang matinong direksyon noong araw na iyon. Hinagpis at pagod ang laman ng puso niya. Sinundan siya ni Lucas pero nailigaw niya ito. Sigurado siyang wala sa plano niya ang magpakamatay ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit napunta siya sa gitna ng kalsada. Marahil ay dala ng katotohanang hindi siya makapag-isip nang tama. Mabuti na lang at may taong nagligtas sa kanya—the devil in his best physical disguise.

Masungit ito at antipatiko pero malaki pa rin ang utang na loob niya rito. Ngayon ay ibabalik niya ang tulong na ibinigay nito noon sa kanya. Kapag gumaling lang ang mga sugat nito ay tutungo sila sa police station pagkatapos ay dadalhin niya ito sa kung saan niya ito unang nakita at baka may maalala ito.

"Sigurado ka bang ayos ka lang dito kasama ang estrangherong iyan?" diskumpyadong tanong ni Lucas. Pinagtalunan pa nila ang desisyon niyang alagaan ang lalaki bago niya ito naiuwi sa bahay niya.

Tumango siya. Wala siyang planong sabihin kay Lucas na minsan nang nagkrus ang landas nila ng lalaki. Madalas kasi ay weird at hindi naaayon ang reaksyon ng kuya niya.

"Kaya kong protektahan ang sarili ko." Inabot niya ang balde ng tubig. Inagaw sa kanya iyon ng kapatid at ito na ang nagboluntaryong magbuhos ng tubig sa banga.

The Billionaire's Amnesia (Preview)Onde histórias criam vida. Descubra agora