Chapter 9: He Thinks I'm Pretty

30K 781 25
                                    

Kinikilig pa rin si Lalkha sa natanggap niyang bulaklak mula kay Lucian nang nakaraang araw. Hindi niya akalaing ang unang bungkos ng mga bulaklak na mahahawakan ay galing pa sa lalaking lihim na niya ngayong minamahal. Pagulung-gulong siya sa kama. Ipaling dito, ipaling doon ang ulo. Mahigpit niyang yapos ang unan at ngising-ngisi habang panakaw na sumisilip sa siwang ng pinto kung saan kita ang pahabang sofa na kinahihigaan ni Lucian.

Tanaw ni Lalkha ang mahahabang braso at paa ng binata, ang flat nitong tiyan na hindi natatakpan ng damit, ang buhok nitong humaba na at tumatakip sa halos kalahati ng mukha nito.

Gumulong siya palapit sa paanan ng kama at dumapa. Nakaangat ang ulo niya, nakatukod ang siko sa kutson at nakatungtong ang panga sa palad. Sinamba ng nagniningning niyang mga mata ang biyaya ng langit na nakalatag sa harapan niya, ilang hakbang lang ang layo mula sa kanyang silid. Dahan-dahan siyang lumabas ng sala at sinindihan ang ilaw mula sa nakasabit na lampara.

Bumalik siya sa kinahihigaan. Mula roon ay sinipat niya kung may pekas ba ito sa mukha o kung may mga nunal ito. Wala siyang makita. Malinis ang mukha ni Lucian, bukod sa isang nunal na parang tuldok ng pentel pen na nasa bandang sentido nito ay wala na siyang makitang iba.

"Yes, Lalkha?"

Muntik na siyang tumili nang biglang nagsalita si Lucian at nagmulat ng mga mata. Hindi ito nagpalit ng posisyon. Nakatihaya pa rin ito pero ang mukha ay nakabaling sa direksyon niya. Hinila niya ang sarili paupo at yumuko upang maitago ang pamumula ng pisngi.

"Tini-check ko lang kung humihinga ka pa," palusot niya.

"Yeah, I'm still breathing. Iyon lang talaga?"

Sunud-sunod at mabilis ang ginawa niyang pagtango. "Sige, pakipatay na lang ng ilaw. Good night!" Bumalik na siya sa maayos na pagkakahiga. Hinila niya ang kumot hanggang ulo saka bumaluktot.

Bakit ba lagi na lang siyang nahuhuli ni Lucian? Ang talas naman ng pakiramdam nito!

Pinatay na ni Lucian ang sindi ng lampara. Pinilit na rin niya ang sariling makatulog. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at nagbilang siya hanggang limandaan subalit buhay pa rin ang diwa niya. Napabuntong-hininga siya. Mayamaya'y may nakita siyang pigurang itim habang nasa ilalim pa rin ng manipis na kumot ang mukha. Lalo siyang bumaluktot at niyapos ang tuhod.

Anong oras na ba? Hindi na niya nasundan ang oras dahil naging abala siya kanina sa pagbibilang.

Gumalaw ang pigurang itim at patingkayad na lumapit sa kanya. Nangatal siya sa takot at hilakbot. Kahit na paliitin niya nang husto ang mga mata upang sinuhin ang pigurang hindi pamilyar sa kanya ay hindi niya ito makilala dala ng madilim ang paligid at hindi maliwanag ang buwan nang gabing iyon.

Inay ko po, may dalaw akong maligno! sa loob-loob niya.

Sisigaw ba siya? Hihingi ng tulong? Kailangan niyang gisingin si Lucian. Kahit na kabadung-kabado ay nag-mental note pa rin siya na magpabendisyon kapag nairaos niya ang gabing iyon nang ligtas.

Huminto sa tapat ng mukha niya ang pigura. Nahigit niya ang paghinga at hindi niya maibuga-buga ang naipong hangin sa baga. Nasu-suffocate na siya at nanlilimahid na rin sa pawis ang noo. Gayunman ay nanatili siyang hindi umiimik.

Lumapit ang pigura sa mukha niya. Alam niyang lumalapit ito sapagkat lalong dumidilim. Hindi na niya napigilan ang sarili. Marahas niyang ibinaba ang kumot at walang pasabing bumangon. Umalingawngaw ang malakas na ingay ng nagsalpukang noo. May kung ilang segundo rin siyang naduling at nakakita ng mga bituin sa ere. May narinig siyang tinig na paulit-ulit na nagmumura. Nang luminaw ang paningin ay kinusot niya ang mga mata.

The Billionaire's Amnesia (Preview)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon