Prologo

2.9K 62 5
                                    

"BILISAN mo, kuya! Baka matulog na si Lolo!"

"Ano ba, baka madapa ako!" asik ng sampung taong gulang na si Matthew sa kapatid niyang mas bata ng limang taon. Sa sobrang pagmamadali nito, kulang na lang ay kaladkarin siya nitong pababa ng hagdan.

"Ang bagal-bagal mo kasi, eh! Kapag 'di natin inabutang gising si Lolo..."

"Kapag natulog si Lolo, matutulog na rin tayo," sabi niya sa tinig na pinaiiral ang awtoridad. Baka nakakalimutan ni Janine na mas matanda siya rito! "May pasok pa tayo bukas sa eskuwela."

"Panghapon ka naman, eh..."

"Eh, ikaw?"

"'Di naman ako mahirap gisingin. 'Di po ako tulad mo, 'no?" Ipinadyak nito ang isang paa sa sahig, sabay itsa sa kamay niyang hawak nito. Pinamaywangan siya nito. "Ano ba, sasama ka ba sa akin o hindi?"

"Mapapagalitan tayo ni Lola Barbara kapag nalaman niyang nang-istrobo na naman tayo kay Lolo."

Si Lola Barbara ang kapatid na bunso ng lolo nila. Matandang dalaga ito at talagang ubod ng istrikto at sungit.

"Hindi niya malalaman," sagot ni Janine. "Hindi naman nagsusumbong si Lolo. Saka kanina pa tulog si Lola Barbara. Ano, sasama ka ba?"

Ngumiwi siya at pinaikot ang mga mata gaya ng madalas niyang nakikitang ginagawa ng Tito Franco niya kapag kinukulit ito ni Lolo Kanor na mag-asawa na. Liyebo tres na raw kasi ang tiyuhin nila, kung tutuusin ay matandang binata na. Mas matanda pa ito sa papa nila. Iyon nga lang, mas maagang namatay ang kailang ama. Isang taon pa lang noon si Janine.

Nang mamatay ang kanilang papa, nagpunta sa Amerika ang kanilang Mama Lavina. Nurse kasi ito at ang sabi ni Tito Franco, kailangan daw ito sa Amerika. Kawawa naman ang mga may-sakit kung hindi aalagan ng mama nila.

Kaya sila ni Janine, kina Lolo Kanor at Lola Barbara lumaki. Hindi naman sila naghahanap ng wala dahil sa bahay nila, walang hindi nagmamahal sa kanilang magkapatid. Lalo na si Tito Franco. Halos lahat ng hingin nila ni Janine, ibinibigay nito.

"Hindi naman magkukuwento si Lolo kung ikaw lang mag-isa." Hinawakan ni Matthew ang kamay ng kapatid. "Halika na nga, nakakaawa ka naman, eh."

Pero nang marating nila ang silid ng abuelo, nakipag-unahan pa siya kay Janine sa pagsalampak ng upo sa sahig. Kung magiging honest siya sa sarili, aaminin niyang pinakapaborito niyang oras ang gabi. Tuwing gabi kasi, kinukuwentuhan sila ni Lolo Kanor ng tungkol sa mga hari at reyna noong unang panahon, tungkol sa mga sundalo noong panahon ng giyera at kung minsan, tungkol sa mga engkanto at diwata at halimaw sa ilalim ng dagat.

Kaya lang, malaki na siya. Nahihiya na siyang aminin sa sarili -- lalo na kay Janine -- na hanggang ngayon ay nasasabik pa rin siyang makinig sa mga kuwentong pambata ng lolo nila.

"Andito na naman ang mga bubuwit!" Ibinaba nito ang binabasang Reader's Digest at bumalikwas paupo sa kama. Naglagay ito ng unan sa may headboard ng kama at doon sumandal. "Ano ba ang ikukuwento ko ngayon sa inyo?"

"Iyong tungkol sa singsing ni Caridad, Lolo!" hiyaw ni Janine.

Muli, pinaikot niya ang mga mata. "Ano ka ba? Narinig na natin 'yon, eh!'

"Oo nga naman, apo." Ginulo pa nito ang buhok ng kapatid niyang sumampa ng upo sa kama. "Iba naman. Teka, mag-iisip ako... "

Pakiramdam ni Matthew ay nalaglag ang puso niya. Mabilis siyang nag-isip ng masasabi.

"Huwag na po, Lolo," aniya. "Baka sumakit pa ang ulo n'yo sa kaiisip. Kuya naman po ako, eh. Kung ano ang gusto ni Janine, 'yon na lang."

Tumingin sa kanya si Lolo Kanor at ngumiti. Iyong klase ng ngiting nagdudulot sa kanya ng kaba. Hindi niya alam kung bakit, ngunit may pakiramdam siyang nababasa ng abuelo ang laman ng isip niya.

Spellbound  (Completed) Where stories live. Discover now