KuduKudu - 3

125 11 0
                                    


Hindi ko namalayan na bumangon pala si papa nang marinig ko ang mga yabag sa taas.

" Eli?! Anong ginagawa mo diyan?"

Agad akong tumayo at sinuot ko ang aking tsinelas.

" Papa nakakita ako ng kudu-kudu!"

" Ha? Nasaan?!"

Paglingon ko ay wala na si Uk kaya hinanap ko ito sa ilalim ng lutuan ngunit wala na talaga siya.

" Wala na siya anak at naniniwala ako. Marahil napili ka niyang pakitaan. Wala na yung kanin sa kaldero at ang daming saging na nakain siya."

" Opo papa....mabait po siya...totoo ang kuwento hindi nakakatakot ang anyo niya ng ngumiti. Ngunit nakakalungkot lang nawalay po siya sa kanyang mga kasama kasi taglamig daw sa lugar nila sa ilalim ng lupa kaya umahon siya. Ang pangalan po niya ay Uk."

" Nag-usap kayo anak?!"

" Opo papa...ang ipinagtataka ko lang ay hindi sa bibig kami nguusap kundi sa isip. Naririnig po ng isip ko ang tanong at sagot niya na hindi nagsasalita."

" Kakaiba nga anak.....marahil ay iba ang kanilang salita sa kanila mundo at dinaan ka niya sa pambihirang katangian nila ang magbasa ng isipan. Napailalim ka sa kanyang kakayahan. Ang magpakita lang siya sayo ay pambihira na yun anak.."

Nanatili kaming nasa labas lang ng kubo at ng antukin muli ay pumasok na kami. Hindi na bumalil si Uk at akoy nakatulog ng muli.

Kinaumagahan ay maaga akong ginising ni papa. Pupunta daw kaming muli sa bundok para magtanim ng mga bagong puno na naroon sa bakuran ang mga seedlings na nasa mga plastics na maliliit. Itinanim niya ito noong mga nakaraang buwan at ngayon nga ay panahon na para sila ay itanim sa lupa.

" Eli...mamayang pagkatapos mananghalian babalik na tayo sa bayan kaya kailangang matapos nating lahat ang mga gagawin natin."

" Opo papa."

Pagkatapos magalmusal ay inilagay na nga ni papa sa isang sako ang mga binhi, madami ito at mabigat sa dahilanf may lupa kaya ginawa ko ay kumuha din ako ng kaya kong dalhin para ako ay makatulong.

Agad kaming naglakad paakyat ng bundok, mabuti na lang ang mga dinaanan namin ay di gaanong matatarik kaya ng marating namin ang isang lugar ay agad naghukay si papa ng lupang pagtatamnan. Ang ginawa ko naman ay inilabas sa sako ang mga binhi at itinapat sa mga butas para hindi na mahirapan si papa sa pagtatanim. Medyo malalayo ang distansiya ng bawat isa mga limang metro.

Bago magtanghali ay natapos na namin ang lahat na maitanim. Sa pagbaba ng bundok ay may mga nakita kaming mga tila mga umbok sa lupa marami ito at nakakalat sa paligid para umangat ang mga ito.

" Papa mga bahay po ba ng nuno iyan?"

" Hindi ko alam anak. Pero noon pa man ay meron ng ganyan dito. Pero nawawala din paglipas ng mga araw. Hindi ko na lang pinapansin noon pa man."

Nahiwagaan ako kasi iba-iba ang laki ng umangat na lupa. May maliit, malaki at mas malaki.

Bago magtanghalian ay umulan, kaya naligo na lang kami ni papa sa ulan. Natuwa kami dahil nadilig ang mga bagong binhi.

Kumain na kami ni papa ng tanghalian na nilagang saging niluto niya ng umaga at kanin at sardinas. Pagkatapos ay inilagay na niya sa bayong ang dalawang manok para dalhin namin. Sa basket naman ang mga prutas tulad ng avocado, guyabano at bayabas.

" Papa yung saging iwan na natin kasi baka mamayang gabi bumalik si Uk gutom yun. Para may pagkain siya."

" Sige anak kung yan gusto mo. Madami na din itong mga dalahin natin."

Agad kong inayos mga dalahin ko at isinara bintana ng kuwarto. Iniligpit ni papa sa cabinet at mga gamit namin pati mga ibang pagkain na natira. Pero ang biskwit ay inilagay niya sa bilao at tinanggalan ng balat. Pati mga saging inilagay niya sa bilao sa labas at inilagay sa ibabaw ng lutuan. Natuwa ako dahil alam ko na para kay Uk ang mga iyon.

" Dito ka lang anak at isasara ko na pintuan sa harap pati mga bintana."

Pumasok sa loob si papa at isinara na niya ang lahat na maaring pasukan sa kubo. Muli ay pinagmasdan ko ang ilalim ng lutuan kung saan dun tumatambay ang tulad ni Uk.

" Uk, aalis na kami.....maraming pagkain si papa iniwan para sayo. Pasensya ka na babalik na kami sa bayan. Doon kasi talaga kami naninirahan. Uk.....may mga itinanim pala kami sa kabundukan, hiling ko sana ay bantayan mo ito kung dito ka lang naninirahan. Sana matagpuan mo na mga kasama mo at magulang. Magingat ka palagi.....pangako balang araw babalik ako. Hindi ako natatakot sayo Uk alam ko kasi mabait ka at nagkakaintindihan tayo."

" Eliiiii! Lika na at baka malagpasan tayo ng mga dyip na papuntang bayan. Maglalakad pa tayo."

" Opo papa!..........babayyyy Uk!"

Agad kong isinukbit sa balikat ko ang backbag ko na hindi ko namalayan ay napigtal at nalaglag sa lupa ang nakasabit sa zipper na isang miniature na troll.

At yun na pala ang una at huling pagkakataon na mapunta ako sa lugar na ito. Madaming nangyari pagbabago sa pamilya namin ng mga panahong nagdaan. Pumanaw na aking ama at ang aking ina naman ay nasa kapatid kong babae na maayos din ang buhay. May asawa at tatlong anak na rin. Doon sila sa bahay namin sa bayan naninirahan at mas pinalaki pa ito ng mag-asawa. Ang kuya ko naman ay nasa maynila din nakatira at may sariling pamilya na din. Siya ay nasa ibang bansa at taon-taon ay umuuwi ng bansa.

Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman ng matanaw ko ang kubo na napabayaan na ng halos dalawang taon. Madamo na din sa paligid. May liwanag pa kahit takipsilim na kaya makikita mo pa ang paligid. Kinuha ko ang susi na bigay ng mama ko at binuksan ang harap.

Maagiw, maalikabok at may ilang mga balahibo ng mga ibon, mga tuyong dahon na nakapasok. Sa aking dalang backbag ay inilabas ko ang ilawan at flashlight na dala ko. Kaya lumiwanag ang loob. Sa gilid ay kinuha ko ang walis at nagwalis ako sa munting sala para doon na lang ako magpahinga. Binuksan ko ang cabinet at inilabas ko ang plato, baso at maliit na kaldero. Lumabas ako sa kusina dala ang ilawan at napangiti ako na buhay pa rin ang lutuan. Medyo nag-iba lang ito at tumaas ng konti marahil inayos ni papa noong buhay pa siya.

Inayos ko ang lutuan at nagsiga ako, pagkatapos ay kinuha ko ang isang malaking galon na lagayan ng tubig iba ng itsura nito di tulad noong bata pa ako. May gripo at malaki na ito. Dala ang flashlight ay tinungo ko ang batis kung saan naroon ang bukal. Dala ang flashlight ay nakita ko agad ito, napangiti ako ng uminom ng tubig, tulad ng dati, malamig at malinamnam ito. Nang mapuno ko ito ay agad akong bumalik sa kubo.

Nagpainit ako ng tubig at nanatili sa labas na nakaupo sa hagdan. Madilim na ang paligid kaya maririnig na muli ang mga huni pang-gabing ibon.

Habang pinagmamasdan ko ang lutuan, naiisip ko ulit si Uk.....buhay pa kaya siya ?.

Hanggang sa napalingon ako sa bahaging damuhan dahil tila gumalaw at nahawi ito....

" SINO YAN!!"
.
.
.
.
.
.
.
Itutuloy.....
------------------------------------------------------

xristianbryan25 SHORT STORIESWhere stories live. Discover now