Sunset

75 24 1
                                    

5/1/17

Lagi kang nandiyan. Kahit na tinataboy kita, kahit na paulit-ulit kong sinasabi sa 'yo na ayaw ko na, bumabalik ka pa rin. Bumabalik ka pa rin sa akin na may ngiti sa labi; ang mga ngiting para sa akin at ang mga ngiti na alam ko'y babalik kahit ano mang pagtataboy ang gawin ko. Oo, sinasabi ko sa 'yo na iwan mo ako. "Iwan mo na ako!", iyan ang sabi ko pero sa totoo lang, may kasamang takot habang lumalabas iyan sa bibig ko. Dahil ayaw ko naman talaga na iwan mo ako. Masyado akong naging kampante. Naging kampante ako na sa tuwing tinataboy kita, babalik ka pa rin. Hindi ko naisip na may hangganan pala. Akala ko babalik ka. Naghintay ako. Isang oras, dalawang araw, tatlong linggo, pero hindi ka na nagparamdam. Bakit? Pakiusap ko sa 'yo, magparamdam ka na! Bumalik ka na kasama ang mga ngiti mong nagsasabi na mahal mo ako! Bumalik ka na pakiusap.

Pero hindi ka na bumalik.

Ilang araw din akong pabalik-balik ng tingin sa numero mo sa telepono ko. Gusto kong bawiin lahat ng sinabi ko pero natatakot ako na baka ikaw na mismo ang magsabi sa akin na, "Tama na. Ayaw ko na talaga. Napapagod na ako sa 'yo". Kaya mas minabuti kong h'wag na lang. Pero tangina, hindi ko kaya 'to. Hindi ko kaya na wala ka. Walang nangungulit sa akin. Walang nanlilibre ng fries. Walang nandiyan kapag kailangan ko ng kausap. Walang mga ngiti na nagpapaganda sa araw ko. Walang nagpupunas ng mga luha ko. Walang nag-aalaga. Walang nagmamahal.

Binasa ko ang dating pasahan ng mga mensahe natin. Nakita ko yung mensahe mo na nagsasabing manood ako ng takipsilim sa tuwing nalulungkot ako. Tinanong kita na, "paano kapag sa gabi ako malungkot?" Sagot mo naman, "e di manood ka sa YouTube". Natawa ako sa sagot mo noon. Ngayon, habang binabasa ko 'to, napapaiyak ako ng wala sa oras.

Pasensya na dahil lagi kitang tinataboy dati. Kahit na gustuhin ko man na bumalik ka, wala na akong mukhang maihaharap sa 'yo. Hindi ako galit na umalis ka. Hindi ako galit na napagod ka na. Dahil alam kong kasalanan ko 'to. Kaya napagpasyahan ko na hindi na kita guguluhin. Mas karapatdapat ka para sa iba.

Malungkot ako ngayon kaya binuksan ko ang YouTube at nanood ng mga videos ng takipsilim. Tangina, sinungaling ka. Mas napahagulhol ako habang pinapanood ang takipsilim dahil puta, naalala kita. Sana parang takipsilim ka na lang. Para kampante ako na kahit aalis ka, alam kong babalik at babalik ka.

Pero, hindi ka.

--

--

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
One ShotsWhere stories live. Discover now