Alam Kong Mali

142 25 5
                                    

6/30/2017

A spoken word poetry piece.

--

Magsimula tayo sa noong unang kita ko palang sa 'yo. Pagpasok ko pa lang, nakita ko agad ang ngiti mo. Walang malay akong nahulog sa ngiting iyon. Habang tumatagal mas napapansin ko ang presensya mo. Masayahin, matulungin, malambing, maalaga, sino ba ang taong hindi mahuhulog sa 'yo? Oo, nahulog ako sa 'yo. Nagkagusto. At hindi ko na iyon napigilan. Gusto ko man itong pigilan pero huli na ang lahat. Gabi-gabi ikaw ang laging nasa isip ko. Totoong hindi ako nakakatulog. Totoong bigla na lang akong umiiyak. Sino ba naman kasi ang hindi naiiyak sa sitwasyon ko? Mahal kita, alam ko 'yon pero itong damdamin na 'to ay pilit kong nilalayo. Pilit kong tinatanggal. Dahil hindi pwede. Hindi pwede dahil may nobyo na ako.

Alam ko na hindi tama ang ginagawa ko. Hindi tama na magkagusto ka sa ibang tao tapos may nobyo ka na sinasabihan mo ng "mahal kita". Alam kong mali. Alam ko dahil yun ang nakikita ko sa mga teleserye, sa mga pelikula. Oo mali, pero may magagawa ba ako? Dahil kung meron man, sabihin mo sa akin dahil walang pag-aalinlangan ko yung gagawin. Kung may makakapigil man nitong nararamdaman ko ngayon, sabihin mo dahil handa akong sumugal. Sabihin mo dahil napapagod na akong itago 'to.

Ito na nga. Ito na nga yung kinakatakutan ko. Mas napalapit ako sa 'yo. May galit yata sa akin ang tadhana dahil kahit anong iwas ko sa 'yo, panay lapit ka naman. Hindi ko na yata mapigilan ang damdamin ko kaya wala sa isip kong sinabi sa 'yo na mahal kita. Mahal kita! Mahal na mahal kita at ulit, alam kong mali ang ginawa ko. Mali na sinabi ko sa 'yo na mahal kita. Akala ko lalayo ka pero hindi ka lumayo. Mas lumapit ka at lalo akong nawalan ng hininga. Gago ka ba? Ba't ayaw mong lumayo? Alam mo na may nagmamay-ari na sa akin pero bakit tintrato mo ako ng ganito? Pinangingiti mo ako, pinapatawa mo ako, pinupunasan mo ang mga luha ko, niyayakap mo ako kapag malungkot ako, lagi kang nandiyan. Bakit ka laging nandiyan? Bakit mo ako pinapayagan na mas lalong mahulog sa 'yo? Bakit hindi kita magawang layuan? Bakit malungkot ang araw ko kapag hindi kita nakausap? Bakit masaya ang puso ko kapag nakikita kita? Bakit ko hinahayaan ang sarili kong mahulog sa 'yo kahit alam kong mali?

Halos isang taon ko ring ginusto na lumayo ka sa akin. Pero ginusto ko ba talagang lumayo ka? Isang araw nakausap ko yung kaibigan mo. Sinampal niya sa akin ang katotohanan. Sabi niya sa akin, "Bakit mo siya hinahayaang tratuhin ka na parang kayo? Walang kayo. Sabihin mo sa kanya ng harap-harapan na dapat hindi ka niya tinatrato na para bang nobya ka niya. Lumayo ka at hayaan mo siyang lumayo sa 'yo." Doon ko lang napagtanto na hindi ko pala gustong lumayo ka sa akin. Walang pagkakataon na sinabi ko sa iyo na lumayo ka. Kahit panay sabi ng utak ko na gusto kitang lumayo, iba naman ang sinasabi ng puso ko.

Ginawa ko. Ginawa ko yung sinabi ng kaibigan mo. Sinabi ko sa iyo ng harap-harapan na lumayo ka sa akin. Sinabi ko sa iyo na hindi mo dapat ako tinatrato na para bang mayroong tayo dahil sa umpisa pa lang walang tayo. Kailanman hindi magiging tayo. Dahil may nagmamay-ari na sa akin at hindi iyon tama. Sa totoo lang noong sinabi ko sa 'yo 'yon, parang lihim na sumisigaw ang puso ko na pigilan mo ako. Lihim na sumisigaw ang puso ko na huwag kang lumayo. Pero nabigla ako nung pumayag ka at tuluyan nang lumayo.

Kinabukasan, hindi mo na ako binati. Hindi mo na ako kinukulit. Hindi mo na ako tinatabihan. Hindi mo na tinatanong kung bakit tahimik ako. Hindi mo na ako pinapasaya sa tuwing malungkot ako. Natapos ang araw at hindi pa rin tayo nagpansinan. Inakala ko na sa susunod na araw ay babalik sa dati ang lahat pero ganoon pa rin. Dalawang araw, tatlong araw, hanggang sa isang linggo na ang lumipas, ganoon pa rin.

Bakit masakit? Masakit dahil nakikita kong okay ka lang. Masakit dahil naging madali lang para sa 'yo na iwasan ako. Masakit dahil namimiss kita. Tinaboy kita palayo para mawala na itong nararamdaman ko para sa 'yo. Pero palagi pa rin kitang sinusulyapan at palagi ko ring natatanaw ang mga ngiti mo, ang mga ngiti mo na naging dahilan kung bakit ako nahulog sa 'yo. Paano mo nagagawang ngumiti? Paano mo nagagawang ngumiti habang ako'y nasasaktan? Paano mo nagagawang umarte na parang wala tayong pinagsamahan? Pakiusap. Huwag kang ngumiti. Huwag kang ngumiti dahil sa tuwing nakikita kitang ngumingiti, nahuhulog ako ng paulit-ulit ulit sa 'yo. Kaya pakiusap huwag kang ngumiti.

Hindi ko na alam kung paano ko titigilan itong mali ko. Sinusubukan ko naman. Sinusubukan kong hindi maghanap sa 'yo sa maraming tao. Sinusubukan kong hindi ka isipin tuwing gabi. Sinusubukan kong huwag magnakaw-tingin sa 'yo. Sinusubukan kong hindi na muling mahulog sa mga ngiti mo. Sinusubukan ko, maniwala ka. Pero hindi pa rin nakikinig ang puso ko. Kahit ilang beses mo pa akong sigawan na mali 'tong nararamdaman ko, bingi 'tong puso ko. Alam kong mali, pero hindi alam ng puso ko.

--

--

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
One ShotsWhere stories live. Discover now