Wattpad Original
Mayroong 9 pang mga libreng parte

7-Boy In Love

55.6K 1.6K 50
                                    

Chapter Six

"HINDI ka ba kakain?" tanong ni Walter nang matapos maghain ay tumalikod na si Annika at nagtungo sa sala.

"Sasabayan ko na lang si Sammy. Natutulog pa siya," malamig pa sa yelong sagot nito.

Marahang napabuga ng hangin ang binata saka naupo. Maaga ang pasok niya sa araw na iyon. Hindi niya gustong umalis nang hindi sila nagkakaayos ni Annika. Pero hindi niya alam kung paanong magsisimulang humingi rito ng dispensa.

Ang tanga-tanga mo naman kasi, asik ni Walter sa sarili.

Pinilit ni Walter ang sariling kumain. Nagtitipid siya kaya naman bago umalis ng bahay ay tinitiyak niyang full pack ang tiyan niya. Kaya lang paano naman siyang magpapakabusog kung ganoong wala siyang kagana-ganang kumain?

Pero may exam siya. Hindi siya puwedeng pumasok nang walang laman ang sikmura. Napahinga siya nang malalim saka nagsimulang sumubo. Nguya. Lunok. Inom ng tubig. Kahit halos hindi nalalasahan ang kinakain ay nagpatuloy lang siya.

Kailangan niyang mag-pokus sa exam niya. Mamaya na lang pag-uwi niya poproblemahin si Annika. Walang mangyayari kung pagsasabay-sabayin niyang isipin ang lahat.

"Aalis na ako," paalam ni Walter kay Annika.

Hindi ito nagsalita o tumingin man lang sa kanya. Napabuntong-hininga na lang ulit ang binata. Hindi na siya nag-review kagaya ng madalas niyang gawin habang lulan ng jeep papuntang school. Sigurado siyang wala rin namang papasok sa utak niya dahil okupado iyon ni Annika.

Pagdating ng unibersidad ay kanya-kanyang tanong ang mga kaklase niya kung sino ang nag-review. Kanya-kanyang hanap na rin ang mga ito ng makokopyahan. Walang pakialam na naupo lang si Walter sa isang sulok.

Nang magsimula ang exam ay tahimik lang na sinagutan ni Walter ang pagsusulit. Hindi na importante sa kanya kung mataas o mababa ang makuhang grade. Gusto niyang matapos nang mabilis ang exam sa buong maghapong 'yon para makauwi na siya. Hindi na rin muna siya papasok sa trabaho. Hindi siya mapapakali hangga't hindi niya naaayos ang gusot sa pagitan nila ni Annika.

"Walter, hindi ka papasok?" tawag ni Sachi, kaklase niya ito at kasamahan din sa trabaho.

"Hindi, eh. Pakisabi na lang kay manager na sumama ang tiyan ko," tinutop pa ni Walter ang sikmura para mas magmukhang convincing ang alibi niya.

"Ah, gano'n ba? Kaya pala parang alumpihit ka kanina."

"Sige, 'tol. Baka dito pa ako magkalat."

"Sige, ingat."

Nagmamadaling kinawayan na niya si Sachi. Nag-aabang na siya ng jeep nang bumuhos ang malakas na ulan.

Bad trip naman.

Naalala niyang tingnan ang kanyang cellphone.

Putsa, dead bat pa. Dahil sa nangyari kagabi ay nakaligtaan niyang i-charge bago matulog.

Nang may dumaang jeep ay kaagad niyang pinara iyon at sumakay. Mabuti na lamang at kahit malakas ang ulan ay mabilis ang kanyang naging biyahe. Palibhasa patay na oras, walang trapik. Kung hindi siya umuwi nang maaga pihadong maiipit siya mamaya sa trapik lalo at mukhang walang balak na humina ang buhos ng ulan.

Pagdating ni Walter ng bahay ay nagtaka siya nang makitang saradong-sarado iyon.

"Annika?" Kumatok siya pero walang sumasagot.

Siguro'y tulog o ayaw lang siyang pagbuksan ng pinto. Napapabuntong-hiningang inilabas niya ang sariling susi at binuksan ang pinto. Medyo madilim na ang loob ng bahay. Binuksan niya ang ilaw bago dumiretso sa kuwarto. Inaasahan niyang nagsi-siesta ang magtiya kaya walang sumalubong sa kanya. Pero natilihan siya nang hindi makita sina Samantha at Annika.

The Heiress and the PauperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon