DALAWANG linggo mula nang dumating sa Pilipinas ang magtiya ay nagawan na agad ng paraan ni Emma ang pagtungo ni Janine sa mga Cordero. On the third week ay nakahanda na ang dalaga sa pagtungo sa Lucban bilang isang estudyante at gumagawa ng agricultural thesis.
Ang manager ng bangko sa Lucban branch ay kaibigan ng mga Cordero at sa pamamagitan nito'y sa mismong bahay ng mga Cordero tutuloy si Janine bilang guest sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.
"Kailangan ko bang gumamit ng sasakyan, Tita?" tanong niya sa tiyahin habang pumapasok sa kotse. "Hindi kaya maghinala ang mga Cordero sa akin na baka hindi ako isang ordinaryong estudyante?"
"Uso na ngayon sa middle-income family ang may sariling sasakyan out of necessity, hija. At ang Charade na iyan na bukod sa maliit ay segunda mano pa." nasa mukha nito ang distaste habang hinagod ng tingin ang lumang kotse. Kung ito ang masusunod ay hindi nito papayagan si Janine na mag-drive ng ganoon kaliit at lumang sasakyan. May palagay siyang unsafe ang kotse para sa pamangkin.
Ipinapasok ni Janine ang susi sa ignition nang muling magsalita si Emma. "Remember Allie, Janine? Ang nakatagpo natin sa airport sa LA, noong araw na pauwi tayo sa Pilipinas?"
"Yeah, what about her?"
"Ngayon ko lang naalala, hija, na sa Lucban din pala nakatira ngayon ang batang iyon since she married that farmer."
Nahinto sa pagpihit ng susi si Janine at tumingala sa tiyahin. "You don't think I'll meet Allie there by chance, do you?"
"Oh, I don't think so. Knowing Allie, magtatagal iyon sa Amerika. At kung sakali mang bumalik sila agad ay malaki naman ang Lucban. Chances are, malayo ito sa Falcon Farm."
"'Falcon Farm'?"
"Allie's husband owns the farm, the only consolation about the marriage," she said in a dry tone. "Hindi ko masyadong kabisado ang istorya. We were in the States when Leila's daughter married that farmer secretly." matiim nitong tinitigan ang pamangkin with a warning in her eyes. "Though I doubt kung may mapagtutuunan ka ng pansin sa bundok na pupuntahan mo, still I'm warning you. No hanky-panky, Janine. Huwag kang magkakamaling pumatol sa kung sino mang magpapalipad-hanging mga magbubukid doon."
Hindi na kumibo si Janine. Isinara ang pinto ng segunda manong kotse na binili ni Emma para lang sa lakad niyang ito. Binuhay ang makina at iniatras palabas ng garahe.
HINDI niya matandaan kung saang bayan nagsimulang umulan na nauwi sa mahinang tikatik nang makarating siya sa Lucban. And she thought na hindi naman pala gaanong probinsiya ang town proper. At mula roon ay ipinagtanong niya kung paano siya makararating sa bahay ng mga Cordero.
Isang maliit at nagpuputik na daan ang nilikuan niya. Parang pagong sa bagal ang pagtakbo ng kotse na hindi pa yata pumapalo sa 10 milyahe. Makitid ang daan na napapaligiran ng walang katapusang hilera ng mga puno ng niyog. Kulay-pula ang malagkit at basang lupa na sa pakiwari'y mababaon ang gulong niya anumang oras. Ang malalaking lubak ay puno ng tubig gawa ng ulan marahil.
"Ano ba naman kasi itong nadaanan ko?" usal niya. Iniisip kung nagkamali siya ng daan.
Ang sabi ng napagtanungan niya'y makakakita siya ng arkong may nakasulat na "Falcon Farm" at kasunod na nito ang lupain ng mga Cordero. Muntik na niyang ibalik ang kotse nang marinig ang Falcon Farm. Sa lahat naman ng lupaing maaaring magkalapit ay ang Falcon Farm pa ang malapit sa mga Cordero. Pero determinado siyang makita ang ina at nakaalis na siya ng Lucban bago pa man makabalik sa Pilipinas si Allie at ang asawa nito.
BINABASA MO ANG
Pangako (Published by Precious Hearts Romances) (Completed)
RomancePangako by Martha Cecilia Published by PHR