Chapter Four

37.1K 799 15
                                    


"I—I AM sorry, I look like a mess," aniya sa harap ng mag-asawang Cordero. Sinikap na huwag mahalata ang matinding kabang nararamdaman sa paghaharap nilang ito ng babaeng nagluwal sa kanya sa mundong ito.

Sa hindi obvious na paraan ay pasulyap na tinitigan ni Janine si Consuelo. May ilang hibla ng buhok na kulay-puti na. Sa kabila ng mga gatla sa noo at sa sulok ng mga mata'y mababakas pa rin ang kagandahan. At matanda lang marahil sa Tita Emma niya nang tatlong taon.

"Bakit basa ka, hija, at paano kang nakarating dito nang walang sasakyan?" Si Anselmo Cordero na sandali siyang hinagod ng tingin at saka nag-utos sa katulong ng mainit na kape.

"N-na-stranded ho ako sa ulanan dahil na— nalubak ang kotse ko sa daan..." at nagkataong nakatagpo ako ng isang bastos at walang modong lalaki dito sa inyong lugar, bulong ng dalaga.

"We aren't expecting you to come today dahil nga sa medyo masama ang panahon. Aba'y tatlong araw na iyang tikatik na iyan," ani Anselmo na nilinga pa ang labas. Si Consuelo ay tahimik at nakatitig din kay Janine na tila siya pinag-aaralan.

"Hindi ho umuulan sa Maynila nang umalis ako," aniya na sinamahan ng ngiti at muling sinulyapan ang ina. Alam niyang hindi siya kilala nito pero hindi niya maiwasang hindi kabahan at siya na rin mismo ang umiiwas ng tingin tuwing magkakasalubong ang mga mata nila.

"How long will you stay here, Miss de Gracia?" si Consuelo na nagsalita sa unang pagkakataon.

"D-depende ho sa thesis ko," sagot niya na nag-angat ng tingin sa ina. "If I will be able to finish it in a few days time, then I guess—"

"You're very much welcome here as a guest, hija," agap ni Anselmo. "And don't worry about your car, mag-uutos ako ng tao na kukuha niyon."

"Salamat po." isang ngiti ang pinakawalan niya sa matandang lalaki sa mainit nitong pagtanggap sa kanya.

"Samahan mo na siya sa guest room, Consuelo," utos ni Anselmo sa asawa na kumilos sa kinauupuan. "Pagkaayos mo'y lumabas ka, hija, at nang makakain ka ng tanghalian. Malamang na nagugutom ka na."

PALABAS siya ng guest room nang marinig ang pagtatalo sa kabahayan. Dumating na marahil ang anak ng mag-asawang Cordero.

"Bakit ngayon ka lang, Karla?" galit na salubong ni Anselmo sa anak. "Umaga pa lang ay wala ka na, lubog na ang araw."

"C'mon, Papa, I'm twenty-seven. Sa edad ko ba namang ito ay dapat mo pang—"

"You're right," putol ni Anselmo. "At sa edad mo ay dapat na nag-aasawa ka na ng matino. Isa pa, bakit hindi mo papanhikin dito iyang boyfriend mo at nang hindi kayo kung saan-saan nagtatagpo!"

"Anselmo, please," si Mrs. Cordero na namagitan sa asawa't anak. "May kasama na tayo sa bahay na ito para pagalitan mo nang ganyan ang anak mo."

Nagsindi ng sigarilyo si Karla at pagkatapos magbuga ng usok ay nilingon ang ama. "Don't worry, Papa. Malapit na akong mag-asawa at sa pagkakataong ito, natitiyak kong wala kang masasabi."

"Dapat naman," galit na sagot ng matandang lalaki. "Hindi ka bumabata. I married your mother when she was eighteen."

"Kung may bisita'y hindi tayo dapat magtalo, Papa," ani Karla na tinalikuran ang ama at lumakad patungo sa hagdan. Nahinto nang makita si Janine na isinasara ang pinto sa guest room.

"Ikaw ang estudyante na inirekomenda ni Fred?" wika nito na hinagod ng tingin ang loose shirt at jeans niya.

"Ako si 'Janine.' 'Janine de G—'"

"Welcome to Cordero Farm, Janine," agap nito, sabay panhik sa hagdan.

Naiwan siyang sinusundan ng tingin si Karla sa pagkamangha niya. Stunningly beautiful. Reddish brown hair na natitiyak niyang courtesy ng mga dye. Pero bumagay rito. Voluptuous body at dibdib na tatabi ang centerfold ng Playboy magazine. At nakadama siya ng insekyuridad sa sariling katawan pagkakita sa stepsister.

At gusto niyang sundan ito at sabihing magkapatid sila sa ina. And that she wanted so much to talk to her, share anything with her, that all her life pinangarap niyang magkaroon ng kapatid na babae. She sighed. Paano mangyayari iyon gayong isang malaking gulo kapag nalaman ng mga itong anak siya ni Consuelo?

Pangako (Published by Precious Hearts Romances) (Completed)Where stories live. Discover now