Chapter Fifteen

44K 917 41
                                    


"PERO akala ko ba'y alam mong nasa bahay si Kathleen at naglalaro?" naguguluhang tanong ni Janine kay Jake.

Huminga nang malalim ang lalaki bago sumagot. "Tinanong ko si Kathleen kanina at sa pagkakaintindi ko sa kuwento niya'y nadaanan siyang naglalaro ng Papa Ansel sa niyugan. Isinakay at isinama dito. When I asked her how she got home, she said she ran. She probably did at may palagay akong nadaanan siya ng isa sa mga tauhan at iniuwi. Hindi niya kayang takbuhin pauwi ang kabilang bahay. I'll inquire about that later."

"Iyan ang narinig kong sinabi ni Karla noong araw na m-magpakamatay siya..." agaw ni Consuelo. Muling nabalik dito ang tingin ng dalawa. "Hindi maawat ni Anselmo si Karla sa ginagawa nito pero ang makitang sa mismong kubo naroon ang dalawa'y nag-umalpas ang galit ng asawa ko. Pinanhik ang mga ito sa kubo at hinampas ng baston si Al na gumanti at itinulak si Anselmo sa hagdan..."

Lumong-lumo si Janine sa mga narinig. Karla and Al were lovers! At natitiyak niyang hindi iyon lingid kay Jake. Itinakip niya ang kamay sa bibig to suppress any sound that would come out from her throat. Gusto niyang takbuhin ang banyo sa sandaling iyon sa biglang pangangasim ng sikmura. Pinisil ni Jake ang kabilang balikat niya.

"Noong araw na mamatay si Karla ay narito si Al. Nasa guest room sila," patuloy ni Consuelo na kinagat ang ibabang labi. "Ikinalulungkot kong nagamit ang bahay na ito sa pagtatagpo ng dalawa, Jake. At alam kong alam mo iyon. Subalit wala akong magawa para awatin si Karla na malayang dalhin si Al dito mula nang mamatay ang papa niya." hindi sumagot si Jake. Walang kababasahang anumang ekspresyon sa mukha. Si Janine ay nanatiling nakamata sa ina. Hindi na natitiyak kung ano ang mararamdaman sa sandaling iyon.

"Kararating ko lang galing ng bayan nang araw na mangyari iyon at marahil ay inakala ng dalawa na magtatagal ako. Nang makita ko sa harap ng bahay ang jeep ni Al ay agad kong inutusan ang katulong upang malingid dito ang pagtatagpo nila sa sarili kong pamamahay. Tulad ng lagi kong ginagawa tuwing naririto sila. Naririnig kong sumisigaw sa galit si Karla. Pinaglalaruan lamang daw siya nito. Na hindi naman daw nito gustong hiwalayan ang asawa. And she accussed him of ruining her life, her daughter's. Blaming him for his father's death and how Kathleen had witnessed it." Suminghot ito at inabot ang tissue sa side table at ipinahid sa mga mata.

"Hindi mo kayang isipin ang shock na nadama ko sa oras na iyon, Jake." tumingala ito sa manugang whose face remained passive. "Pumasok ako sa silid at galit na hinarap ang dalawa. I striked Al with my bare hands and he pushed me. Isinigaw na aksidente ang lahat. Natumba ako sa sahig sa pagtulak na iyon. Sa kabila ng lahat, nakita ko ang galit sa mukha ni Karla sa ginawang iyon ni Al. Mula sa drawer ay inilabas niya ang baril at itinuon kay Al Guenias..." sunod-sunod ang paghinga ng matanda sa bahaging iyon. Ang sindak sa lumipas na tagpo ay tila bumabalik sa isip.

"Please, maaari ninyong ipagpaliban ang—"

"I don't want to die na taglay ang mga iyan sa hukay, Janine," awat ni Consuelo sa pagnanais niyang huminto ito sa pagsasalita. "Muntik ka nang mapahamak gayong wala kang kinalaman dito. Noong una pa lang na maabutan mo si Al dito ay itinanong na niya sa akin kung ano ang kaugnayan ko sa iyo. He was interested with you." tumingala uli ito kay Jake na sa pagkakataong iyon ay gumalaw ang mga muscle sa mukha at tumalim ang mga mata.

"A-ano ang nangyari nang tutukan ng baril ni Karla si Al?" si Janine na hindi gustong maiba ang daloy ng pagkukuwento ng matanda.

"She was crying hysterically. Doon ko rin nalaman na ang bahagi ng lupang pilit hiningi sa akin ni Karla ay naipagbili na at ang pinagbilhan ay nilustay lang nilang dalawa sa sugal sa Maynila. Ang isang dahilan kung bakit nagagalit si Karla sa ama ay dahil malaking bahagi ng lupa ang inilipat ni Anselmo sa pangalan ni Kathleen kaya nanatili siyang tahimik sa pagkamatay ng papa niya. Maliban pa sa mahusay na pagpaliwanag ni Al na aksidente at self-defense ang nangyari."

Pangako (Published by Precious Hearts Romances) (Completed)Onde histórias criam vida. Descubra agora