Chapter Eight

37.4K 859 25
                                    


PAUWI na mula sa regular niyang pagtakbo si Janine. Hindi niya nakasabay si Jake nang umagang iyon dahil nagpaalam itong luluwas nang maaga at may kakausaping tao. Kaya naman iniksian na lang niya ang oras ng pagtakbo at umuwi na agad.

Malapit na siya sa bahay nang matanawan ang Renegade nito na nakaparada sa harap. Napangiti siya at binilisan ang takbo pauwi. Hindi marahil natuloy ang binatang lumuwas. Nasa harap na siya ng balkon nang marinig ang hindi-kalakasang tugtog mula sa component. Slow rock. Palatandaang gising na si Karla.

Tuloy-tuloy siya sa pagpasok nang maudlot ang paghakbang sa may bungad. Sa gitna ng kabahayan ay naroon sina Jake at Karla, magkayakap! At dahil hindi naman kalakasan ang musika ay naririnig niyang humihikbi si Karla. Ganoon din ang sinasabi nito.

"Mangako kang hindi mo ako pababayaan, Jake," pahikbing sinabi nito.

"Nangangako ako, Karla. Mamayang gabi ay kakausapin ko ang papa't mama mo."

Biglang napaatras sa may pinto si Karla. Hindi niya matiyak sa sarili kung bibigyan niya ng malisya ang nakita sa dalawa. Marahil ay may personal lang na pinag-uusapan. Muli siyang sumilip at tumikhim upang ipaalam na naroon na siya nang makita niyang naghahalikan na ang dalawa!

Hindi niya matiyak kung napalakas ang hugot niya nang paghinga dahil nakita niyang natanaw siya ng kapatid. Agad siyang muling kumubli sa pinto. Pinanginigan ng mga tuhod.

Kung paano siyang muling nakabalik sa pagtakbo ay hindi niya alam. Ang nasa isip ay makalayo ng lugar na iyon. Nang mapagod ay itinukod ang dalawang kamay sa mga tuhod at abot-abot ang hingal. Pagkatapos ay ibinagsak ang sarili sa damuhan.

Gusto niyang umiyak pero walang luhang lumabas.

Ano ba ang dapat niyang isipin? Sa bansang pinanggalingan niya'y ordinaryo ang halikan sa magkakaibigan. Pero hindi ordinaryo ang halikang nasaksihan niya sa dalawa. At hindi Amerika ito.

Pinaglalaruan ba ni Jake silang magkapatid? Bakit kailangang magsinungaling ni Jake sa kanya na may kakausapin itong tao iyon pala ay pupunta sa bahay nang wala siya? Pinuno niya ng hangin ang dibdib upang gumaan ang dibdib. It hurt so much na pakiramdam niya'y namamanhid ang mga kalamnan niya.

ISANG oras ang pinalipas niya bago muling bumalik sa bahay. Lito pa rin ang isip bagaman kalmante na. She's a fair woman and she intended to approach Jake at marinig ang side nito sa nasaksihan niya.

Dere-deretso siya sa silid niya. Nasa akto siyang naghuhubad ng jogging shirt nang bumukas ang pinto at pumasok si Karla.

"Hindi ka kumakatok," akusa niya rito sa pormal na tono.

"Nasa akin lahat ang karapatan dahil bahay namin ito," sagot ng babae na nakataas ang mukha.

"G-ganito ba ninyo tinatrato ang mga bisita ninyo?"

"Isa kang unwanted guest. Isang hindi matanggihang bisita."

Walang maisagot si Janine doon. She cleared her throat. "W-what do you want?"

"So, nakita mo kami ni Jake kanina." kumpirmasyon iyon kaysa tanong. "Alam kong nahuhulog ang loob mo kay Jake, Janine. At mabuti na ring nakita mo kaming dalawa nang maputol na anuman ang damdamin mayroon ka sa boyfriend ko."

Doon niya sinalubong ang titig ni Karla. "B-boyfriend?"

"Narinig mo ako. Bago ka dumating ay may hindi kami pinagkasunduan ni Jake. Lover's quarrel, nagseselos siya. At nagkataong dumating ka kaya naging madali rin para sa kanyang pagselosin ako..."

Pangako (Published by Precious Hearts Romances) (Completed)Where stories live. Discover now