Chapter Fourteen

42.2K 844 24
                                    



GINUGOL ni Janine ang umaga sa pagtatawag sa mga kaibigan at tiyahin sa Maynila. Si Emma ay ibinalita na hinahanap siya ng manager niya para sa isang show sa Europe.

"At siyanga pala, hija, ibinigay ko kay Matt kagabi ang address mo diyan. He had been waiting for you to come back at nainip na iyong tao. Sinabi niya sa aking nagkatampuhan kayo bago ka umalis patungo diyan. At hindi ka man lang daw tumatawag sa kanya. Are you really alright?" tuloy-tuloy na sinabi ni Emma.

"I'm okay, Tita Emma, don't worry and I promise to be home by the end of this month." kahit siya'y hindi matiyak kung magagawa nga niyang makauwi sa katapusan ng buwan at nahuhulaan ni Emma iyon.

Pagkababa niya ng telepono'y muli iyong nag-ring. Agad niya iyong dinampot. "Hello... Asuncion?" ang nurse ni Consuelo at agad siyang kinabahan. "May—nangyari ba, Asuncion?"

"Naku, wala, Miss del Castillo," sagot ng nurse na nagpakalma sa dibdib ni Janine. "Baka lang kasi nakalimutan mong Sabado ngayon at—"

"Oh, dear!" agap niya at napatingala. Tuwing Sabado ang usapan nila ng nurse na day-off nito at nawala sa isip niya iyon. "Naku, kalahati na ng araw ang nawala, Asuncion." at marahil ay kanina pa tumatawag ang pobre pero matagal niyang gamit ang telepono. "I'll be there in thirty minutes. And Asuncion, I wouldn't mind kung bukas ka na ng umaga bumalik to compensate the lost hours," pahabol niya bago ibinaba ang telepono.

Nagmamadaling nagbihis ang dalaga at pagkatapos ay lumabas nang makasalubong si Nana Rosa.

"Gusto mo na bang kumain, Janine?"

"Sa kabilang bahay na kami kakain ni Kathleen dahil day-off ngayon ni Asuncion, Nana Rosa. Nalimutan ko nga po. Pakisabi kay Jake, mayamaya lang ay narito na iyon. Nasaan nga po pala si Kathleen?"

"Ku, baka pinaliliguan na naman ang mga manyika niya," wika ng matanda na muling lumakad patungo sa hagdan at bumaba.

Si Kathleen ay tinungo ang dulo ng pasilyo kung saan may common toilet and bath. Bukas ang pinto at akmang tatawagin ang bata nang may marinig. Maingat na lumapit si Janine at sinikap na huwag makagawa ng ingay at sumilip. Nanlaki ang mga mata niya sa narinig at nakita.

"I'll shampoo your hair. May blood, eh..." wika ng bata na itinuwad ang malaking bote ng shampoo at ibinuhos sa ulo ng manyika na kulay pula. Sa tabi ay nakita niya ang isang bote ng Betadine na marahil ay ginamit ni Kathleen para kulayan ang buhok ng manyika. Nagsasalita si Kathleen! Normal na nagsasalita!

"Wala nang blood, I'll wash your—" nahinto ito sa pagsasalita nang marinig ang singhap ni Janine at lumingon. Agad na nagsara ng bibig ang bata.

"Kathleen," Janine whispered softly at dahan-dahang lumapit sa bata. Inangat ni Janine si Kathleen at ipinaharap sa kanya. "Please, sweetheart, don't be afraid to talk to me. It will be alright."

Sa panlulumo niya'y hindi na muling kumibo si Kathleen at ipinagpatuloy ang pagbasa sa ulo ng manyika. Kahit nang binibihisan niya ang bata'y kinakausap niya nang kaswal sa pag-asang sagutin siya nito subalit nanatili itong tahimik.

Hanggang sa tumatakbo na ang sasakyan ay nakikipag-usap siya rito subalit hindi siya pinapansin. Lumuhod ito sa upuan ng kotse at nilinga ang buong paligid.

Pakanan na siya sa daang patungo sa Cordero Farm nang sabihang maupo nang maayos ang bata. Nang sumunod ito'y binilisan niya ang pagpapatakbo dahil tanghali na at nakakahiya kay Asuncion. Hindi niya napuna ang owner-jeep sa may kabilang bahagi ng daan, mga isandaang metro ang layo mula sa kanya at patungo sa bahay ni Jake.

Pangako (Published by Precious Hearts Romances) (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon