PROLOGUE

12.4K 174 7
                                    


April 14, 2014
Queen Starline

"Let us all give a round of applause to the newly-weds, Mr. and Mrs. Harlan Miguel Dela Riva!" Pagkabanggit ng emcee sa reception ay sabay-sabay na tumayo at nagpalakpakan ang mga bisita.

Bumukas ang main door ng Grand Ballroom at pumasok ang bagong kasal na sina Harlan at Isabelle, magkahawak-kamay at kumakaway sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Para bang hindi magkamayaw ang dalawa sa sobrang kasiyahan dahil dumating din ang pinakahihintay nilang sandali, at iyon ay ang makasama ang isa't isa habang buhay.

Naupo ang mag-asawa sa velvet couch na inihanda para sa kanilang picture-taking. Kaharap nito ay ang halos isang daang bisita na magkakasalo sa mga eleganteng mesa at silya ng bulwagan. Sa kanan ng velvet couch ay ang presidential table kung saan nakaupo ang pamilya ng mag-asawa at ang mga principal sponsors. Sa kaliwa naman ay nakahain ang five-tiered wedding cake, chocolate fountain, at dalawang bote ng alak.

Ito ang pinakaunang engrandeng kasal na ginanap sa Dela Riva Cruise Lines at siyang itinuring na pioneer event ng nasabing barko sa taong iyon. Ang seremonya ay naganap sakto sa paglubog ng araw sa may upper deck. Punung-puno ng red tulips, yellow chrysanthemums, pink roses at white daisies ang buong upper deck hanggang sa Grand Ballroom kung saan ginaganap ang reception. Sa gitna ng bulwagan ay isang maliit na fountain na napaligiran din ng multiple flower garlands.

Bumuntong-hininga si Daisy habang inililibot ang tingin sa buong lugar lalung-lalo na sa mga inayos niyang mga bulaklak. Napangiti rin siya nang makita ang bouquet of red tulips at white daisies na dala ng bride. Ipinagmalaki niya sa sarili ang ginawang masterpiece ilang oras bago ikinasal ang dalawa.

Lubos na hinangaan ni Daisy ang bride. Napakaganda ng trahe de boda na suot niya at para siyang nagniningning na kristal dala ng mga brilyante at sequins na idinisenyo sa kanyang damit. Masalimuot ang pagkakaayos ng kanyang buhok at perpekto ang pagkakalagay ng puting headdress dito. Lalo pang kahali-halina si Isabelle dahil sa kanyang matamis na ngiti at nagkikislapang mga mata.

Napakaganda niya, sabi ni Daisy sa sarili. Sana ganyan din ako kapag ikinasal na ako sa lalaking itinadhana ng Diyos para sa akin.

Napansin ni Daisy ang pagbulong ni Isabelle sa kanyang asawa, ang marahang pagtayo at paglakad niya palabas ng Grand Ballroom kasama ang kanyang maid-of-honor. Napaisip siya. Siguro ay pupunta siya sa powder room para mag-retouch.

Napabalikwas siya nang biglang may humawak sa kanyang siko. "Ate Daisy, kumain ka na ba?" tanong ni Samantha, isa sa mga bridesmaids at bunsong kapatid ng groom.
"Ah...eh... hindi pa eh," nahihiyang sagot ni Daisy sa magandang dalaga.

Ngumiti si Samantha at marahang hinatak si Daisy patungo sa Table 7 kung saan nakaupo ang ilan niyang mga kaibigan. "Tara na kumain na tayo, Ate Daisy. Bawal mahiya," pabirong paalala niya.

Natawa si Daisy at parang batang sinundan si Samantha patungo sa grupong nagtatawanan at nagkukwentuhan sa Table 7. "Ipapakilala kita sa kanila. Hindi matatapos ang gabing ito na wala kang bagong kakilala, Ate Daisy," aniya habang mahigpit na hinahawakan ang kaliwang kamay ni Daisy.

"Guys, I would like you to meet our official florist for this event," sandaling huminto si Samantha sa pagsasalita upang makuha ang atensyon ng kanyang mga kaibigan, "Ms. Daisy Andrada."

"Hi Daisy..."

"Hello Daisy, pleased to meet you," sambit ng mga kaibigan ni Samantha habang ipinapakilala ang bawat isa sa kanila.

"Join us," alok ni Andrei, isa sa mga kaibigan ni Samantha, nang dahan-dahan niyang itinulak ang silyang nasa kanyang tabi.

"Thank you," nahihiyang tugon ni Daisy.

"Sam!"

Napatingin ang lahat sa direksyon ng boses. Palapit sa kanilang mesa ang groom.
"Kuya Lanz!" bulalas ni Samantha nang makita ang kapatid.

Halos tumigil ang mundo ni Daisy nang masulyapan ang pagngiti ni Lanz sa kanila. May natatanging tindig ang mayamang negosyante. Kagalang-galang din siyang tignan dahil sa itim na tuxedo niya na may maliit na corsage bilang accent. Naalala ni Daisy na isa rin iyon sa mga ginawa niya bukod sa bouquet ni Isabelle. Talagang kahanga-hanga si Lanz. Bagay na bagay siya sa kanyang napangasawa.

Nasamid si Daisy pagkatapos niyang uminom ng malamig na tubig nang bumaling ang tingin ni Lanz sa kanya.

Nanlambot siya sa higpit ng hawak niya nang makipagkamay siya. "Pleasure to meet you, Daisy."

Tumango na lamang siya na parang biglang naubusan ng sasabihin. Daisy, umayos ka nga. Para ka lang teenager kung humanga sa lalaki; sa may asawa pa talaga nabaling ang atensiyon mo, tahimik na paalala sa sarili.

"Thank you for coming to our wedding. Enjoy the night!" sambit ni Lanz at pagkatapos ay nagpaalam na sa kanilang grupo para magtungo sa susunod na mesa.

Ilang segundo matapos umalis si Lanz ay biglang umalingawngaw ang isang malakas na pagsabog. Napatayo ang karamihan sa mga bisita dahil sa pagkagulat. Napatigil sa pag-iikot at pagsisilbi ang mga waiters.

Muling niyanig ng pangalawang pagsabog ang Grand Ballroom. Tila nanggaling ito sa labas, mula sa mga private cabins.

Nagtakbuhan ang bawat isa patungo sa main door. May nagsisisigaw ng "Bomba! Bomba!" ngunit pakiwari ni Daisy ay wala na siyang naririnig nang mga sandaling iyon. Mabilis siyang nag-isip ng paraan para agad na makalabas. Dahil karamihan ay nagsiksikan sa main door, naghanap siya ng lusutan sa ibang sulok ng Grand Ballroom.

Ilang sandali pa ay umalingasaw ang nakamamatay at nakalalasong amoy. Isang maitim at makapal na usok ang pumalibot sa buong bulwagan.

Kinuha ni Daisy ang katabing silya upang basagin ang isang bintana na nag-aaninag sa upper deck ng barko. Dahan-dahan niyang inilusot ang sarili mula sa pira-pirasong bubog na natira sa nabasag na bintana. Pagkalabas dito ay kumaripas siya ng takbo patungo sa dulo ng upper deck nang sa gayon ay makasakay siya sa mga lifeboats na hinatak ng mga crew mula sa control room.

Sunud-sunod ang pagkalat ng apoy mula sa mga cabins at maging sa boiler room. Nagbagsakan ang mga haligi sa upper deck at isa-isang nabasag din ang mga bintana sa iba't-ibang sulok ng barko. Saglit na inilibot ni Daisy ang tingin sa paligid. Nag-iiyakan sa takot ang mga tao, nagtatakbuhan upang mailigtas ang kani-kaniyang sarili at nagtatatalon sa dagat ang mga katawang nasusunog. Ang masayang kasalan ay napalitan ng isang nakagigimbal na senaryo.

Pilit na pinigil ni Daisy ang pagluha. Nagpatuloy siya sa pagtakbo sa kabila ng magkahalong takot at kaba na kanyang nararamdaman, patungo sa kawalan.
Pero hindi niya narating ang dulo ng upper deck. Napasigaw siya nang bumagsak sa kanya ang napakalaking kahoy na arko kasama ang mga bulaklak na kanyang inayos bago ang kasal.
Para bang tumigil ang pag-ikot ng mundo. Sa isang iglap, nagdilim ang buong paligid.

Sa Agos ng Tadhana (Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon