Chapter 2

5.6K 107 7
                                    


Pakiramdam ni Daisy ay nabugbog ang kanyang katawan mula sa pagkakabagsak sa lapag ng upper deck. Ilang sandali pa'y may narinig siyang boses ng isang lalaking papalapit sa kanya.

"Miss, are you okay?" ang nag-aalalang tanong ng lalaki habang tinutulungan siyang makabangon at makatayo nang maayos.

Napalingon siya sa lalaki. "A...a..ayos lang ako. Medyo masakit lang kaunti ang mga kasu-kasuan ko pero...kaya ko naman. Kukunin ko sana ang mga bulaklak sa basket pero..."

"Pero na-out balance ka, tama ba? Sigurado ka bang okay ka lang? Wala ka bang bali o mga sugat?" pagpapatuloy ng lalaki habang sinusuri ang mga kamay at binti ni Daisy.

Biglang naubusan ng sasabihin si Daisy kaya napatango na lamang siya saka iniyuko ang ulo.

"Wala ka bang kasama ngayon dito?" muling tanong ng lalaki.

"Meron. Ang Ate Dahlia ko. Pero nasa loob pa siya ng Grand Ballroom. Nag-aayos para sa party ng mga Dela Riva ngayong gabi. Ako kasi ang nakatoka dito sa upper deck. Kailangan ko na itong matapos bago magsimula ang party..." ang sabi ni Daisy habang kinukuha ang mga bulaklak at laso sa basket.

"I see. Ako pala si Harlan Dela Riva. Lanz for short," pagpapakilala ng lalaki sa kanya.

Napatigil si Daisy sa ginagawa at napako ang tingin sa kanya nang makipag-daop palad siya sa binata. Isa palang Dela Riva ang nakakita sa kanya nang mahulog siya sa hagdan kanina!

Namula ang mga pisngi ni Daisy sa hiya, at pagkatapos ay humingi siya ng paumanhin. "Naku Sir, pasensiya na po kanina. Hindi ako nakapag-ingat..."

Nagkatitigan muli sila ng naturang lalaki ng ilang sandali. Pakiramdam ni Daisy ay nakita na niya si Lanz dati pa ngunit hindi niya lang maalala. Halos mapabalikwas siya nang kaswal na hinawakan muli ni Lanz ang kanyang mga kamay upang kunin sa kanya ang basket ng mga bulaklak, dahilan para maputol ang kanyang pahayag.

Ngumiti si Lanz saka siya pinaalalahanan, "Sa susunod kasi eh mag-iingat ka. Siyanga pala, pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" tanong ni Lanz.

"Daisy po, Sir. Daisy Andrada," pagpapakilala rin niya sa sarili.

"Please don't call me, Sir. Kahit Lanz na lang," sambit ng binata sa marahang tinig na parang pinipigilan ang pagtawa.

Harlan Dela Riva. Lanz. Bakit parang narinig ko na ang pangalang ito noon? At ang kanyang mga mata at kamay. Bakit parang natitigan at nahawakan na ako nang ganito dati?, ang sabi ni Daisy sa sarili.

At mukhang nabasa ni Lanz ang kanyang iniisip dahil nagtanong siyang muli, "Have we met before?"

Hindi alam ni Daisy ang isasagot. Ang totoo, pakiramdam niya ay nagkakilala na nga sila dati pa pero hindi niya lang matandaan. May mga bagay siya sa nakaraan na maaaring naibaon na sa limot. Tulad ng aksidente niya dalawang taon ang nakalilipas.

"Sorry, siguro may kamukha ka lang dati na nakilala ko or what. Anyway, kailangan mo ba ng tulong sa mga inaayos mong bulaklak?"

"Daisy!"

Napalingon si Daisy sa pinanggalingan ng boses at tumugon siya, "Ate Dahlia, nandito ako."

Lumapit ang nakatatandang kapatid sa kanya. "Naku, hindi ka pa pala tapos diyan..."

Mabilis na ipinaliwanag ni Lanz ang nangyari. "Aksidente siyang nahulog sa hagdan habang nag-aayos ng mga bulaklak. Buti na lang nandiyan ako kanina sa isang sulok ng deck. Nakita kong nakahandusay siya sa lapag kaya't tinulungan ko siyang makatayo."

Sa Agos ng Tadhana (Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now