Chapter 9

4.3K 88 7
                                    

Isang buwan ang lumipas pagkatapos ng huling pagkikita at pag-uusap nina Lanz at Daisy sa barko. Mukhang pinanindigan ni Lanz ang sinabing hahanapin na niya ang nawawalang asawa pagkatapos ng gabing iyon.

Ani Daisy, mas makakabuti na 'yong ganito. Ayokong makagulo sa pagsasama nilang dalawa ni Belle kung buhay pa nga talaga siya. Pilit niyang ipinapaalala sa sarili na ang anumang pinagsamahan nila ay mananatiling mga alaala na lang dahil ang lalaking pinakamamahal niya ay nakalaan na para sa iba.

Pero hindi niya maiwasang isipin si Lanz simula ng huli nilang pagkikita. Naaalala niya ang mga sandaling nagkausap sila sa phone, nagkuwentuhan at nagtawanan sa flower shop at namasyal sa Balay Kalinga. Higit sa lahat, naalala niya ang kanilang mainit na pinagsaluhan noong gabing iyon sa lounge ng barko; ang mga halik na halos lumunod sa kanyang katauhan.

Ang labi niya...ang bawat haplos niya sa pisngi, leeg, balikat at mga kamay ko... pakiramdam ko nagawa na iyon sa akin dati...pero 'di ko alam kung sino...saan...kailan...

Lumabas siya ng kwarto para ituon na lamang ang sarili sa gawaing-bahay nang sa gayon ay hindi niya maisip si Lanz. Natunugan niya sa sala nila na may nag-uusap. Mukhang may bisita ang kanyang ina.

"'Nay?"

"Daisy, nandiyan ka pala," ani Aling Wanda. "Nandito si Sir Red, kapatid ni Sir Lanz."

Tumango si Daisy saka bumati sa naturang lalaki. "Magandang umaga po, Sir Red."

Impit na tumawa si Red. "You can call me Red, Daisy. I know you. Nakita kita noong wedding anniversary nina Mama at Papa." Pakiramdam ni Daisy ay medyo mahigpit ang pagkakahawak ni Red sa kanyang kanang kamay. Sa di malamang dahilan ay tumaas ang mga balahibo niya sa braso pagkatapos ng pagdadaop-palad nila.

"Anak," sambit ni Aling Wanda sa seryosong tono, "magbihis ka na muna. May okasyon mamayang gabi sa barko ng mga Dela Riva. Birthday pala ni Sir Lanz ngayon. Nabanggit niya ba iyon sa iyo noong huli kayong nag-usap?"

Umiling si Daisy. Matagal na silang hindi nagkakausap ni Lanz kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong tanungin malaman 'yon mula sa kanya.

"Mukhang naging matalik kayong magkaibigan ng kapatid ko, Daisy. I would want you to do a special favor for me then," wika ni Red.

"Ano po 'yon?" tanong ni Daisy. Para siyang kinakabahan sa sasabihin ni Red sa kanya.

"Gusto kitang isama ngayon sa Princess Isabelle Starline para ipaayos sa iyo ang upper deck at hall nito for my brother's birthday party later. May nakapagsabi sa akin na magaling ka sa flower arrangements. Hindi ito alam ni Lanz, by the way. Gusto namin siyang sorpresahin dahil nitong mga nakaraang linggo, marami siyang pinagkakaabalahan. Gusto lang din naming maging masaya siya sa birthday niya. You're invited to his surprise party, as well. I'm sure he would be more than thrilled to see you," pagpapaliwanag ni Red habang sinusulyapan si Aling Wanda.

Huminga siya nang malalim. Kaya ba niyang makasama uli si Lanz sa isang lugar na kung saan posibleng maipakilala na rin sa kanya ang asawa niya sakaling natagpuan na siya?

Walang salitang gustong lumabas sa mga bibig ni Daisy nang mga sandaling iyon. Nag-aatubili siyang tuparin ang kahilingan ni Red na dumalo sa kaarawan ng kapatid.

"Daisy, are you going to come with me?" tanong ni Red sa mariing tono.

"Ah...eh...opo," nahihiyang sagot ni Daisy.

Sa Agos ng Tadhana (Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now