Chapter 10

5.1K 82 11
                                    

Hindi alam ni Lanz ang mararamdaman habang mabilis na minamaneho ang kanyang sasakyan patungo sa pribadong daungan ng Dela Riva Cruise Lines. Halo-halo ang emosyon sa puso niya. Masaya siya nang malaman niyang kumpirmadong buhay si Belle pero para rin siyang pinagsakluban ng langit nang mabatid na si Red ang may pakana kung bakit inakala ng lahat na patay na ang asawa niya.

Tumatak sa isip niya ang mga inilahad sa kanya kanina nina Aling Wanda at Dahlia sa flower shop...

"Kasama sa pagsabog at paglubog ng Queen Starline ang anak namin na si Daisy. Sa kasamaang-palad po, hindi siya nakaligtas. Nabagsakan siya ng malaking arko sa ulo at nalunod siya. Noong mga panahong iyon, halos ikamatay ng asawa ko nang mabalitaan niya ang nangyari sa barko. Hindi namin muna ipinaalam ni Dahlia na wala na talaga si Daisy. Kinabukasan pagkatapos ng insidenteng iyon, biglang pumunta rito si Sir Red. Nag-alok siya ng tulong pinansiyal sa pamilya namin dahil alam niyang may sakit sa puso ang asawa ko. Pero ang kapalit nito ay ang pagpapalit ng katauhan ni Belle at ng anak namin..."

"Lihim na ibiniyahe ni Sir Red ang asawa niyo sa Amerika. Si Daisy naman ay ipinalibing niya sa malayong lugar na tanging kami lang ni Dahlia ang nakakaalam. Kumuha si Sir Red ng larawan ni Daisy mula sa akin para sa pagpa-plastic surgery ng mukha ni Belle dahil hindi na makilala ang mukha ng asawa niyo noong mahanap siya. Sunog na sunog ang kanyang mukha hanggang sa kanyang leeg, at maging ang kanyang mga kasu-kasuan ay nalapnos dala ng pagsabok sa barko niyo noong ikinasal kayo. Walang malay ng ilang linggo ang inyong asawa kaya para kay Sir Red, 'yon ang pinakamainam na pagkakataon para isagawa ang pagpa-plastic surgery sa kanyang mukha. Pagkatapos ng operasyon ay iniuwi ni Sir Red si Belle dito sa Pilipinas. Ipinasundo kami ni Dahlia ng kapatid niyo at sa isang malayong isla sa Mindoro kung saan lumapag ang pribadong eroplano niya, doon namin kinuha si Belle, na nasa katauhan na ni Daisy. Nakaligtas na siya noon sa pagka-comatose ngunit sinigurado ni Sir Red na magigising lamang siya kapag nakauwi na rito. Ayon kay Sir Red noon, may itinurok siya sa asawa niyo para siya'y makatulog hanggang sa pagdating nila sa islang iyon. Noong magising si Belle, saka lang namin nalaman na wala na siyang maalala sa nakaraan niya. Maging ang mismong pangalan niya. Tuwang-tuwa si Sir Red dahil nagtagumpay ang plano niya. Pagkatapos nu'n binilinan niya kaming huwag na huwag 'tong ipaalam sa kahit sino lalung-lalo na pamilya ninyo. Nagbanta siyang oras na malaman ninyo ang katotohanan tungkol kay Belle ay malalagay sa peligro ang mga buhay naming lahat."

"Kaya ginawa namin po lahat ng makakaya namin para mapaniwala ang asawa niyo na siya talaga si Daisy. Kahit ang asawa ko paniwalang-paniwala noong una. Pagkatapos ng ilang buwan doon ko sinabi ang totoo kay Kanor. Mabuti na lang at wala naman nangyaring masama sa asawa ko..."

"Itinuring naming parang tunay na anak na talaga si Belle. Minahal at inalagaan namin siya. Marami kasi silang pagkakatulad ng nasira kong anak. Pero alam namin na darating sa puntong hindi na namin maitatago ang katotohanan. Lalo pa't nagtiwala ang pamilya ninyo sa amin. Kaya patawarin niyo kami Sir Lanz kung hindi namin 'to agad sinabi sa inyo. Talagang ginawa ng kapatid ninyo ang lahat ng klase ng pagbabanta at pangba-blackmail para sumang-ayon ako sa plano niya..."

Rumagasa ang mga luha mula sa mga mata ni Lanz. Parang sasabog ang kanyang dibdib nang malaman niya ang buong katotohanan tungkol kay Belle.

Kaya pala pakiramdam ko ay sobrang tagal ko nang kilala si Daisy...kaya pala kapag kasama at kausap ko siya, napakagaan ng loob ko...kaya pala napakapamilyar ng lahat ng mga galaw niya... kaya pala hindi siya mahirap mahalin. All this time ay nakakasama na pala talaga niya ang kanyang asawa. Bakit hindi niya 'yon napagtanto agad?

Sa Agos ng Tadhana (Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now