Chapter 8

4.4K 84 3
                                    

Pumunta sina Lanz at Daisy sa Princess Isabelle Starline pagkatapos ng fellowship sa bahay-ampunan. Pinakain rin ni Lanz ang mga bata bago sila umalis sa nasabing lugar kaya naman masaya sila nang makita ang mga kontentong ngiti ng mga bata.

"Ang sasaya nila di ba?" banggit ni Daisy habang umaakyat sila sa hagdan tungo sa upper deck ng barko.

"Oo, natuwa rin ako sa kanila. Mga bibong bata na talagang natuto sa mga sinabi mo kanina. You were amazing," pagbibigay-puri niya kay Daisy.

"Salamat. Bakit pala tayo nagpunta dito ngayon sa barko? May okasyon ba?" sambit ni Daisy habang sinasalat ang mga braso at niyayakap ang sarili. Dumaloy ang malakas na ihip ng hangin sa kanyang katawan kaya inilagay ni Lanz ang kanyang coat sa mga balikat ni Daisy upang mapawi ang lamig na nararamdaman.

"Salamat, Lanz."

"No problem, and to answer your question, wala naman talagang okasyon ngayon. Basta, let's just enjoy the night," tugon ni Lanz at saka hinawakan ang kanyang kaliwang kamay upang gabayan siya patungo sa isang sulok ng upper deck.

Isang candle-light dinner ang naghihintay para sa kanilang dalawa sa upper deck. Napaawang ang bibig ni Daisy sa gulat. "Grabe nag-abala ka pa talaga. Para saan 'to?"

Huminga nang malalim si Lanz pagkatapos niyang tulungan si Daisy na makaupo sa cushion chair. "Ito yung way ko para pasalamatan ka sa lahat ng ginawa mo para sa akin. Tsaka nangako akong babawi sa iyo, di ba?"

Napangiti si Daisy at saka tinignan ang lalaki. "Salamat uli, Lanz."

"No, Daisy. Thank you..." wika ni Lanz. Akmang hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay ni Daisy at ilang segundong ipinukol ang tingin sa kanya. Kasabay nito ay ang pagsayaw ng mga alon sa dagat at pagningning ng mga bituin sa langit.

Parang natameme si Daisy. Sa isip-isip ni Lanz, ayaw na sana niyang matapos ang gabing ito. Gusto niyang sulitin ang bawat sandali na kasama si Daisy dahil para sa kanya, baka ito na ang huling sandali na makakasama nila ang isa't isa.

"May papatikim pala ako sa iyo," ani Lanz, "nagluto ako ng carbonara. Paborito ko kasi ang pasta." Isinalin niya ang carbonara na nasa isa pang mesa sa kanilang mga plato at saka niya sinubuan si Daisy.

"Mmmm... ang sarap nito ah. Di ko alam na marunong ka pala magluto." Pagkatapos nito ay kinuha niya ang kopita ng Red wine na iniabot sa kanya ni Lanz. Inilapag niya ito sa kanyang harapan.

"Oo naman. Hindi puro negosyo lang ang ginagawa ko sa buhay." Saka bumungisngis si Lanz at umupo sa harap ni Daisy.

Halos isa't- kalahating oras nilang pinagsaluhan ang carbonara, garlic bread, chicken cutlets at cake na dinala ni Lanz. Nagkwentuhan at nagbiruan sila na hindi alintana ang lalim ng gabi. Ang tanging pinagtuunan nila ng pansin ay ang presensiya ng bawat isa. Pagkatapos ng masarap na dinner ay naupo sila sa kabilang dako ng upper deck para pagmasdan ang maliwanag na buwan at mga bituin sa abot-tanaw.

"Daisy?" Saka hinawakan ni Lanz ang kanyang kamay.

"Ano iyon?"

"Pwede ba kitang isayaw?" At makaraa'y lumabas ang isang lalaking tumutugtog ng biyolin.

Mabilis na napatingin si Daisy kay Lanz na para bang hindi makapaniwala sa narinig. Tumango na lang siya bilang tugon.

Magaan ang pagkakahawak ni Lanz sa bewang ni Daisy habang sumasabay sila sa saliw ng musika na nagmumula sa biyolin. Pakiramdam ni Daisy ay parang panaginip lang ang lahat ng nangyayari. Hindi niya maialis ang mga mata niya mula sa malalim na pagkakatitig ni Lanz sa kanya habang nakahawak siya sa mga matipunong balikat ng lalaki.

Sa Agos ng Tadhana (Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon