Chapter 12

302K 13.6K 3.8K
                                    

"T-tama na..." awat ko kay Rix. Ngunit masyadong mahina ang boses ko para sawayin siya. Lalo na't nararamdaman ko ang matinding takot nang makita ko kung paano niya iangat si Kevin sa ere.


Ibang Rix Montenegro ang kaharap ko ngayon. Wala na ang lamig sa kulay karagatan niyang mga mata, pagliliyab ang makikita roon ngayon. Nang tingalain ko si Kevin, mukhang hindi na ito makahinga. Magkasing-tangkad lang sila, pero hindi nito kaya si Rix. Hindi puwedeng tumayo at tumanga lang ako rito. Kailangang awatin ko si Rix bago niya pa mapatay si Kevin!


Kinapitan ko ang matigas niyang braso. "Rix, tama na!"


Tumulo na ang mga luha ko sa takot. Nakakatakot siya habang pinagmamasdan ko ang pag-igting ng kanyang panga at pagliliyab ng mga mata niya.


"P-please tama na!" garalgal ang boses na pakiusap ko sa kanya.


Saka lang niya ako narinig nang umiyak na ako. Nang bitawan niya si Kevin, bulagta itong bumagsak. Kandahabol ito ng paghinga.


"T-tama na..." Nanginginig ang mga labi ko. Takot na takot ako. Akala ko ay mapapatay na niya si Kevin. Hindi ko kayang may mamatay sa harapan ko.


"Martina..." Nakatitig siya sa akin. Ang nag-aapoy niyang asul na mga mata ngayon ay nagbalik na sa dati. Para siyang sinapian kanina nang sakalin niya si Kevin.


Nilapitan niya ako. Nakatitig lang siya sa akin at pinagmamasdan ako.


Nanghihina ko siyang sinuntok sa dibdib. "T-tama na..." iyak ko.


Hinapit niya ako sa baywang at niyakap ako. Wala akong nagawa para kumawala sa kanya. Hinang-hina ako nang mga sandaling ito.


"Sshh..." alo niya sa akin habang hinahaplos ang buhok ko. "Hindi na..." Ikinulong niya ako sa kanyang matitigas na braso. "Hindi ko na uulitin, Martina..."


Nakakapagktakang biglang nag-iba ang pakiramdam ko habang nakakulong ako sa yakap niya. Parang nawala ang lahat ng takot ko at iglap kong nakalimutan ang paligid. Na para bang wala ng ibang tao ngayon sa mundo maliban sa aming dalawa.


Nahinto ako sa pag-iyak dahil naramdaman ko ang pagtungo niya. Nakapikit ang aking mga mata kaya hindi ko makita ang reaksyon niya. Tinuyo ng daliri niya ang mga luhang dumaloy sa aking pisngi. Akala ko ay iyon lang ang gagawin niya, kaya laking gulat ko ng maramdaman ko ang mainit niyang labi sa aking noo ko.


"Hindi na mauulit..." Ang kanyang mainit na hininga ang tuluyang nakapagpatahan sa pag-iyak ko at tuluyang nagpawala sa katinuan ko.


....


TAGAKTAK ANG PAWIS KO.


Pagod na pagod ako. Nandito ako ngayon sa ospital kung saan naka-confine si Marlon. Pawisan ako na pumasok sa pinto dahil bago pumunta rito ay ginawa ko muna ang inuutos niya. Kung saan-saan ko pa hinagilap ang mga pinabili niya sa akin. Ang hirap pa namang hanapin sa palengke ang brand ng boxers na gusto niya. Hinanapan ko rin siya ng pajama na akma sa size niya. Hindi kasi siya nagsusuot ng maluwag. Gusto niya ay sakto dapat sa katawan niya.

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now