Chapter 22 [Part 2]

313K 12.5K 1.4K
                                    

"KUMUSTA SI MARLON?" tanong ni Gracia. Kasalukuyan kaming nasa loob ng klase. Naghihintay kami ng professor na magtuturo sa amin.


Nangalumbaba ako. "Hindi ko alam. Wala na kami."


Namilog ang mga mata niya. "Seryoso?! Matapos mong bayaran ang lahat ng bills niya sa hospital?"


"Alam mo, 'insan, tama ka. Hindi ko maiwan si Marlon dahil iniisip ko na mahal ko siya. Iniisip ko na concreted ako sa kanya."


"Concreted? Baka committed?"


"Basta." Napayuko ako. "Sinisisi ko kasi ang sarili ko kung bakit siya naaksidente. Pero ngayong napa-opera ko na siya, wala na akong pananagutan sa kanya."


"Na-realize mo na hindi mo na pala talaga siya mahal?"


Ngumuso ako. "Hindi ko matandaan kung minahal ko ba talaga siya. Siguro oo, 'tapos nawala na lang katagalan. Di ba ang feelings, nauubos at nawawala kapag hindi naaalagaan." Sa lagay namin ni Marlon, parang puro ako lang ang nagmamahal, ang umuunawa, ang nanunuyo kapag may hindi kami pagkakaunawaan. Napagod na rin ako sa huli dahil ito na rin mismo ang bumitiw sa akin.


"Ganoon naman talaga madalas, eh." Tumango-tango si Gracia. "Akala mo lang mahal mo, pero in love ka lang pala sa idea na may mahal ka at may nagmamahal sa 'yo. Natatakot ka lang na mag-isa at aminin sa sarili mo na mali ka."


Ako naman ang tumango. Nadale niya pa ang isang dahilan. Masyado pa akong bata noon, maagang naulila, mahina ang loob, kulang sa pagmamahal at atensyon. Nandoon din ang inggit sa nakatatanda kong kapatid dahil meron itong karelasyon na kasama nito. Na-curious ako sa pakiramdam na meron ding magmamahal at mag-aasikaso sa akin.


Si Marlon ang unang nanligaw sa akin, pinakitaan ako saglit ng maganda, agad na akong nahulog. Minahal ko ang ideya na may nagmamahal na sa akin at hindi na ako nag-iisa. Kaya kahit magulo na ang sitwasyon namin ni Marlon, hindi pa rin ako makaalis dahil isinasaalang-alang ko ang aming mga pinagsamahan. Dumagdag pa ang aksidente nito kaya lalong hindi ko ito noon magawang iwan.


"Mahirap talagang matali sa relasyon na walang feelings maliban sa guilt. Hindi mo maiwan ang isang tao kahit toxic na ang relasyon niyo. Hindi mo maiwan kahit gusto mo nang iwan kasi feeling mo mahal mo talaga siya at kawawa siya kapag iniwan mo siya. O feeling mo kawawa ka pag nagkahiwalay na kayong dalawa." Tinapik niya ako sa balikat. "Pero masaya ako para sa 'yo, Martina. Finally, natuto at natauhan ka na."


Napabuntong-hininga ako. Wala na talaga ang bigat sa dibdib ko dahil alam ko na kahit wala na ako sa tabi ni Marlon, magiging okay na ito.


Ayon kay Shena, medyo nakakalakad na raw si Marlon sa tulong ng therapy. Nakipagkita kasi sa akin ang babae kahapon. Pinipilit niya ako na ipasok ko siya sa pinagtatrabahuhan kong coffee shop. Kaya hayun, nakibalita na rin ako.


Madalas daw akong hinahanap ni Marlon. Minsan, umiiyak ito. Nami-miss daw ako. Eh, kahit lumuha pa siya ng dugo sa harapan ko, hindi na ako babalik sa kanya. Tama na iyong mga taon na nagpakatanga ako sa kanya.


"Si Kuya Maximus, hindi pa ba siya makakalabas ng ospital?" untag sa akin ni Gracia dahil sa biglang pananahimik ko.

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now