Chapter 27

286K 10.5K 1.5K
                                    

MAGDAMAG akong nakabantay sa labas ng maliit kong inuupahan. Nananalangin ako na sana ay maisipang magawi ni Rix dito. Gusto ko na makausap siya. Gusto ko na magkalinawan na kami. O mas tamang sabihin, na tapusin na namin ang kung ano mang meron kami. Habang hindi pa ako nababaliw nang tuluyan.


Hindi ako sigurado kung darating nga siya kaya ganoon na lang ang tahip ng aking dibdib nang matanaw ko ang matangkad na lalaki na palabas sa eskinita. Si Rix! Dumating siya!


Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa baitang ng pinto at sinalubong ko siya. Paglapit ko sa kanya, tiningala ko siya. Ang bughaw niyang mga mata ang unang dumetalye sa aking paningin.


Mahirap kalimutan ang mukha ng guwapong lalaking ito. Pero kahit masakit at mahirap, kailangan ko pa ring tapusin kung ano man ang namamagitan sa amin. "R-Rix, may sasabihin ako—"


Nang bigla siyang lumuhod sa harapan ko. Mula sa bulsa ng suot niyang jeans ay may kinuha siya rong isang maliit na kulay pulang kahon. Inangat niya iyon at binuksan para ilahad sa akin. Sa loob niyon ay naroon ang kumikinang na singsing. "M-Marry me, Martina..."


"H-ha?" Napaatras ako. Nabigla ako. Hindi ko inaasahan na gagawin niya ito.


Malamlam ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. "I want you to be mine forever..."


Parang biglang may nag-awitang mga anghel sa paligid. Kasal. Inaalok niya ako ng kasal? Sa kabila ng agwat namin sa buhay? Sa kabila ng mga babaeng nakapalibot sa kanya na higit sa akin, ako ang naisip niyang alukin na makasama habangbuhay?


Mali si Lorraine! Dahil mahal ako ni Rix at papakasalan niya ako! Parang nais kong maiyak sa tuwa!


Naluluha ang mga mata na unti-unting ngumingiti ang aking mga labi. "R-Rix, ibig sabihin ba ay ako ang–"


"Natakot ako nang makita ko kayong magkasama ni Marlon. Paano kung maagaw ka niya sa akin? That's why I wanna marry you..."


Bumagsak ang mga balikat ko. Iyon ang dahilan niya? Dahil ayaw niyang maagaw ako ng iba? Akala ko kasi ang sasabihin niya ay mahal niya ako. Na sa unang pagkakataon, nagmahal siya. Nagbago siya at handang magbago pa. Na kaya niya ako gustong pakasalan ay gusto niya akong habangbuhay na makasama. Hindi iyong ganito, iyong gusto niya lang makasigurado!


Lalo akong nanghina nang makita ang emosyon sa bughaw niyang mga mata. Hindi iyon emosyon ng pag-ibig. Kundi emosyon na hindi ko kilala. May kung anong kumirot mula sa loob ng dibdib ko.


Umuukilkil ang tanong sa isip ko, kung susugal ba ako o tatakbo. Isang sagot ang malinaw na dumating. Ang taong ito ay hindi sigurado sa akin. At ang kasal na kanyang binanggit ay isang uri lang ng papel sa katulad niya. Madaling ipawalang bisa kung kailan niya gugustuhin dahil marami siyang pera.


Hindi ko na kaya na muling umasa at masaktan. Pagod pa ako. Pagod pa pala ako. Baka sa pangalawang pagkakataon, hindi ko na talaga kayanin.


Ayaw ko na dumating ang araw na masanay na naman ako sa pag-aasam sa wala. Katulad noong natali ako sa pag-iisip na si Marlon na ang para sa akin, masasaktan din ako kapag hindi pa ako ngayon kumilos. Nakakatawa mang sabihin, pero kahit sandali ko palang nakikilala si Rix, mas malalim ang nararamdaman ko para sa kanya. Kasi sa kanya ko tunay na naramdaman ang aking importansiya. Natatakot ako na dumating ang araw na harapan niya nang iparamdam sa akin na wala na akong halaga. Hindi ko iyon kakayanin. Kaya ngayon pa lang, tama na.


Marahan akong lumapit sa kanya. Yumuko din ako upang magpantay kaming dalawa. Kinuha ko ang singsing at inilagay sa palad niya. Pagkuwan ay tiniklop ko ang kamay niya. Nag-umpisa ng maglandas ang mga luha ko. "Rix, ayoko..."


Dahan-dahang nanlaki ang bughaw niyang mga mata. Ang reaksyon niya ay katulad noon nang ilang beses ko na tumanggi sa kanya. Ganoong-ganoon. Reaksyon ng isang tao na hindi sanay na tinatanggihan.


Sa kabila ng lahat, mahal ko ang lalaking ito. Malinaw na malinaw sa akin ang aking nararamdaman, kaya ako sobrang natatakot para sa sarili ko.


"Tama na..." sambit ko sa mahina pero siguradong boses na alam kong umabot sa pandinig niya. "A-ang bilis ng mga pangyayari. Katatapos ko lang masaktan, hindi ko alam kung kaya kong sumugal na naman. Nang agad-agad. Pagod pa ako. Gusto ko munang mag-isa. Iyong ang iniintindi ay sarili ko lang."


"You don't mean that." Ang bughaw niyang mga mata ay bahagyang lumamig.


"A-ayoko na, Rix..." Garalgal ang boses ko. "M-maawa ka... ayoko na..." Napahagulhol na ako. Durog na durog ako habang sinasabi sa kanya iyon.


Napayuko siya. Madilim ang kanyang mukha. Ang sakit-sakit. Pero mas maigi nang ganito kaysa mas lumalim pa ang pagmumulan ng sakit. Kumbaga kailangan nang lunasan agad habang hindi pa gaanong malubha.


"G-gusto ko iyong dating buhay ko. I-iyong normal lang ako. I-iyong wala akong nararamdamang sakit. I-iyong wala akong iniisip. I-iyong nakakatulog ako sa gabi nang walang iniisip. I-iyong wala akong kinatatakutan at walang masamang panaginip." Natigilan ako nang bahagya. "I-iyong wala ka... Rix..."


Hindi na siya nagsalita muli. Hinaplos ko ang mukha niya at iniangat. Sa tulong ng liwanag ng buwan, napagmasdan ko ang kanyang perpektong mukha.


"S-sorry. Pero alam ko namang darating din tayo rito, nauna lang ako." Natatakot ako na marinig mismo sa 'yo, dugtong ko sa isip na aking sinarili na lang.


Walang buhay naman ang kanyang mga mata habang nakatunghay sa akin.


"K-kaya nagmamakaawa ako sa 'yo... layuan mo na ko. S-sana bigla ka na lang mawala. S-sana maglaho ka na..." parang binabayo ang aking dibdib sa mga sinasambit kong salita.


"I see," tipid niyang sagot. Marahan siyang tumayo at tumalikod. Naglakad na siya palayo.


Pakiramdam ko, namatay ako ng ilang beses. Napakasakit palang makita na palayo sa 'yo ang taong mahal mo. Pero ito ang pasya ko. Gusto ko muna na magpahinga sa lahat ng ito. Sa lahat-lahat ng gumugulo sa puso at isip ko. 


jfstories

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now