Chapter 21

299K 13.1K 4.5K
                                    

NADATNAN ko si Rix na nakatalungko sa sulok pagsilip ko sa pinto. Napapatampal pa siya sa kanyang braso habang nakapikit dahil kinagat yata siya ng lamok.


Hindi ko akalaing nandito pa rin siya matapos ng mga nagawa at nasabi ko sa kanya. Nakatulog siya kakahintay sa akin.


Tumitilaok na ang mga manok nang makaalis ako sa ospital. Lumabas ulit ako at nagpalakad-lakad. Nag-iisip ako kung ano ang ibubungad ko sa kanya. Sinabunutan ko ang aking sarili.


Akala ko kasi talaga ay si Rix ang sumunog ng bahay ng boyfriend ni Kuya Maximus. Hindi pala. Si Kuya Maximus pala talaga ang sumunog. Ito lang kasi ang naisip na paraan ng kapatid ko paraan para makaligtas siya sa boyfriend niya. Hindi niya na ito mahal dahil nauntog na rin siya sa katotohanan na hindi siya mapapabuti rito. Ang kaso, imbes na makalaya ay mas lumala pa ang sitwasyon niya.


Napabuga ako ng hangin nang muling sumulyap sa maliit na kuwartong inuupahan ko. Naroon pa rin si Rix. Galit pa rin ako sa kanya pero hindi na ganoon katindi. Mas nangingibabaw ngayon ang panliliit ko dahil sa pagbibintang ko sa kanya. Nagpabulag ako sa galit. Akala ko na siya rin ang sumunog sa bahay ng boyfriend ng aking kapatid. Hindi pala siya. Kung anu-ano pang masasakit na salita ang nabitiwan ko sa kanya.


Bakit niya ko hinayaan na makapagsalita ng masasakit na salita sa kanya? Bakit wala siyang imik habang hinuhusgahan ko ang pagkatao niya? Hindi man lang ba niya nagawang magalit sa akin dahil sa mga nasabi ko sa kanya? Bakit ba kasi napakamisteryoso niya?


Bumalik ako sa pinto at pumasok. Tumikhim ako. "Ahem."


Narinig niya yata ang boses ko kaya nag-angat siya ng mukha. Nang makita niya ako, bigla siyang napatayo. Pupungas-pungas pa siya at namumula pa ang kanyang bughaw na mga mata sa antok.


Napabaling siya ng tingin sa bintana. Iniisip niya yata na may kasama na akong pulis at ipinapahuli ko na siya. Sa huli ay napayuko siya.


Napanguso ako. Ang guwapo talaga ng lalaking ito kahit bagong gising at magulo ang buhok. Kahit hindi pa naliligo, mukha pa rin siyang mabango. At mabango nga naman talaga.


Bumuga ako ng hangin. "May tira pa ba?"


Umangat nang bahagya ang mukha niya. "Huh?"


Napakamot ako ng pisngi. "I-iyong pagkain na niluto mo..." Pinamulahan ako. "M-meron pa ba?"


Parang hindi siya makapaniwala sa tanong ko. Mayamaya ay tumalikod siya at may dinampot malapit sa kalan ko na de uling. May natitira pa pala roon sa pagkain na iniluto niya para sa akin. Nandoon sa luma kong tupperware nakalagay.


Kinuha ko iyon sa kanya. Naupo ako sa sahig at binulatlat ko ito. Hotdog at itlog. Parehas sunog. Iyong kanin naman ay parang kulang sa tubig. Bigas pa ang itsura.


Lumikot ang mga mata niya nang tingalain ko siya. "It's just... so hard to cook on your stove."


Pigil akong napangiti. Kita ko naman ang airport niya sa pagluluto. Effort pala. Mukha naman pinaghirapan niya ito. Kahit ako ay naghihirap din tuwing magluluto sa de uling kong kalan. Kailangan pa kasi itong paypayan para magningas.

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now