Chapter XVI

12K 741 18
                                    

Chapter XVI: Inside of Myriad World Mirror

Taimtim at tahimik na tumingin si Finn kay Kiden nang marinig niya ang paraang sinasabi nito.

'Maging isa sa pinakamahalagang miyembro ng alinman sa Seven Great Faction? Paano?' sa isip ni Finn.

Totoong sa kasalukuyang antas ng lakas ni Finn, madali lang para sa kaniya ang makapasok at maging miyembro ng alinman sa Seven Great Faction. Ngunit paano niya ito gagawin ng hindi nalalaman ng Nine Ice Family ang kaniyang totoong lakas? Kung malalaman nila ang totoong lakas ni Finn, siguradong gagawa sila ng kahit anong paraan upang mawala na sa mundong ito si Finn at pag nangyari yun, ito na rin ang magiging katapusan ng kaniyang angkan.

Kailangan niya pa ring magpanggap na isa siyang Gold Rank Adventurer upang kaunting atensyon lang ang kaniyang makuha mula sa Nine Ice Family. Kung ang isang batang Adventurer na nasa 9th Level Gold Rank ay isang pambihirang bagay na sa mga mata ng isang Aristocrat Clan, sa mata naman ng Noble Clan ay isa lang itong normal at ordinaryong kaganapan.

Ayon kay Kiden, ang Nine Ice Family ay mayroong tatlong Profound Rank Adventurer, kaya walang dahilan upang matakot at maalarma sila. Dahil para sa kanila, ang isang 9th Level Gold Rank na 'katulad' ni Finn ay isa lamang surot na kayang-kaya nilang tirisin ng hindi ginagamitan ng malakas na puwersa.

Nang mapansin ni Kiden na malalim at seryosong nag-iisip si Finn, ngumiti siya sa binatilyo at nagwika, "Isang taon mula ngayon, bibisita sa institusyong ito ang apat sa Seven Great Faction upang pumili ng mga pinakatalentadong Adventurer mula sa core students ng institusyong ito upang maging kanilang panibagong Inner Member."

Alam ni Finn kung bakit apat lang sa pitong faction ang bibisita at tatanggap ng bagong inner member mula sa institusyong ito, yun ay dahil tatlo sa pitong faction ay mayroong espesyal na kwalipikasyon na hinihingi upang makapasok sa kanilang pangkat.

Halimbawa niya diyan ay ang Alchemist Association na tumatanggap lang ng mga Adventurers na mayroong Alchemy Flame.

Muling nagpatuloy si Kiden sa kaniyang pagsasalita, "Ngunit, hindi sapat na maging Inner Member ka lang upang maging isa ka sa pinakamahalagang miyembro nila. Kailangan mong mapasali at makapasok sa pitong pinakamalakas na core member ng batang Adventurer. At kung magiging isa ka sa pitong iyon, makakatanggap ka at ang iyong angkan ng proteksyon mula sa Faction na iyong sinalihan."

"Pero Institution Master, masyadong matagal ang isang taon. Maaaring bago pa man mag-isang taon ay nakagawa na ng hakbang ang Nine Ice Family laban sa aking angkan. At isa pa, alam kong hindi ganoon kadaling maging isang core member ng Seven Great Faction." agad namang wika ni Finn.

"Kaya nandito ako upang tulungan ka. Maaari kitang direktang ipasok sa Core Sect ng Cloud Soaring Sect at maging opisyal na kanilang core member sa lalong madaling panahon. Maaaring sa paraang ito ay makabawi man lang ako sa aking pagkakasalang nagawa sa iyong angkan sampung taon na ang nakalilipas." ani Kiden at muli siyang nagpatuloy, "Mayroong isang adventurer sa lugar na iyon ang mayroong malaking utang na loob sa akin at sigurado akong hindi niya ako tatanggihan kung hihilingin ko man na gawin ka nilang core member ng kanilang Sect. Pero ito lang ang maaari kong maitulong sa'yo. Tungkol naman sa pagiging isa sa pitong pinakamalakas na batang adventurer, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo."

Nabigla si Finn sa mga sinabi ni Kiden. Hindi siya makapaniwalang gagawin ito ni Kiden para sa kaniya at kaniyang angkan.

'Mayroong koneksyon si Institution Master Kiden sa Cloud Soaring Sect? Hindi kaya...'

"Institution Master... isa ka bang miyembro ng Cloud Soaring Sect?" malumanay na tanong ni Finn.

Nang marinig ito ni Kiden ay mapait itong napangiti at marahang umiling, "Hindi na."

Legend of Divine God [Vol 1: Struggle]Where stories live. Discover now