Chapter XXIV

11.4K 724 37
                                    

Chapter XXIV: Revelation

"Finn...hindi ako ang iyong tunay na ama."

Habang pinagmamasdan ni Finn ang hitsura ni Creed, hindi niya mapigilang makaramdam ng sakit sa kalooban niya. Sinubukan niyang maging mahinahon at kalmadong tinanong si Creed, "Ama...ano pong sinasabi mo?"

Naguguluhan siya sa sinasabi ni Creed at kahit malinaw niya naman na narinig ito, pinipilit niya pa rin na paniwalain ang kaniyang sarili na nagbibiro lang ang kaniyang ama.

Mapait namang ngumiti sa kaniya si Creed at komplikadong tumingin kay Finn, "Malinaw ko pang naaalala mahigit labing anim na taon na ang nakalilipas. Noong araw na manganganak na si Olivia sa aming panganay, naroon si Family Head at ang aking nakababatang kapatid na si Altair. Masaya kaming naghihintay sa pagsilang ng panganay kong anak ngunit napalitan ito ng lungkot ng malaman naming wala ng buhay ang sanggol na ipinagbubuntis ni Olivia."

Kitang-kita ng binatilyo ang lungkot sa mga mata ni Creed habang ito ay nagkukuwento. Nanatili siyang tahimik at nakikinig sa kuwento ni Creed.

"Ayon sa komadrona, maselan ang katawan ng bata kaya hindi na nito nakayanang mabuhay pa nang matagal. Malakas ang buhos ng ulan ng mga oras na 'yon at sinabayan pa nito ang paghihinagpis ng aming pamilya. Alam naming wala nang pag-asa pa na mabuhay ang aming anak at nang aalis na sana si Family Head ay mayroong hindi inaasahang misteryosong adventurer ang biglang pumasok sa loob ng aming bahay. Nakasuot ito ng itim na balabal at isang ginintuang maskara. At sa mga bisig niya ay isang tahimik na sanggol ang natutulog." Sandaling huminto si Creed at tumingin muna sa mata ni Finn bago magpatuloy, "At ang sanggol na iyon ay walang iba kung hindi ikaw, Finn, anak. Kahit na sobrang lakas ng buhos ng ulan, napansin naming hindi kayo basa. Aatakihin na sana naming dalawa ni Family Head ang misteryosong adventurer na yun dahil sa panghihimasok nito sa aming angkan ngunit nang aatake na sana kami, agad kaming napaluhod lahat ng dahil sa sobrang takot. Tanging si Olivia lang na yakap-yakap ang aming walang buhay na anak ang patuloy pa ring umiiyak."

"Kahit kailan ay hindi pa ako nakakaramdam ng ganoong takot sa buong buhay ko. At noong mga oras na iyon, akala ko ay katapusan ko na ngunit bigla siyang nagsalita. Tandang-tanda ko pa ang mga salitang binitawan niya. Sabi niya, kaming mag-asawa ay kailangan na kupkupin at palakihin ng maayos ang sanggol na nasa bisig niya. Nagulat kaming lahat noon at hindi makapaniwala sa sinasabi niya. Tinanong namin siya kung bakit, ngunit hindi niya kami sinagot ng diretso. Sinabi niya rin na bukod sa pamunuan ng Azure Wood Family, wala na dapat makakaalam na hindi sa amin ni Olivia ang sanggol na 'yon. Ipinaalala niya rin sa amin na sa oras na tumuntong kana sa wastong gulang, kailangan na naming sabihin sa'yo ang katotohanan. Sinabi niyang nakamasid lang siya sa dilim, at palagi siyang nakatingin sa aming kilos. Hindi niya na kami hinintay na pumayag dahil agad ka niyang inilagay sa mga bisig ko at bigla siyang nawala sa aking harapan at kinuha sa yakap ni Olivia ang aming walang buhay na anak. Mabagal siyang naglakad palabas at sinundan ko siya para kuhanin ang bangkay ng aking anak ngunit nagulantang ako sa nakita ko paglabas ko." Tumigil ito at para bang nakaramdam ng sobrang panlalamig habang nagkukuwento.

"Lumipad siya at biglang naglaho!"

'Lumipad?' gulat na tanong niya sa kaniyang sarili.

Sa pagkakaalam niya, tanging mga Sky Rank Adventur pataas lang ang may kakayahang makalipad. Ang Adventurer na nag-iwan sa kaniya sa angkan ng Azure Wood ay ganoon kalakas?

"Ama...sa tingin niyo ba ay siya ang aking totoong ama?" tanong ni Finn.

Tiningnan naman siya ni Creed at mapait na ngumiti, "Hindi namin alam dahil bukod sa mga sinabi niya, ay wala siyang binanggit na kahit ano tungkol sa iyong pagkatao. Nakita ko lang ang pangalan at apelyidong nakaburda sa telang nakabalot sa'yo ng mga oras na 'yon. At yun ay walang iba kung hindi Finn Silva!"

Legend of Divine God [Vol 1: Struggle]Where stories live. Discover now