HATID 🧟‍♀️~ 2. ANG DALAWANG GALLETAS NI MRS. ABLAZA

1.5K 60 1
                                    

May dalawang matataas na lalaki na nakasuot ng short sleeves polo barong sa magkabilang tabi ni Mrs. Ablaza. Mga bodyguard niya ito at driver pa ang isa. Mabuti na ang nag iingat, isip isip ni Mrs. Ablaza. Sa ganitong lugar na naglipana ang mga dukha paniguradong maraming kawatan. At pumasok na nga ang matabang babae sa kapilya na taas noo at aakalain mong kabilang sa alta sociedad. Ngunit sa totoo, pilit na lamang kinakalimutan ng matabang negosyante ang kanyang maralitang nakaraan.

"Mrs. Ablaza! Naku isang malaking karangalan ang makarating kayo dito sa huling lamay ng aking kabiyak. Salamat po sa inyong pakikiiramay sa akin sa pinakamasakit na kabanata ng aking buhay!" Ang ma-dramang turan ni Wilma sabay yakap sa matabang babae.

Samantala, gustong matawa ni Mrs. Ablaza sa itsura ni Wilma. Kung hindi lamang alam nilang burol ni Bong iyon at makakasalubong niya si Wilma sa ibang lugar sa gabi din paniguradong aatakihin siya sa takot sa ayos nitong naka belong itim pa at tanaw na tanaw sa belo nito ang pagka-pula pulang lipstick nito na tag sasampung piso sa bangketa. Pasimpleng inipit ni Mrs. Ablaza ang may kakapalang puting sobre sa kamay ni Wilma na siya namang ikinagalak ng huli. Salapi!

Dumerecho sa tabi ng ataul ang nakiramay at sinamantala ni Wilma ang pag usal ng dalangin nito para sa yumao sabay tulak sa panganay na anak at inginuso ang bisita sabay angat ng kamay na may hawak sa sobre. Nakuha naman ng anak ang nais ng ina kaya't lumapit ito sa negosyante upang kausapin at alukin ng Zest-O at galletas.

Si Wilma ay dali-daling tumalilis sa banyo upang silipin ang laman ng sobreng makapal. Inangat ang belong itim na may malawak na ngisi sa mapulang bunganga sabay buklat sa sobre.

"Nakanampucha!"

Apat na pirasong tag bebente pesos! Otsenta pesos ang inabuloy ni Mrs. Ablaza. Nanlumo si Wilma. Hindi man lang ineksaktong isang daang piso! Ang buong akala pa naman niya ay apat o limang taglilibuhin. O kahit man lamang limang mandamandaan. Pero otsenta pesos?! Napalitan ng yamot at ng lumaon ay galit ang panlulumo ni Wilma. Isang napakalaking pang aalipusta ang ginawang ito ni Mrs. Ablaza! Pigil ang gigil na lumabas ng banyo si Wilma derecho sa nakangangang si Mrs. Ablaza na noo'y sabay sanang susubo ng pinagpatong na galletas.

Hinila ni Wilma ang malapad at mamantikang braso ni Mrs. Ablaza at halos kaladkarin palabas ng kapilya.

"Naku Mrs. Ablaza, salamat po sa pakikiramay ninyo. Lumalalim na ho ang gabi baka kayo ay mapuyat. Tayo na ho at ihahatid ko na kayo sa labas."

Naiwang nakasupalpal ang galletas sa bibig ni Mrs. Ablaza at dere-derecho itong nagpatianod sa pag hila ni Wilma. Hindi na nito narinig ang turan ng tiyahin ng yumaong si Bong nang pahabol nitong salita na puno ng takot at pangamba:

"Wilmaa! Wag mong ihatid si Mrs. Ablaza! Masamang naghahatid ng mga nakiramay ang namatayan!"

HATID atbp. 👁Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang