SISIW 🐥~ 1. ANG NAWAWALANG BANGKAY

1.5K 60 0
                                    

Ito na yata ang pinakamaligayang sandali sa buhay ni Willy. Sa wakas ay naiharap na din nya sa dambana ang babaeng kanyang pinakaiibig-si Cita. Mag iisang buwan na silang ikinakasal at walang pagsidlan ang ligayang nadarama ng lalaki. Sa napakarami niyang naging karibal kay Cita ay ganun na lamang ang galak niya ng siya ang sagutin nito ng matamis na "Oo". Kahit pa tutol ang kanyang mga magulang na si Cita ang kanyang mapangasawa dahil anak mahirap ito at walang tinapos, ipinaglaban ni Willy ang kanilang pagmamahalan.

Kasalukuyang mahimbing na natutulog si Cita ng mga oras na iyon. Masuyong pinagmamasdan ng lalaki ang napakagandang mukha ng kabiyak. Mala-anghel ang kagandahan nito. At ibibigay niya ang lahat ng gugustuhin nito habang buhay.

Anak mayaman si Willy. Bukod sa malaking mamanahin bilang solong heredero ng mga Coronel, isa ding neuro psychiatrist ito. Isang sangay ng Medisina na bibihira lamang ang nagpapaka dalubhasa. Malaki ang singil sa mga mayayamang pasyente. Yun nga lamang at puro may diprensya sa pag iisip ang kanyang mga pasyente. Sari saring sakit sa utak ang kanyang nakakasalamuha araw araw. May mga ilang halos bayolente na. Ngunit lahat ng iyon ay hindi alintana ng guwapong doktor. Ito ang kanyang hilig at pangarap na propesyon. Pangalawa kay Cita, dito siya masaya, sa kanyang propesyon.

Sobrang mahal niya si Cita. Ito ang buhay niya. At hindi niya mapapayagang mawala ito sa kanya.

SAMANTALA...

Sa harap ng isang katamtamang bungalow, isang lamay ang nagaganap. Isang dalaga ang natagpuang tadtad ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan. Walang ideya ang kapulisan sa motibo o kung sino ang salarin. Ang masakit pa sa mga magulang ng biktima, nang nasa morgue na ang bangkay ng kanilang anak ay naglaho ito! Hindi nila malaman kung nasaan o kung may kumuha ba o ninakaw upang gamitin ang laman loob o ibenta ang patay sa mga mag aaral ng medisina. Hinanap nila sa lahat ng morgue, funeraria at burulan ngunit walang natagpuang katawan ng yumao. Nanawagan narin sila sa lahat ng istasyon ng radyo at telebisyon at ibinigay nila ang kanilang numero ngunit wala pa ring resulta. Makalipas ang halos mahigit isang buwan, nag pasya ang mag asawa sa payo na din ng ilang kaanak na iburol na lamang ang duguang damit na suot ng biktima nung ito ay paslangin upang mabigyan ito kahit paano ng Katolikong burol at libing.

Ngayon ang unang gabi ng lamay para sa dalaga. Hindi parin sumusuko ang mga magulang nito sa paghahanap sa kanilang anak. Matamlay na dumating sa kanilang tahanan ang ama ng biktima. May tangan itong isang maliit na kahon ng sapatos na may butas sa gilid at sa takip. Sinalubong siya ng kanyang maybahay.

"Ano iyang dala mo Tatay?"

"Halika sumunod ka sa akin at ng malaman mo." Marahang naglakad papalapit sa ataul ang ama ng pinaslang na dalaga. Inalis ang takip ng kahon ng sapatos, at sa harap ng mga nakikidalamhati sa kanila, ipinatong ang dalawang munting sisiw sa ibabaw ng salamin ng ataul. Nilagyan niya ng konting bigas at maganang nagtukaan dito ang mga sisiw.

"Nanay, palagi mong lalagyan ng bigas ang mga sisiw na iyan. At habang tumutuka sila sa salamin ng ataul ng ating anak, ay usigin nawa ng kaniya o kanilang konsyensya ang kung sino mang walang kaluluwang pumaslang at nagnakaw ng bangkay ng kaisaisa nating anak!"

Malakas ang tinig ng ama. May halong galit at pag uusig. Nagbulungan ang mga nakikiramay. Isang tinig ang nangibabaw sa bulungan.

"Matalim ang pangungusap na tila sumpa ng ama ng yumao. Ang alam ko, mabisa ang salitang mamumutawi sa bibig ng taong labis na kaapihan ang dinanas. Natatakot ako para sa salarin! Isang malagim na pangyayari ang kanya ding daranasin!"

Isang nakaitim na babae ang nagwika. Tila maraming alam sa kalakaran ng burol at pagluluksa. Nagtinginan ang mga tao upang kilalanin kung sino ito. Subalit ang mukha ng babae ay natatakpan ng itim na belo. Ang tangi lamang nilang naaaninag ay ang ubod ng pulang lipstick nito na animo'y dugong nagliliyab!

HATID atbp. 👁Where stories live. Discover now