KARERA 🏃🏻‍♀️~ 1. MAYETTE AT TINA MORAN

1.2K 52 0
                                    

Hulas na hulas na ang frosted na make up ni Mayette Moran sa katanghaliang tapat. Nilalakad nilang magkapatid ang kahabaan ng Quezon Avenue papunta sa opisina ng networking company na sinalihan nila. Parehong separada sa asawa ang magkapatid na Mayette at Tina Moran. Parehong may anak at parehong niloko at inabandona ng sari sariling asawa. At parehong nakiki-apid ngayon sa asawa ng may asawa. Lahat ng raket pinasok ng magkapatid dahil sila ang gumagastos sa kani-kaniyang lalaki. Palibhasa mga walang taglay na ganda, ginagamit lang ng mga nakakarelasyon bilang palabigasan at parausan ang magkapatid na Moran.

"Ate bilisan mo naman! Ang make up ko oh sira na!" Pagmamaktol ni Mayette sa ate niyang si Tina Moran.

"Eh ke arte arte mo eh! Ayaw mong magdala ng payong ayan magdusa ka sa init!"

Sumimangot si Mayette sa inaakala niyang cute niyang simangot pero lalo lamang lumaki ang ilong ng naturang babaeng separada. Nakadama naman ng awa si Tina sa mas nakababata at mas pangit na kapatid.

"Osha osha bilisan nalang natin at pagdating sa opisina ay aircon na! Nasaan ang mga orders mo? Ako na mag aasikaso sa warehouse at magpahinga ka na lamang sa Lounge!" Sabay sahod ng kamay sa batang kapatid upang abutin ang listahan ng orders ng mga sabon at bitaminang nakapagpapaputi ng balat.

Habang naglalakad ay gulat na napahinto ang dalawa. Hinarang sila ng isang traffic enforcer at sinenysang tumigil muna sa paglalakad at humimpil muna pansamantala sa bangketa.

"Ano bang meron? Jusko naman ate, init na init na ako! Abot kamay na natin ang aircon. Buset na enforcer to ah!"

"May libing pala. Ayan oh dadaan pala ang prusisyon ng patay."

"Naku naman, tegi na nga namemerhuwisyo pa! Buset talaga naman!"

"Shhh! Ang lakas ng boses mo," saway ni Tina sa nakababatang kapatid, "baka marinig ka ng mga kaanak..."

Tiyempo naman sa palitang iyon ng magkapatid ay ang siyang pagdaan naman ng patay.

Isang babaeng nakasuot ng itim na bestida na may belong itim na tumatakip sa kabuuan ng mukha nito ang tumigil sa tapat ng magkapatid. Aninag na aninag ang mapulang lipstick nito na sya lamang tanaw sa likod ng itim na belo.

Hindi natinag sa pagtalak si Mayette at nagpatiuna pa sa ate niya sa paglalakad.

"Hay naku ate, unahan na natin ang prusisyon na yan. Sa bagal ng usad niyan ay malulusaw ang beauty ko!"

Isang matalim na tingin ang iginawad ng babaeng naka itim na may itim na belo kay Mayette.

"Masamang makipag karera sa patay! Baka mauna ka pa sa impyerno!"

HATID atbp. 👁Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon